Ipinatawag at pinulong ng pwersa ng 2nd Infantry Battalion-Philippine Army ang mga barangay upisyal ng mga barangay ng Centro, Simawa, Madao at San Jose sa bayan ng Uson nito lamang Hunyo 8, 2025. Inaatasan ng militar ang mga upisyal sa naturang mga barangay na ipatupad ang mga sumusunod na hakbang:
Una, kailangang may dalang I.D ang sinumang pupunta sa kanilang sakahan upang magtrabaho, at dapat alas-5 ng hapon ay nakauwi na ang mga ito.
Pangalawa, ang mga magkokopra kung saan kailangang manatili sa koprahan ng ilang araw hanggang matapos ang trabaho ay kailangang may dalang kasulatan kung saan nakalagay ang kanilang mga pangalan, kasarian, ilan at aktibidad na may lagda ng kanilang punong barangay.
Pangatlo, sa mga nakatira malayo sa sentro ng baryo dapat ipaskil sa labas ng kanilang bahay ang mga pangalan ng myembro ng pamilya o nakatira sa naturang tahanan na may lagda rin ng barangay kapitan.
At pang-apat, ipinagbabawal ang pagdadala o pagbili ng maramihan o sako-sakong bigas dahil nakapagtataka raw ito.
Dagdag pa ng mga ito, walang masamang mangyayari sa mga residente sa mga nabanggit na barangay kung magkakaisa ang mga upisyal at makipagtulungan sa kanila.
Ikinakampanya rin ng mga militar ang pagrerekluta sa mga residente na maging CAFGU, intel at sa mga propesyunal na mag-Army.
Walang kahihiyang hiniling pa ng mga ito sa mga barangay upisyal na alagaan at pakamahalin sila dahil malayo umano sila sa kanilang pamilya. Samantalang, isinailalim at inaalisan nila ng kapangyarihan ang mga lokal na upisyal na magpasya para sa kagalingan at kapakanan ng kanilang nasasakupan. Ipinagkakait nito sa mga upisyal ng barangay na ipatupad ang kanilang mandato bilang mga lingkod bayan. Inaalisan din ng militar ng karapatan at kalayaan ang mga residente na mamuhay ng malaya at payapa.
Layunin din ng panggigipit na ito ng militar sa mga residente sa mga barangay sa bayan ng Uson ang alisin ang hadlang ng pagpasok ng dayuhang kumpanyang Filminera-Masbate Gold Project na nakatakdang dadambong at wawasak sa kanilang kabuhayan. Matagal ng mariing tinututulan ng mga residente hindi lang sa bayan ng Uson, kundi maging sa bayan ng Milagros at Mobo, ang planong pagpapalawak ng operasyon ng Filminera sa kanilang mga bayan.
Mula buwan naman ng Marso 2025 hanggang sa kasalukuyan, palagi ng nangangamba sa kanilang kaligtasan at kabuhayan ang mga residente ng mga barangay sa bayan ng Baleno at Masbate City. Walang pinag-iba ang kanilang kalagayan sa mga barangay sa bayan ng Uson, kung saan kailangan nilang lingguhang kumuha ng sertipikasyon sa barangay bilang patunay na lehitimo silang residente sa kanilang barangay. Ang sinumang magdadala ng maramihang pagkain papunta sa kanilang sakahan ay binabantaang ipakukulong. Limitado rin ang oras ng trabaho kung saan alas-3 ng hapon ay dapat nakauwi na sa kanila at pinagla-logbook ang mga labas-pasok na mga tao sa barangay. Marami na rin sa mga residente ang natatakot ng mag-alaga ng hayop dahil ninanakaw ito ng mga militar.
Ipinatawag at isinailalim rin ng 96th MICO sa interogasyon ang mga residente ng barangay Madao, Uson noong Mayo 29, 2025 at pinipilit na ituro ang mga kasapi umano ng NPA sa naturang lugar.
Ang dumaraming mga barangay at bayan sa prubinsya na tahasang isinailalim at isinasadlak ngayon ng militar sa mas mabangis na paraan ng pagpapatupad ng martial law o batas ng militar ay nakaayon sa atas ng rehimeng Bongbong Marcos Jr. Desperado na itong mapadali ang pagdurog sa New People’s Army (NPA) at nagkukumahog nang maipokus sa “panlabas na banta” ang kaniyang sandatahang lakas dahil sa dikta ng amo nitong imperyalistang US.
Nananawagan ang JRC-NPA Masbate sa lahat ng lokal na upisyal na manatiling tapat sa kanilang mandatong paglingkuran at pangalagaan ang inyong mga nasasakupan. Makiisa at manguna sa paglaban sa ipinatutupad na martial law sa inyong mga lugar. Huwag niyong hayaang alisan kayo ng militar ng kapangyarihang ipatupad ang inyong mandato bilang mga likod bayan.
Higit sa lahat, nananawagan ang JRC-NPA Masbate sa masang Masbatenyo na kumilos upang ilantad ang palalong plano ng rehimeng Marcos Jr at AFP na tahasang lumalabag sa karapatang pantao. Nasa kamay ng mamamayang nagkakaisang kumilos at nakikibaka ang pagtitiyak na mapanagot ang mga kriminal na militar. Higit sa lahat, masingil si Marcos Jr sa krimen nito sa mamamayan sa pagpapatupad ng de deklaradong batas militar sa mga kanayunan na nagbibigay pahintulot sa armadong pwersa nito na labagin ang karapatan at maghasik ng pasismo at terror sa mamamayan.