Pahayag sa Midya
Abril 17, 2017
Mariing kinokundena ng Jose Rapsing Command (JRC-BHB) sa lalawigan ng Masbate ang brutal na pamamaslang sa magkapatid na Titing at Bongbong Tagalog noong Abril 15, 2017 sa Brgy. San Carlos, Milagros, Masbate.
Karumal-dumal ang sinapit ng magkapatid na Tagalog sa kamay ng 2nd IB,PA. Namatay si Titing sa bugbog habang tadtad naman ng bala si Bongbong na kapwa magsasaka at residente ng San Carlos, Milagros, Masbate.
Mula Abril 15 hanggang sinusulat ang pahayag na ito ay patuloy pa rin ang walang habas na pagpapaputok ng mga militar sa Bgry. San Carlos na nagdulot na matinding takot sa mga residente. Karamihan ay umalis na sa kanilang lugar sa pangambang sila naman ang mapagbalingan ng mga militar at matulad sa nangyari sa magkapatid na Tagalog. Tingin ng mga residente ay lango sa droga ang mga ito dahil mistulang mga asong ulol itong naninibasib ng mga sibilyan para patayin. Ang mga ganitong gawain ay hindi kayang magawa ng tao na nasa matinong pag-iisip.
Katulad noong Abril 16, 2017, bandang alas-10 ng umaga, na isang sibilyan ang sinita nito at sa takot nang sibilyan na mabiktima ng ekstrahudisyal na pamamaslang ay tumakbo ito habang binabaril ng mga militar.
Maliban sa pagpatay, pambubugbog at walang habas na pagpapaputok ay ninakaw din ang mga alagang kambing at manok ng mga residente na dinala sa Brgy. Tigbao, Milagros.
Ang lahat na ito ay malinaw na paglabag sa Comprehensive Agreement for the Respect of Human Rights and International Humanitarian Law o CARHRIHL.
Kung seryoso ang rehimeng Duterte sa sinasabi niyang kapayapaan ay pagpanagutin niya ang AFP at PNP sa mga paglabag nito sa karapatang pantao ng mamamayan.
Isulong ang digma para makamit ang makatarungang kapayapaan, kalayaan at maunlad na lipunang Pilipinas.
Ka Luz del Mar
Tagapag-surmaton
Jose Rapsing Command
Bagong Hukbong Bayan-Masbate