Pandaigdigang Araw para suportahan ang mga biktima ng tortyur, ginunita ng mga grupo sa karapatang-tao

Ngayong Hunyo 26, ginunita ng mga grupo sa karapatang-tao ang International Day in Support of Victims of Torture sa harap ng Department of Justice (DOJ) at iba pang lugar. Panawagan nila ang agad na aksyon laban sa tortyur at pagmamalupit sa mga bilangguan. Sa pangunguna ng Kapatid, isang support group para sa mga bilanggong pulitikal, nanawagan ang mga grupo sa Commission on Human Rights at mga komite ng Senado at Kongreso na imbestigahan ang sistematikong paggamit ng tortyur at iba pang malulupit na parusa, at magsagawa ng inspeksyon sa lahat ng piitan, lalo sa mga kulungan kung saan nakadetine ang mga bilanggong pulitikal.

“Ang Hunyo 26 ay hindi lamang simbolikong petsa kung saan nagkabisa ang UN Convention Against Torture and Other Cruel, Inhuman or Degrading Treatment or Punishment noong 1987,” ayon kay Fides Lim, tagapagsalita ng Kapatid. “Ito ay isang moral at ligal na paalala sa gubyerno ng Pilipinas na galangin ang mga obligasyon nito (sa mga alituntunin), at maging sa sarili nitong Anti-Torture Law…, na hanggang ngayon ay di pa rin ipinatutupad.”

Sa tala ng Karapatan, may 745 bilanggong pulitikal sa Pilipinas, 100 dito ay may malubhang karamdaman at 106 ay matatanda. Ilan sa matatanda at may malulubhang karamdaman ay sina Rosita Taboy, Ruben at Presentacion Saluta, Frank Fernandez, Prudencio Calubid Jr., Alberto at Virginia Villamor, at Estelita Almanza.

Iniulat naman ng SELDA na may naitala itong 27 indibidwal na naging biktima ng tortyur sa ilalim ng rehimeng Marcos Jr. Dumaranas din ang mga bilanggong pulitikal ng iba’t ibang porma ng pisikal, mental at sikolohikal na tortyur.

Kabilang sa mga pinagmalupitan ang mga bilanggo mula Negros Island na sina Andres Casido, Jojo Orates, at Renel Remasog—lahat na inaresto nang walang warrant at sumailalim sa pisikal at mental na pagpapahirap.

“Pinakabulnerable sa pambubugbog, pambabanta, pagkakait ng tulog, at matagalang interogasyon ang mga inaaresto sa kanayunan o mga pinagdududahang mga NPA,” ayon kay Lim.

Sa Pagbilao District Jail sa Quezon, ang siyam na bilanggong pulitikal ay pinagbabawalang magkaroon ng ugnayan sa isa’t isa, ipinaiilalim sa lockdown tuwing alas-4 ng hapon, at madalas ay hindi na pinapakain ng hapunan. Ang kulungan nila ay binabaha at marumi kung kaya’t bulnerable sila sa mga sakit sa balat at ibang nakahahawang karamdaman. Pinahihirapan sila sa matataas na bayarin sa pagkain at komunikasyon.

Dagdag dito, tinatawag ang mga bilanggong pulitikal na “CTG” (Communist Terrorist Group) o “VEO” (Violent Extremist Offenders). Nilagyan ng gayong karatula ang labas ng kanilang selda, kung saan sila ay ni-rered-tag hanggang sa loob ng kulungan. Pinahihirapang bumisita ang kanilang mga pamilya at abogado. May mga kaso ng iligal na strip search, gaya ng naranasan ng paralegal na si Niezelle Visaya.

Maging si Fides Lim ay arbitraryong pinagbawalang makapasok sa Bureau of Corrections dahil sa kanyang tuluy-tuloy na pagbatikos sa mga arbitraryong patakaran ng bilangguan.

“Kailan pa naging krimen ang paggigiit ng pagpapadala ng pagkain sa nagugutom na mga detenido o pagbatikos sa di makatarungang mga alituntunin at patakaran?” aniya.

Sa ika-38 taon ng UN Convention Against Torture, muling iginiit ng Kapatid ang pitong panawagan: imbestigahan ang lahat ng ulat ng tortyur, panagutin ang mga may sala, tiyakin ang akses ng mga preso sa pagkain at gamot, wakasan ang solitary confinement at mga arbitraryong pagbabawal, palayain ang matatanda at may sakit, galangin ang karapatan ng pamilya at tagasuporta, at ipatupad ang rekomendasyon ng UN na buwagin ang NTF-ELCAC.

“Hindi lamang petsa ang Hunyo 26, ito ay isang kagiitan,” pagtatapos ni Lim. Ang araw na ito ay paalala na ang laban para sa dignidad at karapatang-tao ay hindi natatapos hangga’t may mga biktima ng tortyur at pagmamalupit sa lipunan.

Source link