Sa nakaraang dalawang taon, todo-todo ang pagpapalawak ng US ng presensyang militar at pagtatayo ng mga estratehikong imprastrukturang militar nito sa Pilipinas. Noong 2024, ipinwesto nito ang Typhon Missile Sytem sa hilagang Luzon. Sinundan ito ngayong taon ng pagpasok ng NMESIS, MADIS at iba pang mga sandatang panggera.
Nitong taon din, inangkin ng US ang pasilidad nabal sa Oyster Bay sa Palawan, iniutos ang pagtatayo ng pabrika ng bala sa Subic at inilabas ang panimulang pondo para sa konstruksyon ng Subic-Clark-Manila-Batangas Railway. (Tingnan ang kaugnay na artikulo sa AB, Hulyo 7, 2025.) Bahagi ang lahat ng ito sa paghahanda ng US sa bansa bilang isang malaking forward operating base sa inuupat nitong imperyalistang gera laban sa China.
Malinaw na lampas-lampas na sa siyam na “napagkaisahang EDCA site” (Enhanced Defense Cooperation Agreement) ang inangkin at ginagamit ng US na mga base sa Pilipinas. Sa tabing ng walang patid na mga war games, pinabilis ng US ang konstruksyon ng mga baraks, bodega at iba pang imprastruktura sa loob ng mga kampo ng Armed Forces of the Philippines (AFP) para ibahay ang papalaking bilang ng mga tropa, gamit at sasakyang Amerikano na buong taon na namamalagi sa loob at paligid ng bansa.
Noong Hunyo, inaprubahan ng Kongreso ng US ang $1-$5 bilyong pondo para sa “upgrade” ng daungang nabal ng AFP sa Oyster Bay. Ginagamit na ng US ang daungan para sa mga “freedom of navigation operation” at “joint patrol” sa South China Sea, kasama ang Australia at Japan. Mula pa 2020 itinransporma ng US ang tahimik na komunidad ng mga mangingisda dito tungong isang susing pasilidad para sa mga barko at drone pandagat na ginagamit nito para kantihin ang mga barkong Chinese at pataasin ang tensyon sa South China Sea. Inilulusot ng AFP at US ang mga patrulya bilang “pagtatanggol sa mga mangingisdang Pilipino,” pero sa aktwal, ang US at dambuhalang mga barko nito ang nagkakait sa kanilang kabuhayan sa Oyster Bay at kalapit na karagatan.
Kasabay nito, napabalita nitong Hulyo ang pagtatayo ng US ng isa pang baseng nabal sa karagatan ng Palawan, sa tapat ng munisipalidad ng Quezon. Ayon sa mga ulat, napili ang lokasyon dahil sa lapit nito sa Second Thomas Shoal, isa sa pinagmulan ng sigalot pandagat sa pagitan ng Pilipinas at China. Ibabahay dito ang mga “inflatable boat” na ginagamit sa pag-atake at pandagdag sa ginagamit na ng militar ng Pilipinas sa pakikipaggitgitan nito sa mga barko ng China. Target ng US na paganahin ang base sa unang kwarto ng 2026.
Nito ring taon, sinimulan nang hugisan ng US ang plano nitong gamitin ang Pilipinas bilang malaking imbakan ng gamit panggera. Alinsunod ito sa 2025 Joint Vision Statement on Defense Industrial Cooperation na pinirmahan ng rehimeng Marcos at gubyerno ni Donald Trump noong Marso. Paraan ito ng US para matiyak ang mabilisan at hindi mapuputol na suplay ng gamit panggera oras na sumiklab ang inter-imperyalistang digma.
Sa tabing ng “kolaborasyon” at “pagpapaunlad ng kapasidad sa depensa ng AFP,” itatayo ng US sa iba’t ibang bahagi ng bansa ang mga pabrika nito sa bala, unmanned systems (drone), pasilidad para magproseso ng mga “kritikal na mineral” na ginagamit sa mga bomba, at “additive manufacturing” tulad ng 3D printing.
Noong Mayo, ipinwesto na ng US sa Fort Magsaysay sa Tarlac ang isang 3D printer na may kakayahang gumawa ng maliliit na drone (tinawag na first-person view o FPV drone) na nakaangkop sa tereyn at klima ng Pilipinas. Ginamit ang mga drone na ito sa inilunsad na Salaknib Exercises Phase 2 para “bahain ng mata” ang kagubatan at kabaryuhan sa Northern Luzon. Katuwang sa aktibidad na ito ang 7th IB at 5th IB ng AFP. Bago pa nito, ibinukas na ng AFP at rehimeng Marcos ang Aurora para sa pagmamanupaktura ng US ng mga drone noong 2024.
Ang mga pabrika, makina at gamit panggera na ilalagak sa Pilipinas ay direktang patatakbuhin ng militar at mga galamay ng mga kapitalista sa industriyang militar ng US.