Pinoy na imigrante, nakalaya mula sa ICE detention center

Nakalaya noong Hunyo 12 si Rodante Rivera, kilala bilang Kuya Dante, mula sa detensyon sa North West Detention Center (NWDC) sa Tacoma, Washington. Ibinasura ng korte ang kanyang kasong deportasyon.

Matatandaang dinakip si Rodante ng mga ahente ng Customs and Border Protection (ICE) noong Mayo 18 sa Seattle-Tacoma Internatioal Airport habang papauwi siya sa US galing sa Pilipinas.

Si Rivera, 44 taong gulang, ay ligal na residente ng US at ilang dekada nang permanenteng naninirahan doon. Dinakip siya dahil nahatulan sa isang kaso mahigit isang dekada na ang nakalilipas at matagal nang naresolba.

Nakaranas si Rivera ng hindi makataong kundisyon sa loob ng NWDC dahil sa sobrang dami ng nakadetine sa pasilidad.

Ayon sa Tanggol Migrante, ang karanasan ni Rivera ay bahagi ng anti-migranteng patakaran ng rehimeng Trump kung saan dinudukot at patagong idenidetine ang mga imigrante upang maabot ang target na 3,000 aresto ng mga ahente ng ICE kada araw.

Sa harap nito, walang ginagawang aksyon ang mga Pilipinong upisyal upang suportahan ang mga Pilipino. Sa halip, nakipagkita lamang sina Enrique Manalo, kalihim ng Department of Foreign Affairs at si US Ambassador Jose Romualdez kay US State Secretary Rubio upang talakayin ang militar at pang-ekonomyang kasunduan sa pagitan ng US at Pilipinas. Hindi nila tinalakay ang mga imigrante o ang krisis na kinakaharap ng mga Pilipino.

“Ang komunidad, hindi ang mga upisyal ng gubyerno, ang nakikipaglaban para sa mga migrante,” ayon ng Tanggol Migrante.

Bunga ng sama-samang pagkilos ng mga pambasang demokratikong organisasyon sa US, mga alyadong organisasyon at mga Pilipino sa komunidad ay nagawa nilang palayain sina “Michelle” at Lewelyn Dixon, parehong Pilipinong imigrante na iligal na idinetine ng ICE.

“Kailangan nating labanan ang mga brutal na atake sa ating mga komunidad. Ang paglaya ni Kuya Dante ang nagpapakita ng kapangyarihan ng mga mamamayan at ang importansya na hindi mawalan ng pag-asa,” ayon sa Tanggol Migrante.

“Patuloy tayong magsama-sama at mag-organisa upang mapalaya ang ating mga kababayan na nakadetine at ipagtanggol lahat ng mga migrante!” panawagan ng grupo.

Source link