Naglunsad ng press conference ang Tanggol Migrante Network Washington State Chapter kasama ang kapamilya at kaibigan ni Maximo Londonio o Kuya Max noong Hunyo 15 sa labas ng Northwest Detention Center (NWDC) upang muling ipanawagan ang kanyang paglaya mula sa naturang pasilidad.
Ayon sa pamilya ni Londonio, inilipat siya noong Hunyo 14 sa kulungang may mas mataas na lebel na seguridad kung saan hiwalay o isolated siya sa ibang mga imigrante.
Anila, nagkamali ang Geo Group, ang kumpanyang may-ari sa NWDC, sa pag ‘profile’ sa kanya kaya siya inilipat. Kasalukuyang naka-lockdown ang yunit na pinaglipatan sa kanya kaya lalong limitado ang kanyang pagkilos at pakikipag-usap sa labas ng pasilidad.
Ang maling pag ‘profile’ ng Geo Group kay Londonio ay delikado at marahas na aksyon, ayon sa Tanggol Migrante. Maari itong matulad sa pangyayari kay Kilmar Abrego Garcia, na dineport sa bansang hindi niya pinagmulan.
Sa kabila ng suporta ng komunidad para kay Londonio, walang binigay na tulong ang gubyerno ng US at ng Pilipinas para sa kanya at kanyang pamilya.
Dumalaw sa NWDC noong Mayo 29 ang konsulado ng Pilpinas upang kamustahin ang mga Pilipino na nakadetine sa pasilidad. Anila Londonio at iba pang naka detine, hindi nakatulong at walang naging bunga ang kanilang pagbisita. Nang tinanog ni Londonio kung ipagtatanggol sya ng mga upisyal, ang sagot nila ay susunod lamang sila sa kung ano ang desisyon ng admistrasyon ni Trump.
Pinakita nilang wala silang pagnanais na gampanan ang kanilang responsibilidad na protektahan ang mga imigrante.
Dumalaw naman ang mga myembro ng kongreso na sila Emily Randall, Pramila Jayapal, at Maxine Waters sa NWDC noong Mayo 30 . Siniguro nila na mabibigyan si Londonio ng ligal na tulong ngunit hanggang ngayon ay wala pa rin siyang abogado para sa nalalapit niyang pagdinig sa korte.
Nangako si Maria Cantwell, Senador sa US, na ipapaabot niya sa embahada ng Pilpinas ang mga hinaing at panawagan para sa pagpalaya kay Londonio.
Nanawagan ang Tanggol Migrante sa konsulado ng Pilpinas sa San Francisco at embahada na tiyaking napagtitibay ang karapatan at kagalingan ng mga Pilipino at itinataguyod nila ang pagpapalaya sa lahat ng mga Pilipino na hindi makatwirang nakakulong.
Si Londonio ay matagal nang naninirahan sa US. Dinakip sya ng mga ahente ng Customs and Border Protection noong Mayo 15 sa Seattle-Tacoma International Airport habang papauwi sa US mula sa Pilpinas.