Anim na mga progresibo at rebolusyonaryong organisador ng Southern Tagalog ang inaresto sa panibagong serye ng crackdown ng mga pwersa ng rehimeng Marcos noong Oktubre 24 at 27. Kabilang sa mga inaresto ang isang konsultant pangkapayapaan ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP).
Sa Quezon City, dinakip ng pinagsanib na pwersa ng 2nd ID at pulis si Wigberto Villarico, at kasama niyang si Marjorie Lizada, sa tinutuluyan nilang bahay sa Barangay Fairview, Quezon City noong Oktubre 24. Si Villarico ay konsultant pangkapayapaan ng NDFP sa Southern Tagalog habang si Lizada ay kanyang istap.
Ang 68-taong gulang na si Villarico ay umiinda ng iba’t ibang sakit.
Ang pag-aresto sa kanya ay labag sa Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees (JASIG). Siya ang ikatlong konsultant ng NDFP na inaresto noon lamang buwan ng Oktubre. Malinaw na ang pagdakip sa kanila ay may layuning idiskrail ang mga pagsisikap na buhayin ang negosasyong pangkapayapaan sa pagitan ng GRP at NDFP.
Sa Oriental Mindoro, inaresto noong Oktubre 24 ang mga organisador ng magsasaka na sina Bong Fran at Kelvin Joaquin sa Barangay Hagupit, Bongabong. Sila ay nasa kalagitnaan ng pagtulong sa mga magsasakang apektado ng Bagyong Kristine nang arestuhin.
Ang dalawa ay inaresto sa bisa ng mandaymentong inilabas ng isang korte sa Pinamalayan, Oriental Mindoro sa kasong rebelyon. Pinalalabas din ng mga sundalo at pulis na nakumpiska sa kanila ang isang .45 kalibreng pistola, pampasabog, mga gadyet at dokumento.
Sa Makati City, inaresto ng mga pwersa ng estado ang dalawa organisador ng mga manggagawa noong Oktubre 27. Ang dalawa ay kinilala bilang sina Gavino Panganiban, upisyal sa kampanya ng Pamantik-KMU, at si Maritess David mula sa pederasyong OLALIA-KMU.
Ayon sa mga pulis, kumakaharap si Panganiban sa kasong pagpatay at tangkang pagpatay sa isang korte sa Infanta at Gumaca sa Quezon habang si David ay mayroong kasong paglabag sa Comprehensive Law on Firearms and Ammunition sa isang korte sa Santa Rosa, Laguna.
Nanindigan ang Pamantik-KMU na ang mga paratang laban kina Panganiban at David ay ganap na walang batayan at ginawa lamang upang supilin ang mga manggagawa at kanilang pakikibaka.