Ang Bayan Ngayon » Pangre-red-tag at paniniktik sa kabataang aktibista sa Panay, kinundena

Nagpahayag ng ng pagkundena ang National Union of People’s Lawyers (NUPL) Panay -Law Students, Kabataan Partylist Panay (KPL) at University of the Philippines (UP) Visayas University Student Council sa Red-tagging at paniniktik ng mga ahente ng Philippine Army kina Thea Kryshna Dayata and Audrey Eurielle Dayata, mga kabataang aktibista.

Noong Hunyo 22, isang kamag-anak nina Dayata ang nilapitan ng mga ahente ng estado at sinabing nililikom nila ang impormasyon tungkol sa dalawa. Pinakitaan sya ng mga litrato, rekord sa eskwelahan at mga organisasyon ng dalawa sa unibersidad. Inakusahan ang dalawa bilang myembro diumano ng Partido Komunista ng Pilipians at Bagong Hukbong Bayan. Nagpalusot pa ang mag ahente na nag-alala lamang daw na nagiging radikal na ang dalawang estudyate. Kinumbinsi pa nila ang naturang kamag-anak na hikayatin ang kanyang mga pamangkin na tumigil sa aktibismo.

Si Audrey ay kasalukuyang pangkalahatang kalihim ng NUPL-Panay Law Students Chapter at estudyante sa UP College of Law-Visayas. Si Thea ay kasalukuyang tagapangulo ng KPL-Panay. Pareho silang naging bahagi ng Sandigan ng Mag-aaral para sa Sambayanan (SAMASA) at nagsilbi bilang ika-43 at ika-44 na tagapangulo ng University Student Council ng UP Visayas.

Ayon sa NUPL-Panay Law Students Chapter, isang malinaw na kaso ng Red-tagging ang ginawa ng mga ahente ng estado na layuning patahimikin sila.

“Nilalabag ng Red-tagging ang konstitusyon na naggarantiya ng karapatan sa pag-oorganisa, pagpapahayag ng pampulitikang paniniwala at pagsisilbi sa sambayanan. Hindi lamang ito atake sa dalawang indibidwal kundi isang direktang atake sa lahat ng mga lider kabataan at mga organisasyon na nakikibaka para sa karapatan at hustisya,” pahayag ng NUPL-Panay Law Students Chapter.

“Linawin namin: hindi krimen ang pagiging estudyanteng aktibista. Ang pag-oorganisa sa hanay ng kabataan ay hindi terorismo. Ang pagpapahayag ng pagtuligsa ay hindi rebelyon,” ayon sa grupo.

Samantala, sinabi ng KPL Panay na kung may mga kabataan na matapang na nagsasalita at nanawagan para sa kanilang karapatan, ito ay dahil bigo ang gubyerno na tiyaking ang kanilang kalayaan at dignidad. “Hindi ito iligal, ito ay demokrasya,” anito.

“Ang mga atake na ito ay naglalantad sa malalim na krisis sa sistema na sinisiraan ang mga kabataan sa halip na tugunan ang kahirapan, kawalan ng hustisya at panunupil. Hangga’t may pang-aapi at pagsasamantala, patuloy na titindig at magpapatuloy ang mga kabataan para-mag mulat, mag-organisa, at magpakilos para sa tunay na paglilingkod sa sambayanan,” pahayag ng UP Visayas Unversity Student Council.

Nanawagan ang iba’t ibang grupo para sa agaran at walang kinikilingan na imbestigasyon sa Red-tagging, panggigipit at paniniktik sa magkapatid, proteksyon para sa lahat ng mga kabataang aktibista at pagbuwag sa National Task Force-Elcac.

Source link