Pilipinong lider mangagawa na kinulong ng ICE, nakalaya na

Masayang sinalubong ng mga kapamilya, kapwa unyonista, myembro ng Bayan Washington at Tanggol Migrante-Washington State ang paglaya ni Maximo Londorio noong Hulyo 11 sa labas ng NorthWest Detention Center sa Tacoma, Washington.

Si Londonio, 42 taong gulang, ay nagtatrabaho bilang forklift driver sa Crown Cork & Seal sa Olympia at myembro ng International Association of Machinists (IAM) Local 695. Halos tatlong dekada na siyang naninirahan sa US.

Matatandaang dinukot siya noong Mayo 16 at kinulong sa NWDC kung saan halos isang buwan siyang nilagay sa solitary confinement.

“Maraming salamat sa inyong suporta! Malaking pasasalamat sa Tangol Migrante. Mula umpisa hangang sa huli, andyan kayo mula unang araw palang. Marami pa tayong dapat gawin!” pahayag ni Londonio pagkalabas sa pasilidad.

“Habang nagdiriwang tayo sa tagumpay na ito, kinukundena namin ang kawalan ng aksyon at pagbigay ng sapat na suporta ng konsulado ng Pilpinas sa ating kababayan” pahayag ng Tanggol Migrante.

Isang araw bago palayain si Londonio, dinalaw siya ng tauhan ng Philippine Consulate General-San Francisco (PCG-SF) ng walang abiso at nagpahayag na dadalo sila sa kanyang pagdinig sa korte. Tinanggihan ni Londonio ang kanilang alok bilang protesta sa kanilang nagpapatuloy na kapabayaan at sobrang bagal na pagtugon sa panganagailangan ng mga Pilipinong imigranteng nakakakulong sa pasilidad. “Ang pagdinig ay para sa pamilya at para sa mga tunay na nakasama namin mula umpisa,” pahayag ni Crystal, asawa ni Londonio.

Ayon sa Tanggol Migrante, nakakabahala ang paggiit ng PCG-SF na “hindi mayor na usapin para sa mga Pilipino” ang umiigting na pag-atake sa mga imigrante sa US. “Pinagkakaitan ang mga Pilipinong imigrante ng kanilang karapatan, kinukulopng sa mga kaluno-lunos na kondisyon, kulang sa pagkain, at ilang buwan na pagkawalay sa pamilya- ito ay mga mayor na problema na dapat tinutugunan ng gubyerno ng Pilipinas!”

Noong Marso, isa na namang Pilipinong imigrante ang kinulong sa NWDC. Walang ibinigay na ligal na suporta ang konsulado kay “Kuya G” sa kabila ng ilang ulit niyang paghingi ng tulong mula sa ahensya. Saka lamang siya binisita dahil sa pagtutulak ng mga organisasyon na dalawin ang mga nakakulong na Pilipinong imigrante sa pasilidad noong Mayo 29. Gayunpaman, tanging “tingnan natin” lamang ang naging tugon ng tauhan ng konsulado sa kanyang mungkahi at arogante pa nilang pinuna si Kuya G na matagal bago siya humingi ng tulong.

Sa kanyang pagdinig noong Hulyo 3, walang pa ring binigay na tulong ang konsulado at napilitan si Kuya G na katawanin ang sarili sa korte dahil wala siyang abogado. Sa kabila ng P1.2 bilyon na budget para sa Assistance to the Nationals (ATN) ng Department of Foreign Affairs, sinabihan pa siya na “dapat hanapan ka ng libreng abogado ng Tanggol Migrante.” Malinaw na pag-iwas ito sa kanilang responsibilidad.

Kinukundena ng Migrante South Center at Bayan Washington ang walang-hiya at lantarang pagpapabaya ng konsulado ng Pilipinas kay Kuya G. “Dapat gawin ng Department of Foreign Affairs ang kanilang trabaho at gumawa ng kagyat na aksyon. Dapat bigyan ng konsulado ng Pilipinas ng abogado si Kuya G at tiyakin na hindi siya mapapalayas sa bansa” panawagan ng mga grupo

Sa kasalukuyan, hindi bababa sa 10 Pilipinong imigrante ang nakakulong sa NWDC.

Source link