Programa-parangal para kay Ka Louie, inilunsad sa UP Diliman

Naglunsad ng programa ng pagpaparangal ang mga demokratikong grupo at sektor para kay Ka Louie Jalandoni, pumanaw noong Hunyo 7 sa the Netherlands sa edad na 90. Dalawang programa-parangal ang inilunsad sa University of the Philippines (UP)-Diliman sa nagdaang linggo bilang pagpupugay kay Ka Louie.

Daan-daan ang dumalo sa pagtitipon sa UP Diliman Asian Center noong Hunyo 16 sa programang pinangunahan ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan), Promotion of Church People’s Response (PCPR), Pilgrims for Peace, at Karapatan. Itinampok sa pagtitipon ang buhay ni Ka Louie bilang isang pari at relihiyoso, kanyang pagsuong sa landas ng rebolusyon, at pakikibaka para sa makatarungang kapayapaan.

Dumalo dito ang mga beteranong aktibista, kinatawan ng gubyerno, kalahok sa negosasyong pangkapayapaan, at kabataang tagapagmana ng iniwan niyang pakikibaka. Nagbigay ng mensahe sa pagtitipon ang Christians for National Liberation, mga bilanggong pulitikal, mga taong-simbahan, mga kasama ni Ka Louie sa negotiating panel ng National Democratic Front, at ang Partido Komunista ng Pilipinas.

Binasa ng batikang aktor at direktor na si Joel Lamangan mensahe ng kapwa dating pari at taga-Negros na si Fr. Frank Fernandez na nagpakilala kay Ka Louie. Sinundan ito ng mga mensahe ng iba pang mga bilanggong pulitikal.

Ayon sa talumpati ng kinatawan ni Presidente Nicolas Maduro ng Republika ng Bolviarian Venezuela, ang ginampanang tungkulin ni Ka Louie ay “mananatili bilang isang halimbawa ng walang kapagurang diwa ng isang makabagong rebolusyonaryo.” Dumalo si Ka Louie sa isa sa mga internasyunal na aktibidad ng Venezuela noong 2018.

Pinuri ng kinatawan ng Royal Norwegian Government ang naging malaki at susing ambag ni Ka Louie sa pag-usad ng usapang pangkapayaan sa pagitan ng GRP at NDFP. Nagbigay rin ng mensahe ng pakikiisa at pagkilala si Sen. Loren Legarda, isa sa mga tagapagtaguyod ng usapang pangkapayapaan.

Sa mensahe ni Hernani Braganza, naging bahagi ng GRP negotiating panel, ipinahayag niya ang pagrespeto kay Ka Louie bilang negosyador. “Sana magkaroon pa ng Louie Jalandoni, Randall Echanis, Fidel Agcaoili, Joma Sison, Benny Tiamzon, Wilma. At sa gubyerno naman, sana maghanap-hanap naman kayo ng tatapat sa mga ito, na bukas ang isipan at makikausap nang maayos,” aniya.

“Kasama ninyo ang buong Partido at hukbong bayan sa pagdiriwang ng rebolusyonaryong buhay ni Ka Louie. Sa buong bansa, itinatanghal at iwinawagayway ang Pulang bandila bilang pagkilala at pagpaparangal kay Ka Louie bilang tunay na bayani ng sambayanang Pilipino,” ayon sa mensahe ni Ka Marco Valbuena, punong upsiyal sa impormasyon ng PKP, na binasa sa programa.

Hamon ni Valbuena, “humalaw ng inspirasyon sa buhay at halimbawa ni Ka Louie, at ilakip sa ating diwa ang hindi nagmamaliw na lunggati ng sambayanang Pilipino para sa pambansang demokrasya at sosyalismo.” Kasunod ng pagbasa sa mensahe, sama-samang binigkas sa programa ang isang panata kay Ka Louie na ipagpapatuloy ang kanyang iniwang pakikibaka. Ipinakita rin ang gun salute ng isang yunit ng Bagong Hukbong Bayan-Negros. Liban sa mga talumpati at mensahe, ang programa ay napuno ng mga pagtatanghal ng mga rebolusyonaryong awit, sayaw at mga tula.

Halos 10 minuto na lamang bago magtapos ang programa, sinensor ng Youtube ang parangal sa biglaang pagputol ng livestream nito na pinalalabas sa channel ng Altermidya.

Samantala, isang kasabay na programa ang inilunsad ng NDF International Office sa the Netherlands sa araw na iyon.

Ilang araw matapos nito, isang hiwalay na programa-parangal ang inilusad ng mga grupo ng kabataan at mga Lasalyano noong Hunyo 21 sa UP Diliman Collece of Media and Communication. Pinangunahan ito ng Anakbayan, Panday Sining, Student Christian Movement of the Philippines at League of Filipino Students.

Ibinahagi ng mga Lasalyano (mga estudyante ng De La Salle University, paaralan kung saan nagtapos si Ka Louie) at ng mga progresibong personahe ang kanilang karanasan at pakikidaupang-palad kay Ka Louie. Nagbahagi rin sila ng pagninilay sa buhay ng sakripisyo at paglilingkod sa masang anakpawis ni Ka Louie.

Sa naturang programa, iginawad rin ng Kilusang Mayo Uno ang Gawad Lingkod Obrero kay Ka Louie bilang naging katuwang sa pagputok ng welga sa La Tondeña noong 1975 na bumasag sa lagim ng batas militar. Simbolikong tinanggap ng isang organisador ng kabataan ang gawad bilang panata ng sektor na ipagpapatuloy ang pamana ni Ka Louie.

Nagtanghal rin ang iba’t ibang pangkuluturang grupo sa pagtitipon. Sa dulo ng programa ay binigkas rin ng mga kabataan ang isang panata para kay Ka Louie.

Pagkatapos ng programa, isang kasapi ng Kabataang Makabayan-Agaton Topacio ang nagbigay pugay kay Ka Louie at hinimok ang mga kapwa niya kabataan na talikuran ang naghaharing bulok na reaksyunaryong estado at mapagpasyang sundan ang rebolusyonaryong yapak ni Ka Louie.

__
May mga ulat mula sa KM-Agaton Topacio.

Source link