Panawagan para sa pagbubukas ng konsulado ng Pilipinas sa Hong Kong tuwing Sabado, may inisyal nang tagumpay

Ikinalugod ng grupong Migrante Hong Kong ang desisyon ng Consulate General na si Romulo Israel Jr na buksan ang Philippine Consulate General (PCG) ng dalawang Sabado sa buwan ng Hulyo at Agosto. Magbubukas ang PCG sa Hulyo 26 at Agosto 23, mula alas-9 hangang 12 ng tanghali. Malaking tulong ito para sa mga migranteng Pilipino na tuwing Sabado ang araw ng pahinga.

Itinuring ito ng grupo bilang inisyal na tagumpay. Anila, nagpapakita ito na kaya ng mga migrante na magsulong ng mga hakbang sa pamamagitan ng kolektibong paglaban.

“Salamat pinakinggan tayo! Mabuhay ang progresibong organisasyon na nagsusulong para sa ikabubuti ng lahat! Sana ginawa [nilang] whole day!” pahayag ni Mercy, isang migrante, sa isang post sa social media.

“Matagumpay ang ating petition pero hindi pa dito nagtatapos dahil hindi pa ginawang weekly Saturday open… Kapabayaan at kawalan pa rin iyan ng sapat na serbisyo para sa mga kapwa OFW!” pahayag naman ng migranteng si Chin. “Mas maayos ang namumuno ngayon sa PCG at sa MWO, kahit paano nakikinig na sila at nakikipag-dialogue na rin. Sana mas bukas pa sila sa pakikinig sa mga hinaing ng mga OFWs dito sa HK,” obserbasyon ni Joyce.

“Bagamat natutuwa kami sa positibong hakbang na ito, nababahala kami na hindi sasapat ang isang beses kada buwan na iskedyul ng konsulado para matugunan ang pangangailangan ng ating komunidad. Ang ating panawagan ay para sa konsulado na magbukas kada Sabado upang matiyak na mapaglilingkuran ang mga Pilipinong migrante,” pahayag ng grupo.

Noong mga nagdaang buwan, naglunsad ng petisyon para sa pagbubukas ng konsulado kada Sabadao ang mga grupo na United Filipinos in Hong Kong (UNIFIL-Migrante-HK), Filipino Migrante Workers Union (FMWU), Filipino Christian Community-Methodist International Church (FIC-MCC) at Iglesia Filipina Indepentiente-HK Fellowship. Umabot sa 5,000 pirma ang nakalap ng mga grupo sa maikling panahon lamang, na nagpapakita kung gaano kahalaga ang kampanya para sa mga migrante sa Hong Kong.

“Patuloy naming babantayan ang sitwasyon at igigiit sa konsulado na magbigay ng regular na serbisyo tuwing Sabado na sadyang makatutulong upang makaagapay sa pangangailangan ng ating komunidad,” ayon sa Migrante Hong Kong.

Source link