Panliligalig sa mga komunidad ng magsasaka, nagpapatuloy

Tuluy-tuloy ang pagliligalig ng militar at pulis sa mga komunidad ng magsasaka sa Cavite, Masbate at Negros Occidental.

Sa Masbate, inaresto at sinampahan ng kasong rebelyon ang apat na sibilyan. Dinakip noong Hunyo 25 sa Barangay Baras, Esperanza sina Ronnie Ursal, Manlik Espinosa at Melicio Malaras, at noong Hunyo 11 si Vicente Colomna. Liban kay Colomna, ang tatlong iba pa ay nakalaya. Samantala, ipinailalim sa de facto na batas militar ang siyam na barangay sa bayan ng Palanas at Dimasalang simula noong Hulyo 11.

Sa Himamaylan City sa Negros Occidental, binantaan ng mga ahenteng traydor na “surenderi” na papatayin ang mag-asawang sina Jolibert at Rica Basilio kung hindi sila susuko at makikipagtulugan sa 94th IB. Nangyari ang pambabanta noong Hulyo 9 nang puntahan nila ang mag-asawa sa kanilang bahay sa Sityo Cabagal, Barangay Buenavista. Nagdulot ang insidente ng takot hindi lamang sa mag-asawa kundi sa buong komunidad.

Sa Cavite, nakaambang kampuhan ng 2nd Civil Military Operation(CMO) Company at Task Force Ugnay ang komunidad ng Tartaria sa Silang, Cavite para gipitin ang tuluy-tuloy na paglaban ng mga magsasaka at residente at palayasin sila sa lugar.

Samantala, ginipit ng Bureau of Corrections (BuCor) ang tagapagsalita ng grupong Kapatid na si Fides Lim matapos niyang ireklamo ang mga iligal at di makataong patakaran ng ahensya. Pinagbawalan siyang makapasok sa lahat ng mga kulungan na nasa ilalim ng hurisdiksyon ng BuCor. Aktibo si Lim sa pangangalap at paghahatid ng makataong ayuda at nakikipaglaban para sa mga karapatan ng mga bilanggong pulitikal sa gitna ng napababalitang pagpapabaya at abuso sa loob ng New Bilibid Prison at iba pang kulungan.

Source link