Pinatitindi ng rehimeng Marcos ang mga pag-atake sa mamamayan

Pambungad

Pinabagsik ng rehimeng Marcos at armadong pwersa nito ang mga pag-atake at panunupil sa mamamayang Pilipino sa nagdaang taon. Dumanak ang dugo at kabi-kabila ang naitalang kaso ng mga paglabag sa karapatang-tao sa ngalan ng tuluyang paggapi sa rebolusyonaryong kilusan sa katapusan ng 2024 na itinakdang bagong target ng rehimen. Para bigyang larawan ang mga kasong ito at mag-ambag sa kampanya para sa hustisya, inilalabas ng Ang Bayan (AB) ang ulat na ito sa kalagayan ng karapatang-tao sa bansa sa nagdaang taon.

Ang ulat na ito ay halaw sa impormasyong tinipon at sinuri ng AB hinggil sa mga kaso ng paglabag sa karapatang-tao na isinagawa ng Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine National Police (PNP) at iba pang armadong ahente ng rehimeng US-Marcos mula Disyembre 1, 2023 hanggang Disyembre 1 ngayong taon. Inilalarawan dito ang tindi ng brutalidad at karahasan na dinanas ng mamamayang Pilipino sa ilalim ng nagpapatuloy na kampanya ng panunupil at kontra-insurhensya ng rehimeng US-Marcos.

Tulad sa nakaraan, maraming kaso sa kanayunan ang hindi naitala dulot ng kahirapan ng pagpapadala ng mga ulat ng mga yunit na humaharap sa matitinding operasyong militar. May ilang mga kaso rin na ang tanging naitala ay insidente lamang at hindi natukoy ang tiyak na bilang ng mga biktima.

Hindi matamang nasaklaw sa kasalukuyang ulat na ito ang maraming paglabag sa karapatang-tao ng mamamayang Moro na karaniwang hindi naisisiwalat sa publiko. Hindi rin sinaklaw ng ulat ang mga ekstrahudisyal na pamamaslang sa ilalim ng huwad na gera kontra-droga ng rehimeng Duterte na ipinagpapatuloy ng kasalukuyang rehimen. Sa ulat ng The Dahas Project, hindi bababa sa 370 ang biktima sa huwad na gerang ito mula nang maupo si Ferdinand Marcos Jr sa poder.

Ginamit ng AB sa ulat na ito ang internasyunal na pamantayan sa pagtaya ng bilang ng mga biktima ng ebakwasyon at militarisasyon, at sa bilang ng mga batang apektado.

Patakaran ng panunupil

Sa kabila ng pagtatangka ni Ferdinand Marcos Jr na samantalahin ang pagkakasiwalat ng dumi at duguang rekord ng mga Duterte para irehabilita ang imahe ng kanyang pamilya, hindi maitatago ang sarili niyang brutal at pasistang paghahari gamit ang mga kampanya ng panunupil ng sinundan niyang rehimen. Pinakikilos niya ang mga berdugong institusyon at ahensya mula pambansa hanggang sa antas-barangay para tugisin ang sinumang naninindigan at bumabatikos sa kanyang inutil at bulok na paghahari.

Noong Enero, inilunsad ni Marcos ang islogan na “Bagong Pilipinas” para magsilbing panabing sa bulok na estado, tulad ng noo’y “Bagong Lipunan” ng kanyang diktador na ama. Walang kahit anong pundamental na “bago” sa mapang-api at mapagsamantalang malakolonyal at malapyudal na sistema sa Pilipinas. Patuloy na nagpapakasasa sa kapangyarihan ang pamilyang Marcos, binabawi ang lahat ng nakaw yaman at naghahari gamit ang mga instrumento ng terorismo ng estado.

Dagdag rito, nagtayo rin si Marcos ng Special Committee on Human Rights Coordination sa bisa ng Administrative Order No. 22 noong Mayo. Alinsunod sa kautusan, magsisilbing “taga-koordina” sa mga usapin sa karapatang-tao ang komite. Nagpakana rin ito ng pagbubuo ng Inter-Agency Committee on International Humanitarian Law (IAC-IHL) sa bisa ng Executive Order No. 77 na pinirmahan nooong Nobyembre 22. Inilunsad din nito ang National Human Rights Action Plan (NHRAP) ngayong Disyembre. Ang mga ito ay desperadong pagtatangka para bihisan ang malalang kalagayan ng karapatang-tao sa bansa.

Sa likod ng mga kautusang ito, bweladong ipinatutupad ng AFP at PNP ang maruming todong-gera laban sa mamamayang Pilipino sa kalunsuran at kanayunan. Sa balangkas ng National Security Policy (NSP) 2023-2028, nagpapatuloy ang masidhing pasistang terorismo ng estado, paninikluhod sa imperyalismong US at pagsupil sa mga pwersang patriyotiko at demokratiko.

Sa kabila ng paulit-ulit na bukambibig ng US, AFP at ni Marcos kaugnay ng “pagpihit” ng armadong pwersa ng bansa mula “internal na depensa” tungong “eksternal na depensa” dahil “mahina na” o “nagapi na” ang Bagong Hukbong Bayan (BHB), nananatili ang kalakhan ng pwersa ng AFP sa kanayunan at mga larangang gerilya. Paulit-ulit rin ang pagtatambol nito na pitong mahihinang larangang gerilya na lamang ang natitira, pero libu-libong mga pwersang militar, pulis at paramilitar pa rin ang pinakikilos para sa kampanyang kontra-insurhensya. Nagpapatuloy ang pagkuabaw ng AFP sa mga sibilyang ahensya at lokal na mga gubyerno hanggang sa antas-barangay sa pamamagitan ng National Task Force-Elcac.

Kinakasangkapan ni Marcos ang Anti-Terrorism Law at Terrorism Financing Prevention and Suppression Act para gipitin at patahimikin ang mga kritiko at nagsasalita laban sa kanyang rehimen, at maging ang ordinaryong mamamayan. Naisiwalat sa huling kwarto ng taon ang tinaguriang “Project Exit the Greylist” ng rehimeng Marcos na ginagamit sa arbitraryong pagsasampang mga kasong “terrorism financing” laban sa iba’t ibang organisasyon at grupong pangkaunlaran sa bansa. Katambal nito ang isang 2021 “Order of Battle” kung saan nakalista sa mga sasampahan ng kaso ang kilalang mga taong simbahan, manggagawang pangkaunlaran at aktibista.

Tinatarget ng rehimen ang binansagan nitong “mga ligal na prente ng CPP-NPA-NDFP” upang diumano’y “ihinto ang rekrutment, putulin ang suportang pampinansya at labanan ang propaganda.” Kasabay ito ng malisyosong pag-uugnay sa mga aktibista sa armadong kilusan o Red-tagging para bigyang katwiran ang marahas na pang-aatake sa kanila.

Sa kanayunan, ipinaiilalim sa ibayong militarisasyon at okupasyon ang mga komunidad sa anyo ng mga focused military operation (FMO) at okupasyon sa mga baryo sa tabing ng Retooled Community Support Program (RCSP). Sa mga operasyon nito, mga sibilyan at magsasaka ang pangunahing tinatarget ng karahasang militar at panunupil. Kasabay nito ang walang pakundangang aerial bombing, istraping at panganganyon sa mga bukid at bundok na nagsasapeligro sa buhay ng mga sibilyan at sumisira sa kalikasan.

Ipinatutupad ng NTF-Elcac sa mga komunidad sa kanayunan ang programang “Balik-Loob” at “Barangay Development Program” na walang iba kundi kampanya ng intimidasyon, pwersahang “pagpapasurender” sa mga sibilyan at pangungurakot sa pondo ng bayan. Patuloy rin ang walang pakundangang paglabag ng estado sa mga alituntunin sa digma, sa anyo ng sadyang pagpatay sa mga sugatang mandirigma, pagpatay sa mga sibilyan sa mga “pekeng engkwentro” at pagpapahirap sa buu-buong komunidad sa mga panahon ng operasyong kombat.

Mga paglabag sa karapatang-tao

Sa talaan ng Ang Bayan, 83,560 ang naging biktima ng mga paglabag sa karapatang-tao ng rehimeng US-Marcos mula Disyembre 2023 hanggang Disyembre 1. Naitala ng AB ang 975 kaso (o halos tatlong kaso kada araw) ng mga paglabag sa karapatang-tao sa buong bansa. Ang ilan sa mga biktima ay dumanas ng 2-3 kaso ng paglabag sa kanilang karapatang-tao.

Sa abereyds, hindi bababa sa lima ang biktima ng pampulitikang pamamaslang kada buwan. Mayroong isang biktima ng pagdukot at halos isang biktima ng torytur kada linggo. Nakapagtala ang AB ng 60 biktima ng pagbabanta, pananakot at intimidasyon kada araw. Hindi bababa sa 20,396 ang naging biktima ng sapilitang pagbabakwit at dislokasyon dulot ng okupasyong militar sa kanayunan. Mayroon namang 67 na kaso ng aerial bombing, istraping at panganganyon na nagsapeligro, nagdulot ng takot, o sumira sa kabuhayan ng libu-libong mamamayan.

Katulad sa nagdaang mga ulat, pinakamaraming biktima ang nagmula sa hanay ng uring magsasaka (66,701), kasunod ang sektor ng mga bata (27,292) at mga maralitang tagalunsod (16,500).

Samantala, mayroong isa hanggang limang kaso ng paglabag sa karapatang-tao sa Benguet, Mountain Province, Ilocos Sur, La Union, Pangasinan, Bataan, Nueva Ecija, Tarlac, Zambales, Occidental Mindoro, Palawan, Camarines Sur, Leyte, Zamboanga Sibugay, Sultan Kudarat, Agusan del Norte, at Surigao del Norte.

Sa halos tatlong taon ng rehimeng Marcos sa poder, naitala ng AB ang 3,082 kabuuang bilang ng mga kaso kung saan hindi bababa sa 508,239 ang bilang ng mga biktima. Sa abereyds, mayroong 574 biktima ng paglabag sa karapatang-tao kada araw sa halos tatlong taon. Sa ilalim ng rehimeng Marcoss, naitala ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) ang kabuuang 156 kaso ng paglabag sa kalayaan sa pamamahayag.

Pagpaslang, bigong pagpaslang at tortyur

Hindi bababa sa 56 ang biktima ng pampulitikang pamamaslang sa buong bansa sa nagdaang taon. Mayorya sa mga kaso ay naitala kasabay ng mga focused military operation (FMO) at RCSP ng mga sundalo at pulis sa mga komunidad ng mga magsasaka at katutubo. Pinakamarami ang pinaslang sa Negros Occidental (16), kasunod ang Masbate (10), at Iloilo (6).

Halos lahat ng mga pinaslang ay huwad na pinalalabas ng AFP na mga namatay sa “engkwentro” na gawa-gawang labanan. Pinakakalat ng AFP ang gayong pekeng balita kahit pa ang mga iyon ay mahigpit na pinabubulaanan ng pamilya, kapitbahay at maging ng mga upisyal ng lokal na konseho sa baryo. Maagap ding pinabubulaanan ang mga ito ng yunit ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa lugar.

Para pagmukhaing napatay sa engkwentro, binibihisan, nilalagyan ng mga armas, bala at iba pang gamit militar ang kanilang mga bangkay, at inihahandusay sa putikan. Tulad sa nakaraan, nagpapatuloy ang pagkuha ng militar ng mga litrato ng mga bangkay para ipakalat sa social media at pagpyestahan ng kanilang mga troll.

Ang mga pagpaslang ay nakabalangkas sa plano ng rehimeng Marcos na “tuluyan nang gapiin” ang hukbong bayan sa bansa. Nagpapalaganap ang mga sundalo ng mga kwento ng kanilang mga “panalo” para pagmukhaing “natatalo” ang hukbong bayan.

Sa mga biktima, 17 ang mga hors de combat (mga kombatant na wala nang kakayahang lumaban dahil sugatan o maysakit), hindi kombatant o mga retirado ng rebolusyonaryong kilusan. Sila ay pawang inaresto ng mga yunit ng AFP, ngunit sa halip na ideklarang mga bihag ng digma ay sadyang pinaslang ng mga berdugo.

Pagpatay sa karaniwang magsasaka. Pinaslang ng mga sundalo ng 2nd IB ang mga magsasakang sina Roger Clores at Ronnel Abril sa Purok 3, Barangay Simawa, Uson, Masbate noong Setyembre 26. Ayon sa mga residente, nag-aasikaso lamang ng kalabaw sa tabing-ilog ang mga biktima nang paslangin ng militar. Tulad sa karaniwang modus, pinalalabas ng 2nd IB na naka-engkwentro nito ang isang yunit ng BHB-Masbate sa naturang purok nang alas-5:40 ng umaga na tumagal umano nang 20 minuto. Dito nila pinalabas na napatay ang dalawang magbubukid at nakumpiska ang iba’t ibang mga baril at armas pandigma.

Pagpatay sa matatanda. Dinampot, dinala sa gubat, at saka sadyang pinaslang ng mga sundalo ng 15th IB at mga kasapi ng Philippine National Police-Special Action Force (PNP-SAF) ang 69-anyos na magsasakang si Ramon Enseniales noong Hulyo 29 sa Cauayan, Negros Occidental. Pinalalabas ng 15th IB na Pulang mandirigma si Enseniales na napaslang sa isang armadong engkwentro. Sa ulat ng isang residenteng saksi, pinalibutan ng mga sundalo ang tinuluyang bahay ni Enseniales sa Sityo Pasto, Barangay Basak kung saan siya dinampot bago dinala sa gubat. Ilang oras makalipas, nakarinig na lamang ang mga residente ng sunud-sunod na putok ng baril. Pinaniniwalaang ipinailalim din sa matinding tortyur ang matanda bago siya pinaslang bandang ala-1 ng hapon.

Pagpatay sa hors de combat. Sadyang pinaslang ng 80th IB ang maysakit na Pulang mandirigma ng BHB-Rizal na si Kasamang Wally Agudes (Ka KM) noong Hulyo 18 sa Barangay Burgos, Rodriguez, Rizal. Ayon sa mga saksi, nakita nilang buhay si Ka KM na nagtangkang takbuhan ang umatakeng mga sundalo. Narinig din nilang sumigaw si Ka KM na hindi siya lalaban at ang sigaw ng isang sundalo na mayroong pinadadapa. Mayroong malalang trangkaso si Ka KM na dahilan ng kanyang pananatili sa komunidad. Hindi siya makalakad nang maayos at wala sa katayuang lumaban.

Katulad rin ang sinapit ng Pulang mandirigma na si Kaliska Dominica Peralta (Ka Rekka). Noong Abril 10, pinahirapan at pinatay ng mga pasistang tropa ng 48th IB si Ka Rekka matapos siyang madakip sa Barangay Butong, bayan ng Quezon, lalawigan ng Bukidnon. Wala siyang armas nang arestuhin. Dati siyang estudyante ng University of the Philippines-Diliman.

Matinding paglabag rin sa internasyunal na makataong batas ang dinanas ng mga Martir ng Panay noong Agosto. Namartir sa serye ng mga depensibang aksyon noong Agosto 5 hanggang 15 sa Iloilo sina Maria Concepcion Araneta-Bocala (Ka Concha), Vicente Hinojales (Ka Hadjie/Ka Emil), Benjamin Cortel (Ka Amor/Ruby/Mamang), Romulo Iturriaga Gangoso (Ka Reagan/Biboy/Pedik), Jielmor Gauranoc (Ka Doc/Tango/Baron), Juvylene Silverio (Ka Kaykay/Purang), Armando Savariz (Ka Nene/Kulot), at Rewilmar Torrato (Ka Minerva/Mara/Moray). Ayon sa mga kaanak ng mga martir, napansin nila ang kakaibang mga marka sa mga bangkay nang kinuha ito sa punerarya. Mayroong iba’t ibang tipo ng mga sugat, kabilang ang malalaki at maliliit na butas sa dibdib, bali-baling mga braso, at labis-labis na mga pasa mula sa ulo hanggang paa. Ang mga sugat na ito ay mahigpit na nagpapakita ng posibleng ipinailalim sa matinding pasakit at torytur ang mga biktima bago sila pinatay.

Naitala naman ng Ang Bayan ang 27 biktima ng bigong pagpaslang sa Kalinga, Nueva Ecija, Aurora, Albay, Sorsogon, Negros Occidental, Northern Samar, Samar at Sultan Kudarat. Sangkot sa mga kasong ito ang mga nag-ooperasyong yunit ng militar, na sa takot maunahan, ay walang patumanggang namamaril sa sinumang nakakasalubong sa gubat o daan. Kabilang sa mga biktima ang isang 4-buwang buntis.

Hindi naman bababa sa 44 ang dumanas ng tortyur sa kamay ng mga sundalo. Halos kalahati ng bilang ng mga biktima ng tortyur ay tuluyang pinaslang ng berdugong militar. Kabilang sa mga biktima ang dalawang buntis na mga Pulang mandirigma na tinortyur at pinahirapan nang maaresto. Ang iba sa mga biktima ng tortyur ay mga magsasakang ipinaiilalim sa matinding interogasyon at ang iba ay napag-iinitan lamang ng sundalo habang nag-ooperasyon ang mga yunit nito.

Pag-aresto, pagdukot, at pagbabanta, panggigipit, at intimidasyon

Nakapagtala ang AB ng 65 kaso ng arbitraryong pag-aresto at detensyon kung saan hindi bababa sa 149 ang biktima, na karamihan ay mga magsasaka. Sinampahan ang mga biktima ng iba’t ibang gawa-gawang mga kaso para matagalang ibimbin sa kulungan. Kabilang sa karaniwang mga kaso na isinampa sa kanila ang illegal possession of firearms and explosives, pagpaslang at bigong pagpaslang, terorismo at “terrorism financing.”

Ang iba sa kanila ay dumanas ng sadyang inantalang pagpoproseso ng mga papeles ng mga korte para hindi kaagad makalaya. Ang ilan pa, laluna sa mga nasa prubinsya, ay iligal na ikinukulong sa mga kampo militar nang walang utos ng korte at hindi pinahihintulutang mabisita ng pamilya.

Kalagayan ng bilanggong pulitikal. Patuloy na dumarami ang bilang ng mga bilanggong pulitikal sa isinasagawang kampanya ng pag-aresto ng rehimeng Marcos sa mga aktibsita at progresibo. Sa tala ng Karapatan, mayroong 757 bilanggong pulitikal sa bansa kung saan 103 ay matatanda at 97 ang maysakit. Nasa 156 sa mga bilanggo ay kababaihan, habang 17 naman ay mga konsultant pangkapayapaan at istap ng National Democratic Front of the Philippines.

Naitala rin sa nagdaang taon ang ilang kaso ng pagkamatay ng mga bilanggong pulitikal dahil sa matagal na pagkukulong, hindi maayos na kundisyon sa kulungan at pagpapabaya sa kanilang mga pangangailanang medikal. Kabilang dito si Jude Rimando, 58, isang beteranong organisador ng manggagawa, na pumanaw noong Hulyo 23 dahil sa Stage 4 liver cancer. Inaresto siya noong Enero 6, 2021 at ikinulong sa Metro Manila District Jail-Annex 2 sa Camp Bagong Diwa, Taguig City.

Maramihang pagdakip sa mga katutubo. Dinakip ng pinagsanib na pwersa ng pulis at mga pribadong tauhan at maton ng Hacienda Almeda ang di bababa 29 na Mangyan-Iraya na mga residente ng asyenda sa Abra de Ilog, Occidental Mindoro noong Oktubre 18. Kabilang sa mga inaresto ang 17 matanda at 12 na menor de edad na nagtatanggol para sa kanilang lupang ninuno. Ang Hacienda Almeda ay bahagi ng 31 ektaryang lupang ninuno ng mga Iraya na inaagaw sa kanila sa pamamagitan ng panggigipit, militarisasyon, at panloloko gamit ang armadong mga maton at ahente ng estado.

Marahas na pag-aresto sa protesta. Sa Mendiola, iligal na inaresto noong Nobyembre 30 ng mga pulis ng Maynila si Nilo Mortifero, isang senior citizen at organisador ng Bayan Muna na kagagaling lamang mula sa stroke. Dinampot si Ka Nilo habang naglalakad papunta lamang sa banyo. Kinasuhan siya ng mga pulis kasama ang tagapangulo ng Kilusang Mayo Uno na si Ka Elmer Labog at ang iba pang mga aktibista.

Pagkakaso ng “terrorism financing.” Sa huling tala ng alyansang Defend NGOs, 69 indibidwal at 29 non-government organization (NGO) sa buong bansa ang nakararanas ng panggigipit kasabay ang pagharap sa mga gawa-gawang kaso na may kaugnayan sa “terrorism financing” sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon. Kaiba pa ito sa mga kinasuhan ng mismong “terorismo.”

Labag sa JASIG na pag-aresto sa nga konsultant ng NDFP. Tatlong konsultant pangkapayapaan ng NDFP ang labag sa Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees (JASIG) na inaresto ng rehimeng Marcos noong Oktubre. Dinampot ng mga pulis at militar sina Wigberto Villarico noong Oktubre 24, Simeon Naogsan noong Oktubre 21 at Porferio Tuna noong Oktubre 2. Lahat sila ay gumagampan ng gawain para sa NDFP at nagsasagawa ng konsultasyon sa mga organisasyong masa nang arestuhin ng mga pwersa ng estado. Tahasang pagdiskaril ang mga pag-arestong ito sa posibleng pagbubukas ng usapang pangkapayapaan sa pagitan ng GRP at NDFP alinsunod sa pinirmahang Oslo Joint Statement noong Nobyembre 2023.

Naitala naman ng AB sa nagdaang taon ang 70 biktima ng pagdukot. Ang mga kaso ng pagdukot ay kinatatangian ng malinaw na intensyon ng estado na sadyang itago ang biktima at itanggi na nasa kustodiya nila ang mga ito. Ang iba sa mga biktima ay inilitaw ng estado na patay na matapos ang ilang panahon ng pagkawala, o kung hindi ay nakulong sa gawa-gawang mga kaso o pinalalabas na “sumurender” na myembro ng hukbong bayan.

Pagdukot sa bagong-laya na bilanggong pulitikal. Dalawang buwan na nawala si Rowena Dasig matapos siyang dukutin ng mga pwersa ng estado noong Agosto 22, araw ng kanyang “paglaya” sa kulungan. Bago siya sapilitang winala, ibinasura ng korte sa Gumaca, Quezon ang kasong illegal possession of firearms, ammunitions, and explosives na isinampa sa kanya at kasama niyang si Miguela Peniero. Ang dalawa ay inaresto sa Purok Banaba, Barangay Caridad Ibaba sa bayan ng Atimonan noong Hulyo 12, 2023.

Dinukot na mga aktibista sa Bicol. Sa Albay, dinukot ng mga pwersa ng estado si James Jazmines, 63, dating upisyal ng Kilusang Mayo Uno at kapatid ng konsultant pangkapayapaan ng NDFP na si Alan Jazmines noong Agosto 23. Huli siyang nakita sa Barangay San Lorenzo, Tabaco City. Mula sa sektor ng kabataan-estudyante, nagsilbing upisyal sa impormasyon sa KMU at executive director ng Amado V. Hernandez Resource Center. Mula kalagitnaan ng dekada 2000, nagtrabaho siya bilang tagapayo sa mga usaping information technology.

Ilang araw matapos nito, dinukot naman ang 66-anyos na si Felix Salaveria Jr na aktibong kasapi ng Cycling Advocates (CYCAD) noong Agosto 28. Si Salaveria ay madalas na kasama ni Jazmines sa kanyang pagbibisikleta. Nagsilbi si Salaveria na kasaping tagapagtatag ng Tunay na Alyansa ng Bayan Alay sa mga Katutubo at Kabataan para sa Tribung Pilipino noong dekada 1980.

Sa ilalim ng rehimeng Marcos, naitala ng Ang Bayan ang 233 biktima ng pagdukot. Sa mga ito, hindi bababa sa 43 ang desaparesido at di pa rin natatagpuan. Samantala, 32 sa mga dinukot ang pinaslang, 29 ang ikinulong, 10 ang pinalalabas na “sumurender,” at 68 ang inilitaw ngunit patuloy na ginigipit ng estado. Sampu sa mga biktima ay mga bata na ginawang “hostage” ng militar. Marami sa mga kaso ay naitala sa kanayunan sa panahon ng matitinding operasyong kombat ng militar.

Nakapagtala rin ang AB ng hindi bababa sa 22,223 biktima ng pagbabanta, panggigipit at intimidasyon. Pangunahing kumaharap sa ganitong mga kaso ang mga magsasaka na pinalalayas ng mga panginoong maylupa at mangangamkam kasabwat ang mga pwersa ng estado.

Higit na mas malaki ang bilang na ito kung isasali ang libu-libong ipinarada at sapilitang “pinasurender” ng militar bilang mga kasapi o tagasuporta ng BHB sa kalunsuran at kanayunan. Sa mga kaso ng “pagpapasurender,” hindi iilan ang pagkakataon na ginamit ng militar ang pamamahagi ng ayuda para kunan ng litrato ang mga residente at sabihing “sumuko” sila.

Nagpapatuloy ang Red-tagging, paninira at walang batayang pag-uugnay sa mga indibidwal at organisasyon sa armadong kilusan para gipitin sila. Sa kabila ito ng desisyong inilabas ng Korte Suprema noong Mayo kung saan malinaw na idineklara nitong banta sa buhay, kalayaan at kaligtasan ninuman ang Red-tagging. Kabi-kabila pa rin ang nairerekord na insidente ng pagpapaskil ng mga poster ng mga pangalan ng mga lider-masa na nagdadawit sa kanila sa rebolusyonaryong kilusan, paglulunsad ng mga pulong sa mga eskwelahan at komunidad na may tanging layuning i-red-tag ang mga organisasyong pambansa-demokratiko, at malawakang paninira sa social media.

Panggigipit sa mga kaanak ng mga namartir. Isa sa naging porma ng panggigipit ng mga pwersa ng estado sa mga pamilya ng mga Pulang mandirigma ay ang pagkakait sa kanila sa bangkay ng mga namamartir at walang-tigil na panghaharas. Isa dito ang kaso ng pagharas sa pamilyang Ritual.

Halos isang linggong ginigipit at pinipigilan ang mga kaanak ni Susan Ritual (Ka Gemma), na namartir sa Barangay Bacong Sigsigan, Famy, Laguna noong Nobyembre 28, na makuha ang kanyang bangkay para mapaglamayan at maiburol. Hindi pa nakuntento, itinakas at hinosteyds ng mga sundalo ang dalawang kapatid ni Ka Gemma na sina Paulino at Sherlyn Ritual na sana’y kukuha sa bangkay ng kanilang kaanak. Sapilitang kinuha ng mga pulis ang bangkay at “iniuwi” kasama ang magkapatid na Ritual sa Aurora. Maging ang lamay at burol ni Ka Gemma ay hindi tinantanan ng mga sundalo.

Lagim ng militar sa mga komunidad

Sa ngalan ng imbing layunin na tuluyan nang “durugin” ang rebolusyonaryong kilusan sa kanayunan o di kaya ay “panatilihin” ang nakamit nang tagumpay at deklarasyong “insurgency-free” sa mga prubinsya, sinasakop ng mga operasyong kombat ng AFP at PNP ang maraming komunidad sa kanayunan. Patuloy na nakapakat ang bata-batalyong pwersang militar at pulis sa maraming komunidad ng mga magbubukid at pambansang minorya.

Naitala ng AB ang hindi bababa sa 20,396 biktima ng pwersahang pagpapabakwit at dislokasyon sa nakaraang 12 buwan. Naabala ang pag-aaral ng may 1,822 mga bata at pangkalahatang 5,281 katao sa paggamit ng mga sundalo ng AFP sa mga sibilyang istruktura, na labag sa internasyunal na makataong batas.

Sa kabuuan, naitala ng AB ang 67 na kaso ng aerial bombing, istraping at panganganyon sa Abra, Kalinga, Ilocos Sur, Cagayan, Nueva Vizcaya, Aurora, Nueva Ecija, Quezon, Camarines Sur, Northern Samar, Samar, Capiz, Iloilo, Negros Occidental, at Bukidnon. Biktima nito ang higit 13,000 katao.

Paglapastangan sa karapatan ng kababaihan at bata

Walang sukat ang brutalidad ng AFP at PNP sa maruming gerang kontra-insurhensya nito laban sa rebolusyonaryong kilusan. Sa iba’t ibang bahagi ng bansa, maraming mga bata at kababaihan ang biktima ng mga operasyong militar at tahasang tinatarget ng mga armadong galamay ng estado.

Sa talaan ng AB, isang menor-de-edad ang pinaslang ng mga sundalo habang daan-daan ang biktima ng sapilitang pagbabakwit at dislokasyon dulot ng walang patumanggang pamamaril, panganganyon at pambobomba malapit sa kanilang mga komunidad.

Pagpaslang sa 16-anyos. Pinaslang ng 7th IB ang 16-anyos na estudyante na si Eusibio Cranzo, na kilala rin bilang Kuni Cuba, noong Hunyo 9 sa Sityo Kiluding, Barangay Kiadsam, Sen. Ninoy Aquino, Sultan Kudarat. Ayon sa ulat, pauwi si Cranzo kasama ang kanyang kapatid at dalawang kaibigan nang makasalubong nila ang nag-ooperasyong yunit ng 7th IB. Agad na tinamaan si Cranzo sa pamamaril ng mga sundalo, habang nakatakbo sa katabing maisan ang tatlo niyang kasama.

Pag-aresto sa sanggol. Sa hindi natukoy na petsa noong Mayo, inaresto ng mga pwersa ng estado si Baby Arnejo at kanyang sanggol sa Barangay Madao, Uson, Masbate. Pinararatangan siyang kasapi ng BHB kahit iginiit ng mga residente na sibilyan si Arnejo at matagal nang naninirahan sa naturang baryo. Tinangka ng mga pulis na tangayin ang sanggol ni Arnejo ngunit napiligan sila ng taumbaryo. Dahil sa pagsisikap ng mga residente, nailagay sa maayos na kustodiya ang sanggol habang nakakulong ang kanyang ina.

Naitala naman ng AB ang apat na kaso ng panggagahasa at sekswal na pang-aabuso laban sa kababaihan. Kabilang dito ang mga kaso sa Batangas, Northern Samar at Metro Manila. Samantala, isang buntis ang pinaulanan ng bala ng AFP sa Aurora.

Hustisya!

Hustisya ang nagkakaisang sigaw ng sambayanang Pilipino para sa lahat ng mga biktima ng paglabag sa karapatang-tao ng rehimeng US-Marcos. Bilang bahagi ng pagtatanggol ng mga sektor sa karapatang-tao, iba’t ibang tipo ng pakikibakang masa ang inilunsad nila sa nagdaang taon.

Sa pangalawang bahagi ng taon, naging sentro ng imbestigasyon sa Kongreso ang mga krimen ng rehimeng Duterte sa huwad na gera kontra-droga nito. Naitulak ang Kongreso na saklawin maging ang mga kaso ng ekstra-hudisyal na pamamaslang sa mga aktibista, tagapagtanggol sa karapatang-tao, kapaligiran at marami pang iba ng nakaraang rehimen. Noong Nobyembre, itinayo ng mga biktima at pamilya ng mga biktima ang alyansang Duterte Panagutin, kasama ang dating senador na si Leila de Lima. Ipinakulong ni Duterte si de Lima nang higit pitong taon sa gawa-gawang mga kasong pawang ibinasura ng korte. Kasabay nito, itinayo naman ng mga ina ang Mothers for Justice sa ilalim ng Gabriela. Iginiit ng mga grupo ang mas malalim na pag-imbestiga sa mga krimen ni Duterte. Kasabay nito, sinisingil ng mga grupo ang rehimeng Marcos sa mabagal at kawalang suporta nito sa mga biktima, at sa sarili nitong mga biktima ng pandarahas. Iginiit nilang makipagtulungan ang estado sa International Criminal Court, kundiman bumalik na dito bilang myembro.

Sa pamamagitan ng tuluy-tuloy na kampanya at pagpupursige ng mga pamilya at abugado, ilan nang mga detenidong pulitikal ang napalaya dahil sa kawalan ng ebidensya ng gawa-gawang mga kasong isinampa sa kanila. Kabilang dito ang paglaya ni Gerardo Dela Peña, ang pinakamatandang detenidong pulitikal, noong Hunyo at pagbabasura ng kaso laban sa “Himamaylan 7” noong Nobyembre. Halos lahat ng mga kasong isinampa sa bisa ng depektibong mga search warrant na inilabas ni Judge Cecilia Villavert ay napabasura na.

Naging tampok rin sa nagdaang taon ang mga serye ng welga at sama-samang pagkilos ng mga manggagawa at unyon para igiit ang kanilang panawagan para sa dagdag-sahod, mga karapatan sa pagawaan at ipanalo ang bagong collective bargaining agreement (CBA). Ilan sa mga tampok na pagkilos ang naganap sa Nexperia Philippines Inc., Daiwa Seiko Philippines, Technol Eight Philippines at iba pa.

Patuloy ang militanteng paglaban ng mamamayan at mga tagapagtanggol sa karapatang-tao para tuluy-tuloy na labanan ang brutal na paghahari ng rehimeng Marcos. Mula sa mga hakbanging ligal o ekstra-ligal, hanggang sa mga armadong aksyon ng Bagong Hukbong Bayan, tuluy-tuloy na lumalaban ang mamamayan para sa pagtatanggol sa mga karapatan at pagkakamit ng hustisya. Inilalantad, binabatikos at sinisingil nila si Marcos sa mga patakaran sa panunupil at terorismo ng estado.