Panggigipit at pangliligalig ng 2nd IB sa mga sibilyan sa Masbate, umiigting

Dinakip at sinampahan ng gawa-gawang kaso na rebelyon ng mga elemento ng 2nd IB noong Hunyo 11 si Vicente Colomna at noong Hunyo 25 sina Ronnie Ursal, Manlik Espinosa at Melicio Malaras. Ang apat ay mga sibilyan at residente ng bayan ng Pio V. Corpus at Esperanza, Masbate. Tatlo sa kanila ay pansamantalang nakalaya habang isa (Coloma) ay nanatiling nakakulong sa bayan ng Cataingan.

Tulad ng paghamlet ng ginawa ng AFP sa bayan ng Masbate City, Baleno at Uson noong nakaraang buwan, pinailalim din sa parehong panggigipit, pagkontrol sa kilos at perwisyo sa hanapbuhay ang mga residente ng mga barangay Buenasuerte, San Antonio, San Isidro, Salvacion, San Carlos, Maanahao, Matugnao, at Biga-a sa bayan ng Palanas at Barangay Cabrera sa bayan ng Dimasalang sa tabing ng Modified Community Support Sustainment Program (MCSSP).

Layon ng MCSSP na pigilan ang pagbalik diumano ng rebolusyonaryong kilusan sa mga barangay na dineklara ng AFP na “cleared” sa pamamagitan ng paghahatid ng serbisyo publiko katuwang ang lokal na gubyerno. Ngunit tulad ng iba pang ‘support program’ sa ilalim ng iba’t ibang “oplan” ng nagdaang mga rehimen, ang MCSSP ay isa lamang programa ng panggigipit at surbeylans sa tabing ng pagbibigay ng serbisyo.

Hinahalihaw naman ng walang tigil na operasyon kombat ng 2nd IB ang barangay ng Parina, Malibas, Miabas, Mabini, Intusan, Antipolo sa bayan ng Palanas at mga barangay ng Maanahao, Cadulawan at Tuybo sa bayan naman ng Cataingan.

Samantala, ipinailalim sa focused military operations (FMO) ang mga barangay sa bayan ng Mobo, Milagros at Uson para tiyaking tuluy-tuloy ang konstruksyon ng mga kalsada patungo sa kabundukan bilang paghahanda sa pagbubukas ng operasyon ng Filminera – Masbate Gold Project.

Dumulog na sa mga meyor ng kanya-kanyang lunsod ang upisyal at residente ng mga barangay upang ireklamo at humingi ng tulong na mapalayas ang mga militar sa kanilang baryo. Ayon sa mga residente, malaking sagabal sa kanilang pagtatrabaho sa sakahan at araw-araw na paghahanap-buhay ang ginagawa ng militar sa kanilang barangay. Malaking usapin ito sa taumbaryo lalupa’t karamihan sa kanila ay may mga lingguhang hulugan o binabayarang utang.

Nananawagan ang Bagong Hukbong Bayan-Masbate (Jose Rapsing Command) sa masang Masbatenyo na ilantad, labanan at mapanagot ang militar sa kanilang patung-patong na krimen. Higit sa lahat, singilin ang rehimeng Marcos sa pagpapatupad ng batas militar sa kanayunan na yumuyurak sa karapatan, kabuhayan, kapayapaan at kaligtasan ng mamamayang Masbatenyo.

Source link