Mariing kinundena ng League of Filipino Students (LFS) sa Polytechnic University of the Philippines ang nilulutong kasunduan sa kalakalan sa pagitan ng Pilipinas at Zionistang Israel. Anang grupo, ang kasunduang ito ay taliwas “pakikipagkaisa ng mamamayang Pilipino sa inaaping mamamayan sa buong daigdig, laluna sa mamamayang Palestino.”
Ayon sa mga upisyal sa ekonomya ng Israel at Pilipinas, inaasahang mabuo ang panukalang kasunduan sa katapusan ng taon. Kabilang sa planong saklawin ng kasunduan ang kalakalan sa agrikultura at pangingisda.
“Ang pagpasok sa ugnayan sa kalakalan sa isang estadong nagsasagawa ng henosidyo ay hindi lamang imoral, kundi pakikipagsabwatan din dito,” ayon sa LFS-PUP. “Itinatakwil namin ang anumang kasunduang nakatuntong sa malawakang pagpatay, pagpapalayas at imperyalistang interes.”
Matagal nang umiiral ang pasistang ugnayan ng Pilipinas at Zionistang Israel. Katunayan, isa ang Israel, sunod sa US, sa pinakamalaking suplayer ng armas at mga sistema sa depensa sa Armed Forces of the Philippines.
Umarangkada ang ugnayang militar sa pagitan ng dalawa sa panahon ng rehimeng Duterte, kung kailan bumili ang reaksyunaryong estado ng libu-libong maliliit at malalaking drone, tangke, sasakyang militar, misayl at barkong pang-atake na nagkakahalaga ng bilyun-bilyong piso. Tagabili rin ang Pilipinas ng mga sistema para sa malawakang sarbeylans na katulad sa ginagamit ng Israel laban sa mga Palestino sa Gaza at West Bank.
Ang Israel ay itinuturing na instrumento ng US sa panggegera nito sa Middle East at lagakan ng mga armas sa rehiyon. Ang mga industriya sa armas nito ay bahagi ng masaklaw na military-industrial complex ng pinakamalalaking kumpanya ng armas ng US.











