Dalawang sibilyan sa Negros ang naiulat na namatay dahil sa panliligalig ng militar sa kanilang mga komunidad noong Mayo. Samantala, tuluy-tuloy ang pang-aabuso ng mga sundalo sa Albay, Masbate, Bohol at Metro Manila.
Sa Negros Occidental, naiulat na namatay ang ginang na si Lolita Reman sa Sityo Toril, Barangay Bandila, Toboso noong Mayo 20, bunga ng labis na takot at troma sa mga operasyon ng 79th IB sa lugar. Nireyd at niransak ng mga sundalo ng 79th IB ang bahay na pag-aari ng pamilyang Mahusay kung nasaan ang ginang.
Ganitong insidente rin ang naganap sa Barangay Minapasok, Calatrava. Inatake ng stroke ang magsasakang si Boyet de Asis noong Mayo 23 dahil sa pagbabanta sa kanya ng pitong sundalo ng 79th IB at mga traydor na sina Marlon Basalo (Elan) at alyas Jonel/Mike sa Sityo Kapanuya.
Noong Mayo 31, sapilitang pinasok at niransak ng mga sundalo ng 79th IB ang bahay ng mag-asawang Alejandro at Maricel Villamero sa Sityo Manaysay, Barangay Cambayobo, Calatrava. Ninakaw ng mga sundalo ang mahigit ₱7,000 matagal na pinag-ipunang pera ng mag-asawa.
Sa Masbate, ipinailalim sa malupit na interogasyon ng mga sundalo ng 96th MICO ang 12 sibilyan mula sa Uson, Masbate noong huling linggo ng Mayo. Pilit silang pinaaamin na mayroon silang kaugnayan sa BHB. Lumala ang sakit ng isa sa mga biktima matapos ang interogasyon at hirap itong magsalita matapos atakehin ng sakit sa puso at diabetes dahil sa takot at troma.
Sa Negros Oriental, pinuntahan ng mga sundalo ang bahay ng magsasakang si Alan Garde sa Barangay Sandayao, Guihulngan City noong Mayo 15. Pilit pinaaamin si Garde na may kaugnayan at sumusuporta siya sa BHB. Sa araw ding iyon, pinasok ng mga sundalo ang bahay ni Rocky Fat at niransak ng mga sundalo. Pinalabas ng mga sundalo na mayroong nakumpiskang armas mula sa kanya at tinangkang dakipin ngunit nanindigan ang kanyang pamilya laban dito.
Simula Mayo 3, ipinalialim ng 83rd IB sa mala-batas militar na paghahari ang tatlong barangay sa Caramoan, Camarines Sur. Hinaras, pinagbantaan at pinaratangan ang mga residente ng komunidad, partikular ang anim na indibidwal, na mga kamag-anak o tagasuporta sa BHB. Ang ilan sa mga biktima ay pinipilit ng militar na ilabas at “isuko” ang kanilang mga asawa na pinararatangang Pulang mandirigma. Ilang beses ring sapilitang pinasok ang bahay ng mga residente at iligal na kinukunan sila ng litrato ng mga sundalo.
Sa Northern Samar, ipinailalim sa hamlet ng AFP ang mga barangay sa Catubig, Las Navas, Gamay, Mapanas at Palapag simula noong Hunyo 4. Ipinataw ito ng militar kasunod ng sinasabing engkwentro ng AFP sa BHB noong araw na iyon sa Barangay Nagoocan, Catubig. Pinagbabawalang lumabas ng baryo ang mga residente kahit pa sa sariling bukid, katabing baryo, o sa bayan lamang sila pupunta. Bago nito, laganap ang pamimilit ng militar sa mga residente sa bayan ng Palapag na “pasukuin” ang kanilang mga kaanak na pinararatangang mandirigma ng BHB.
Pang-aaresto at pagsampa ng gawa-gawang kaso. Inaresto sa kasong illegal possession of firearms and explosives at pinaratangang myembro ng BHB si “Ruben”, 47, manggagawa sa konstruksyon at residente ng Barangay Namantao, Daraga, Albay. Dinukot siya ng mga elemento ng 31st IB sa kanyang bahay noong Mayo 23 at dinala sa isang bakanteng bahay. Nagpaputok ng baril ang mga sundalo para palabasing nagkaroon ng engkwentro.
Sa Bohol, nagpakalat ng pekeng balita at impormasyon ang CIDG noong Mayo 23 laban kay Carmilo Tabada, konsehal sa isang barangay sa bayan ng Trinidad. Pinaratangan siyang upisyal sa pinansya ng PKP at sinasabing inaresto dahil sa kasong “terrorism financing.” Inilinaw ni Tabada na siya mismo ang lumapit sa korte at nagpyansa kaugnay ng kaso.