Panukalang batas sa US na magpapataw ng buwis sa mga remitans, dagdag pasanin ng mga migranteng Pilipino

Nangangamba ang mga migranteng Pilipino sa panukala ni Donald Trump, presidente ng US, sa “One Big Beautiful Bill” na kasalukuyang nakasalang sa Senado ng bansa. Ito ay dahil sa probisyon nitong magpapataw ng 3.5% buwis sa mga remitans ng mga manggagawa sa US na hindi citizen ng US, tulad ng mga green card holder, mga kontraktwal na manggagawa, at mga hindi dokumentadong imigrante na nagpapadala ng pera palabas ng US. May posibilidad na saklawin ng panukalang buwis kahit ang mga migranteng wala sa US pero dumadaan sa mga bangkong Amerikano ang pagpapadala nila ng remitans.

Bukod sa bagong buwis na ito, kinakaltasan na ng mga transaction fees ang remitans ng mga migranteng Pilipino ng mga bangko at money transfer services. Ang mga tradisyunal na bangko ay karaniwang naniningil ng $30 hanggang $75 bawat international wire transfer, samantalang ang mga remittance service tulad ng Remitly, Wise, at Western Union ay naniningil ng hanggang ilang dolyar, kadalasan ay may kaunting patong din sa palitan ng dolyar.

Dahil ang US ang pinagmumulan ng 41% ng kabuuang remittance na pumapasok sa Pilipinas, malaki ang magiging epekto nito. Sa bawat $1,000 na ipinapadala, maaaring mabawasan ng karagdagang $35 bilang buwis, bukod pa sa mga dati nang singil ng serbisyo. Halimbawa, ang $1,000 na ipinadala gamit ang tradisyunal na bangko ay maaaring umabot sa $110 ang kabuuang kaltas (transaction fees at buwis), habang ang mas murang digital services ay madadagdagan pa rin ng buwis sa kanilang karaniwang singil.

Nagbabala ang mga migrante na ang mga dagdag na gastos na ito ay higit na papasanin ng mga pamilyang may mababang kita, dahil maaaring mapilitang bawasan ang kanilang ipinapadala o gumamit ng informal—at mas delikadong—paraan ng pagpapadala ng pera.

Ayon kay IBON Foundation Executive Director Jose Enrique “Sonny” A. Africa, lalong paliliitin ng panukalang buwis ang kakayahang bumili ng mga pamilyang Pilipino na nakaasa sa mga remitans, na dati nang bumabagsak dahil sa tuluy-tuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin sa bansa. Aniya, dapat ito bigyan-pansin ng gubyerno ng Pilipinas, na nakikibanang sa mga Pilipinong nagtatrabaho sa US.

Source link