Mariing pinabubulaanan ng Lucio de Guzman Command ang kasinungalingang ipinagkakalat ng 2nd Infantry Division (2nd ID), 203rd Brigade, at 4th Infantry Batallion sa diumano’y naganap na engkwentro sa pagitan ng NPA at tropa ng 4th IBPA sa Sitio Cabuyao, Barangay Panaytayan, Mansalay, Oriental Mindoro nitong Marso 14. Sa naganap kunong labanan ay napatay ang isang NPA at nakakumpiska ang 4th IB ng isang ripleng M16. Ang katotohanan, wala ni isa mang yunit o ni isang elemento ng NPA ang nasa eryang nabanggit sa panahong iyon.
Sinong sibilyan na naman ang biktima ng inyong walang awang pagpatay at pagkatapos para bigyang matwid ay pararatangang NPA? O kaya’y lilikha ng pekeng labanan para pagmukhaing “lehitimong NPA” ang inyong biktima. Hindi kaya panibagong kaso na naman ito ng mga sibilyang napatakbo dahil sa takot sa mga nag-ooperasyong sundalo at napagkamalang NPA ng mga pagod na pagod na mga pasistang sundalo dahil sa walang humpay na pagtugis sa NPA? Hinahamon namin si Major General Cerilo Balaoro Jr, ang commander ng 2nd ID, at si Col. Eric Guevarra, ang acting commander ng 203rd Bde, na ilabas ang bangkay ng sinasabing NPA na napatay sa nasabing labanan. Maawa kayo sa pamilya ng sibilyang inyong pinatay, karapatan nilang makuha ang bangkay nito at mapanagot ang maysala.
Notoryus ang 203rd Bde sa haba ng listahan ng mga sibilyang pinatay at pagkatapos ay pararatangang NPA. Pinakahuli ang pagpatay ng 4th IBPA sa isang kabataang Mangyan na si Jay-el Maligday noong April 7, 2024 sa Sitio Soriawon, Barangay Nasucob, Bulalacao, Oriental Mindoro. Nireyd ng mga pasista ang bahay ng pamilya Maligday saka walang awang pinagbabaril ang biktima. Para magmukhaing totoo, tinaniman ng baril saka pinalabas na siya’y NPA. Biktima din nito ang pamilya ni G. Inyab, mga katutubong Buhid sa Sitio Tauga Diit, Barangay San Vicente, Roxas, Oriental Mindoro na minasaker ng nag-ooperasyong sundalo noong June 7, 2022 matapos na masagasaan ng mga nag-ooperasyong sundalo ang balatik (panghuli ng hayop) ng katutubo na nagresulta ng pagkasugat ng mga sundalo. Sa galit ng mga pasista, pinagbabaril nila ang bahay ni G. Inyab na nagresulta sa pagkamatay ng dalawa habang nasugatan ang isa pa sa pamilya. Walang awa ding pinatay ng mga sundalo ng 76th IB ang chairman ng Sitio Tiyabong, Barangay Ligaya, Sablayan Occidental Mindoro noong July 15, 2022 na si Dante Yumanaw habang ang kasama nitong si G. Ferdinand ay malubhang nasugatan. Biktima din ang 78 anyos na si Prentice Guitterez ng Sitio Cambiswer sa Barangay Poblacion, Calintaan Occidental Mindoro na walang awang pinaslang ng mga pasistang 4th IB noong June 19, 2019. Pinalabas na pagawaan ng bomba ang kanyang kubo, sinuotan ng camesa chino, itinabi ang baril at mga bomba sa kanyang bangkay saka pinalabas na siya’y NPA.
Bahagi na ng maruming taktika ng 203rd Bde ang paglikha ng mga pekeng labanan upang bigyang matwid ang terorismo ng estadong inihahasik sa kanayunan. Pagkatapos ng mga pekeng labanan, engrande ang mga sustenido at masisinsing Focused Military Operations (FMO), Retooled Community Support Program Operations (RCSPO), pinaigting na kampanyang saywar at paniniktik na siyang pasimuno ng karahasan sa mga komunidad. Kaya naman nagiging katawa-tawa ang paulit-ulit na drama ng 4th IB sa mga peke at gawa-gawang labanan. Matatandaan na nito lamang Marso 1, kahit walang kalaban, tila mga asong nauulol ang mga sundalo ng 4th IB ng walang habas nilang pagbabarilin ang mga kaingin at taniman sa Sitio Lomboy, Barangay Panaytayan at pagkatapos ay isang oras na nagsagawa ng aerial strafing at naghulog ng apat na bomba sa nasabing lugar. Ilang araw pagkatapos ng kanilang pamamaril, muli silang nagpalaganap ng kasinungalingang mayroon diumanong 14 na underground bunkers ng NPA ang nadiskubre sa Sitio Lomboy, Barangay Panaytayan na diumano’y pinagtataguan ng war materiel, warning device, mga bala at mataas na kalibreng baril na pawang mga kasinungalingan.
Katawa-tawa man ang paulit-ulit na ganitong modus ng 203rd Bde, nakakagalit ang epektong ibayong takot, trauma, ligalig, at abala sa masang Mindoreño laluna sa katutubong Mangyan. Walang pagsasaalang-alang ang mga pasista sa karapatang pantao at internasyunal na makataong batas. Halimbawa ang pambobomba at pamamaril sa Sitio Lomboy na nakaapekto sa mahigit 250 pamilya kabilang ang apat na pamayanang sapilitang lumikas. Magpahanggang ngayon tiyak hindi pa napupuntahan ng mga residente ang mga kaingin na pinagbombahan at pinagbabaril ng mga sundalo dahil sa grabeng takot. Ibayong gutom ang direktang epekto nito sa mga katutubong apektado dahil nabawasan ang panahon ng pagtatrabaho na hindi naman nabibigyan ng sapat na ayuda ng reaksyunaryong estado. Nataon pa naman na panahon ng paghahanda ngayon ng paghahanda ng kaingin ng mga magsasaka at katutubo para tiyaking makapagtanim pagdating ng Mayo at Hunyo para may makain ang pamilya sa mga darating na buwan. Nararapat na ilantad at labanan ang terorismong ito ng AFP-PNP sa mamamayan.
Ang kontra rebolusyonaryong gyera sa ilalim ng rehimeng US Marcos 2 ay asahang lalo pang iigting dahil sa pagmamadali nitong tapusin na ang CPP-NPA-NDFP batay sa kumpas ng amo nitong imperyalistang US. Nang sa gayo’y maituon ng AFP-PNP ang buong atensyon nito sa nilulutong gyera laban sa China. Sa pag aapura nila, desperado ang AFP at PNP na gawin ang lahat ng posibleng paraan kabilang ang terorismo nang walang itinatangi, rebolusyonaryo man o hindi, armado man o sibilyan, lumalaban man o hindi—lahat para takutin at pahintuing kumilos at lumaban. Bahagi ng maruming taktika ng AFP na gawing normal at ipatanggap sa masa ang karahasan, impunidad, at terorismo ng estado.
Sa pamumuno ng Partido Komunista ng Pilipinas katuwang ang NPA at lahat ng rebolusyonaryo at progresibong pwersa, dapat na tutulan ang nagtutuloy tuloy na terorismo ng estado. Sa Mindoro, dapat na pangunahan at itulak ang mamamayang Mindoreño upang magkaisa at kumilos para sa anti pasistang pakikibaka ng mamamayan. Dapat na kumilos at kundenahin ang nagpapatuloy na paglabag sa karapatang pantao at internasyunal na makataong batas sa pangunguna 203rd Bde at PNP MIMAROPA upang itigil ang pagpatay sa mga sibilyan, walang habas na pamamaril, at pambobomba, iligal na pag-aresto, mental at pisikal na tortyur, batas militar na patakarang curfew, food blockade atbp. Dapat na kumilos ang mga Mindoreño upang bigyang hustisya at panagutin ang mga pumaslang sa mga sibilyang sina Jay el Maligday, mga katutubong Buhid na pamilya ni G. Inyab, katutubong Batangan na si Dante Yumanaw, Prentice Guttierez at marami pa nilang kasamahang walang awang pinaslang ng mga sundalo ng 203rd Bde. Dapat na magkaisa at kumilos ang Mindoreño upang palayasin ang RCSPO at mga kampo militar laluna yaong mga nasa gitna ng komunidad. Nararapat na ilunsad ng BHB ang mga taktikal na opensiba laban sa teroristang AFP-PNP upang bigyang hustisya ang mga biktima ng paglabag sa karapatang pantao at internasyunal na makataong batas.