Ginunita ng Communist Party of India-(CPI) Maoist ang ika-24 anibersaryo ng People’s Liberation Guerilla Army (PLGA) sa isang linggong pagdiriwang mula Disyembre 2 hanggang Disyembre 8. Panawagan sa pagdiriwang ang pagpapalawak ng baseng masa, pagpaparami ng rebolusyonaryong pwersa at pagpreserba at pagpapaunlad sa Partido, PLGA at rebolusyonaryong nagkakaisang prente. Hinimok ng Partido ang pagpapaigting sa paglaban sa kontra-rebolusyonaryong digmang “Kagaar” na pinakawalan ng sentral na estadong Indian laban sa mamamayang Indian at Adivasi.
Pinangunahan ng Komisyon Militar ng CPI (Maoist) ang pagtatasa sa naabot ng PLGA sa isang taong pagsulong ng rebolusyonaryong digma noong Oktubre. Kinilala nito ang mga pag-atras dulot ng internal na mga kahinaan at limitasyon, gayundin dulot ng matinding atake ng kaaway. Binalikan nito ang mga tagumpay at aral mula sa mahahalagang desisyong ipinatupad ng Partido mula 2019, na nagbunga ng pagbwelo sa armadong pakikibaka sa sumunod na mga taon (2020-2022).
Kasabay nito, kinilala ng CPI (Maoist) ang positibong mga karanasan sa pakikidigmang gerilya at matatagumpay na pagpapakilos sa mamamayan sa mga pakikibang anti-imperyalista, anti-burgesyang kumprador, anti-pyudal at anti-militarisasyon.
Isa rito ang pananalakay ng pinagsanib na mga pwersa ng PLGA mula sa iba’t ibang yunit sa kampo ng pulis sa South Bastar sa Dandakaranya noong Enero 16. Sa reyd na ito, pinalibutan ng mga gerilya ang kampong tinatauhan ng 500 paramilitar at espesyal na pwersang kumando, at pinaulanan ng mahigit 1,000 granada mula sa mga spigot grenade launcher at daan-daang bala. Mahigit 35 pulis at kumando ang nalipol at 40 ang nasugatan.
Ipinagpatuloy ng mga yunit ng PLGA ang paglulunsad ng mga taktikal na opensiba alinsunod sa panawagan ng Partido para sa isang kontra-opensibang kampanya mula Marso hanggang Hunyo.
Nagresulta ito sa hindi bababa sa 100 gerilyang aksyon sa unang 10 buwan ng taon. Sa panahong ito, 64 kaaway ang napatay at 120 ang nasugatan.
Gayunpaman, mas mababa ang bilang na ito kumpara sa nakaraang mga taon, ayon sa CPI (Maoist). Hindi naging sapat ang mga pagsisikap para arestuhin ang pinsalang natamo sa mga atake ng kaaway. Sa loob ng 10 buwan lamang, umabot sa 254 ang nalagas na mga mandirigma ng PLGA. Ito ay dulot ng pagpapatuloy ng dating mga kagawian at kahinaang ilihim ang kilos at pamamaraan ng hukbong gerilya, ayon sa Partido.
Para arestuhin ito, inatasan ng Partido ang PLGA na tiyakin ang preserbasyon ng suhetibong mga pwersa at iwasan ang mga pinsala. Anito, kailangang baguhin ang pamamaraan ng pagkakampo, paglilipat, pagkuha ng mga armas, mga pulong at pag-aaral, pagsasanay militar at paggamit ng mga elektronikong gadyet. Kailangang buwagin ang mga network ng mga impormer, espiya, “nagbalik-loob” at mga double agent na naitanim ng kaaway sa mga komunidad at nyutralisahin ang kanilang epekto.
Sa taya ng Partido, umabot sa 800,000 tropang pulis, paramilitar, kumando, air force at mga espesyal na pwersa ang ibinuhos ng reaksyunaryong estadong Indian sa kampanyang Kagaar. Sinaklaw at inuokupa ng mga ito ang pinagsususpetsahang mga rebolusyonaryong base, kabilang ang mga kagubatan. Ang mga lugar na ito ay target ng dayuhan at lokal na korporasyon para tayuan ng mga dam, plantang pang-enerhiya at minahan.
Sa harap nito, idiniin ng Partido ang pangangailangang paunlarin ang PLGA para mas epektibo itong makapaglunsad ng pakikidigmang gerilya.
Dagdag nito, kailangang likhain ang isang malawak na kilusan para pigilan ang kontra-rebolusyonaryong pang-aatake sa mamamayan. Dapat labanan ang balak ng naghaharing pangkating Hindutva, na kinakatawan ng rehimeng Modi, na itayo ang isang “estadong Hindu na pinatatakbo bilang korporasyon.” Sa ilalim ng iskemang ito, lahat ng kagubatan at maging kapatagan ng bansa ay ipagkakaloob sa mga lokal at dayuhang kumpanya sa agrikultura, pagmimina, plantang pang-enerhiya at iba pa sa kapinsalaan ng mga mamamayang Indian at Adivasi.