Wala sa kalingkingan ng mga krimen ng gubyerno ng Pilipinas at armadong pwersa nito ang upisyal na inilathala ng pangkalahatang kalihim ng United Nations sa pinakabagong ulat hinggil sa kalagayan ng mga bata at armadong tunggalian sa Pilipinas. Tahasang pinagtakpan ng ulat ang napakamadugong rekord ng dating rehimeng Duterte at kasalukuyang rehimeng Marcos. Pinalamnan pa ito ng pahayag ng “pagkalugod sa patuloy na pagsisikap ng GRP tungo sa proteksyon ng mga bata.”
Ayon sa ulat, mayroon itong naitalang 58 malubhang kaso ng paglabag sa karapatang-bata kung saan 43 bata ang biktima mula Enero 2022 hanggang Disyembre 2023. Sa maliit nang bilang na ito, sasampung kaso lamang ang itinala na isinagawa ng mga pwersa ng Armed Forces of the Philippines (7 kaso), Philippine National Police (1 kaso) at National Intelligence Coordinating Agency kasama ang National Task Force-Elcac (2 kaso).
Malayong-malayo sa katotohanan at aktwal na dami ng kaso ng paglabag sa karapatang-bata ang mga datos ng UN. Sa talaan ng Ang Bayan, hindi bababa sa 486 ang mga kaso ng paglabag sa karapatang-bata ng mga pwersang militar, pulis at mga ahensya ng gubyerno ng Pilipinas sa parehong panahon. Umabot sa 112,527 ang bilang ng mga batang biktima ng mga paglabag na ito.
Pito sa mga batang biktima ang pinatay, apat ang biktima ng tangkang pagpatay, siyam ang dinukot, 35 ang inaresto at ikinulong, at 33 ang pisikal na sinaktan. Kabilang sa mga pinaslang si Argie Salvador (17) noong Pebrero 11, 2023 sa Camarines Norte; ang magkapatid na Fausto (12 at 15) kasama ang kanilang ina at ama noong Hunyo 14, 2023 sa Negros Occidental; at si Carling Belan (17 anyos) noong Hunyo 16, 2023 sa Masbate.
Sina Salvador at Belan ay pinaratangang mga mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) na napatay sa engkwentro. Mahigpit itong pinasinungalingan ng mga kababaryo at kamag-anak. Ang pagpaslang sa magkapatid na Fausto ay isinisi sa BHB sa kabila ng matibay na ebidensya na minasaker sila ng 94th IB. Samantala, ginamit ng AFP ang dinukot nitong mga anak ng mga Pulang mandirigma para pasukuin sila.
Libu-libo rin ang biktima ng pambobomba, panganganyon at istraping ng mga pwersa ng AFP sa kanayunan na natroma sa mga insidenteng ito. Higit 13,000 ang batang ginutom ng militar sa ipinapataw na blokeyo sa pagkain sa kasagsagan ng operasyong kombat. Kabi-kabila rin ang mga kaso ng pagkakampo ng AFP sa mga eskwelahan na nakaaapekto sa edukasyon ng mga bata.
Sa paunang tala ng Ang Bayan ngayong 2024, mayroong 417 kaso ng paglabag sa karapatang-bata ang mga pwersa ng estado kung saan biktima ang 27,278 na bata.
Pagtalima ng rebolusyonaryong kilusan
Mahigpit ang pagtalima ng rebolusyonaryong kilusan sa mga alituntunin ng digma at internasyunal na makataong batas. Taliwas ito sa pinalalabas sa parehong ulat na 41% ng “naitala” na mga kaso ng UN ay isinagawa ng BHB. Inakusahan ng ulat ang hukbong bayan ng pagrekrut at paggamit ng batang mandirigma, pagpaslang o pagkapinsala ng bata, reyp at karahasang sekswal at pagdukot.
“Nais naming idiin na ang National Democratic Front of the Philippines (NDFP) at ang buong rebolusyonaryong kilusan ay mahigpit na nagtataguyod at pumuprotekta sa karapatan at kagalingan ng mga bata sa lahat ng aspeto ng aming pakikibaka,” tugon ni Ka Coni Ledesma, pinuno ng NDFP Special Office for the Protection of Children, sa ulat ng UN.
Ayon kay Ledesma, malinaw na nakasaad ito sa Program of Action and Declaration on the Rights and Welfare of Children na tahasang nagbabawal sa pagrerekrut sa mga mas bata sa 18 anyos para maging Pulang mandirigma. “Ang mga prinsipyong nakalatag dito ay nakaayon sa, at madalas lampas pa nga, sa mga pamantayang itinatakda ng internasyunal na makataong batas,” dagdag ni Ledesma.
Nakasaad rin ang pagbabawal sa pagrekrut ng batang mandirigma sa patakaran ng Partido Komunista ng Pilipinas simula pa 1988, isang taon bago ang pagbuo sa UN Convention on the Rights of the Child. “Ang mga patakarang ito ay mahigpit na ipinatutupad ng mga yunit ng BHB sa mga larangang gerilya at lokal na organo ng kapangyarihang pamplitika sa buong bansa,” pagdidiin ni Ledesma.