Parangal at mataas na pagsaludo para kina Kasamang Giovanni at Jigs

Luz del Mar | Spokesperson | NPA-Masbate (Jose Rapsing Command) | Bicol Regional Operational Command (Romulo Jallores Command) | New People’s Army

Kasabay ng pagbibigay parangal ay taas-noong sinasaluduhan ng mga pulang Hukbo ng Jose Rapsing Command-New People’s Army at buong rebolusyonaryong kilusan sa Masbate ang hindi matatawarang ipinakitang katapangan nina Kasamang Giovanni at Jigs. Nasawi ang dalawa matapos matapang na dumepensa sa pataksil na atake ng mga pwersa ng 2nd Infantry Battalion-Phil. Army sa pansamantalang pinagpahingahan ng kanilang napapaloobang yunit sa hangganan ng Barangay Miabas, Palanas at Barangay Libertad, Cawayan kahapon, Abril 17, 2025, bandang alas-5 ng madaling araw.

Sa naturang labanan, nagtamo rin ng dalawang patay at isang sugatan ang pwersa ng militar. Sa galit ng militar, na sa halip na malipol ay nalagasan rin sila ng kanilang kinubkob na yunit ng pulang Hukbo, ay walang habas itong nagpaputok kahit nakaatras na ang mga kasama. Hindi rin pinayagan ng militar na magbakwit sa mga sentro ng baryo o kalapit na barangay ang mga residente na nakatira malapit sa pinangyarihan. Sa halip, isinailalim ang mga ito sa matinding interogasyon.

Samantala, upang palabasing kasapi ng NPA ang kanilang dinakip na si Isabel Delos Reyes, 56-anyos, residente ng Barangay Libertad, Cawayan ay kinunan ito ng litrato na may hawak na baril. Gawa-gawa rin ng militar ang pinalalabas nitong salaysay ni Delos Reyes na kaya may mga NPA sa kanilang lugar dahil nangingikil ito sa mga lokal na kandidato.

May malinaw na panuntunan ang rebolusyonaryong kilusan sa panahon ng huwad na eleksyon ng reaksyunaryong gubyerno para sa mga pulitikong nagnanais mangampanya sa mga saklaw na erya ng rebolusyonaryong kilusan sa prubinsya. Kabilang rito ang hindi pagdadala ng mga armadong pwersa tulad ng goons at bayarang militar upang maiwasan ang di kinakailangang kaguluhan. Subalit, mariin nitong ipinagbabawal ang mangikil sa mga pulitiko. Batid ng masa na ang tunay na nangingikil at bayaran ay ang mga militar at pulis.

Tumatanggap ang militar at pulis ng suhol mula sa mga pulitiko upang tiyakin ang panalo ng mga ito. Direkta rin silang pumapapel sa pag-eenderso ng mga ibobotong pulitiko. Taliwas ito sa batas sa reaksyunaryo sa panahon ng kampanya o halalan, na malinaw na nagsasaad na hindi maaaring sumali sa pangangampaya ang sandatahang lakas nito.

Hindi kayang takpan ng anumang pambabaluktot ng militar ang katotohanang sila ang hindi rumespeto sa tradisyonal na kultura ng Huwebes Santo ng mga Kristiyano. Kinubkob nila ang yunit ng pulang Hukbo na hindi man lang isinaalang-alang ang kaligtasan ng maaring madamay na mga sibilyan. Natural lang sa pulang Hukbo na dumepensa para sa kaligtasan nila at ng masa.

Ipinapaabot naman ng pamprubinsyang kumand ang pakikidalamhati sa mga pamilya at kamag-anak nina Ka Giovanni at Ka Jigs. Titiyakin ng JRC-NPA Masbate na hindi mawawalan ng saysay ang pag-alay ng buhay hindi lang ng mga bagong bayani na sina Ka Giovanni at Ka Jigs kundi sa lahat ng martir at bayani ng buong rebolusyonaryong kilusan sa prubinsya. Ang kanilang walang pag-iimbot na pagsisilbi sa bayan at ang pag-alay ng buhay upang ipagtanggol ang masa at kasama ay habang panahon ng mananatiling nakaukit sa mga puso ng lahat ng mga pulang Hukbo at masa.

The post Parangal at mataas na pagsaludo para kina Kasamang Giovanni at Jigs appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.