Petisyon ni Duterte laban sa mga hukom ng ICC, ibinasura

Ibinasura noong Hulyo 3 ng International Criminal Court (ICC) ang petisyon ng kampo ni Rodrigo Duterte na humihinging idiskwalipika ang dalawang hukom humahawak sa kanyang kaso. Tinanggihan ng plenaryo ng husgado ng ICC ang kahilingan ni Duterte na i-disqualify o alisin sina Judge María del Socorro Flores Liera at Judge Reine Adélaïde Sophie Alapini-Gansou mula sa Pre-Trial Chamber I.

Ayon sa ICC, walang basehan ang alegasyon ng kampo ni Duterte na may kinikilingan ang mga hukom dahil sa nauna nilang pagkakasangkot sa pagdedesisyon kaugnay sa usapin ng hurisdiksyon ng korte sa kaso. Nilinaw ng ICC na bahagi ng trabaho ng mga hukom ang muling pagtalakay sa mga ligal na usapin habang umuusad ang kaso, at hindi ito nangangahulugan ng pagkiling o bias.

Binansagan ni dating Bayan Muna Rep. Neri Colmenares ang petisyong ito ni Duterte bilang “delaying tactic” sa nakatakda niyang pagharap sa Pre-Trial Chamber sa Setyembre.

“Walang ibang layunin ang ganitong mga galaw kundi ang pigilan ang mabilis na pag-usad ng kaso at hadlangan ang katarungan para sa mga biktima ng extrajudicial killings,” ani Colmenares sa isang panayam. Dagdag pa niya, “Hindi dapat magtagumpay ang mga taktika ng pag-aantala dahil ang mga biktima at ang kanilang mga pamilya ay matagal nang naghihintay ng hustisya.”

Nakaugat ang petisyon ni Duterte sa argumento na nawalan ng hurisdiksyon ang ICC matapos umatras ang Pilipinas sa Rome Statute noong 2019. Sinalungat ito ng ICC, at iginiit ng Office of Public Counsel for Victims (OPCV) nito na nananatili ang hurisdiksyon ng korte sa mga krimeng naganap habang myembro ang Pilipinas ng ICC, mula Nobyembre 1, 2011 hanggang Marso 16, 2019.

Isa pang taktikang pampabalam ang petisyong isinampa ng kampo ni Duterte noong Hunyo 12 para sa kanyang “interim release” o pansamantalang paglaya. Mariin itong tinutulan ng mga biktima at kanilang mga abugado, at maging ng grupo ng prosekusyon ng ICC. Wala pang desisyon ang korte kaugnay dito.

Samantala, patuloy ang pag-usad ng kaso laban kay Duterte. Noong Hulyo 1, nagsumite ang ICC ng ika-11 na bats ng ebidensya laban sa dating pangulo, kabilang ang mahigit 1,000 dokumento na sumasaklaw sa mga pagpatay mula sa panahon niya bilang meyor ng Davao City hanggang sa kanyang termino bilang pangulo.

Para kay Colmenares at sa mga tagapagtanggol sa karapatang-tao, ang mabilis na pagresolba ng ICC sa mga petisyon ay mahalaga para pigilan ang pag-iwas ni Duterte sa pananagutan. “Ang katarungan ay hindi dapat naantala, lalo na para sa libu-libong biktima ng madugong kampanya kontra-droga,” pagtatapos ni Colmenares.

Source link