Nanawagan ang Communist Party of the Philippines, sa pamamagitan ng Ang Bayan, sa sambayanang Pilipino na mahigpit na tutulan ang walang probokasyong teroristang pagsalakay ng Zionistang estado ng Israel at imperyalistang US sa Iran at mamamayan nito.
“Kaisa tayo ng lahat ng pwersa at mamamayan sa buong mundo na nagtataguyod ng kapayapaan at gumagalang sa kasarinlan ng mga bansa at internasyunal na batas,” saan ng CPP.
Noong Hunyo 22, madaling araw sa Iran, binomba ng US sa utos ng presidente nitong si Donald Trump, ang tatlong pangunahing pasilidad nukleryar ng Iran: ang Fordow, Natanz, at Isfahan. Gumamit ang US ng anim na B-2 stealth bombers na naghulog ng 30,000-librang mga bombang tinawag na “bunker buster” para wasakin ang mga pasilidad sa ilalim ng lupa na lumilikha ng kuryente.
Kahit walang ebidensya, ipinagpipilitan ni Trump na ginagamit ng Iran ang mga pasilidad na ito sa paglikha ng mga sandatang nukleyar. Bukod dito, nagpakawala rin ang US Navy ng mga Tomahawk cruise missiles mula sa submarino bilang bahagi ng koordinadong opensiba.
Mahipit na kinundena ng CPP ang pambobombang ito ng US, na isinunod sa mahigit isang linggong walang patumanggang pang-aatakeng ng Israel, gamit ang mga jetfighter, misayl at drone. Ayon kay Marco L. Valbuena, pinunong upisyal sa impormasyon ng CPP, ang pambobomba ay “tahasang pagyurak sa soberanya ng Iran at malalang paglabag sa internasyunal na batas.”
“Ang ‘preemptive strikes’ na isinasagawa ng US at Israel ay nakabatay sa katulad na kasinungalingang ginamit noon ng imperyalistang US na ‘weapons of mass destruction’ para bigyan-katwiran ang pananalakay sa Iraq at patalsikin si Saddam Hussein, 20 taon na ang nakararaan,” ayon kay Valbuena.
“Estratehikong layunin ng pag-atake ng Israel at US sa Iran ang ipataw ang hegemonya ng imperyalismong US sa Middle East at kontrolin ang malawak na rekursong langis ng rehiyon.”
Nagbabala ang CPP sa panganib ng mas malawak na digmaan sa rehiyon, na tiyak na iindahin ng milyun-milyong sibilyan, kabilang ang mga migranteng manggagawang Pilipino.
“Dapat suportahan ng lahat ng demokratikong pwersa sa mundo ang Iran, gayundin ang mamamayang Palestino, sa paglaban sa US-Israeli war machine na nananalasa ngayon sa Middle East para paluhurin ang mga bansa sa kanilang kapangyarihan, at isuko ang kanilang kalayaan,” ayon sa CPP.
Sa bahagi nito, sinabi ng CPP na patuloy nitong palalakasin ang NPA at ang armadong pakikibaka sa buong bansa.
“Ang digmang bayan at rebolusyonaryong kilusan ang pinakamalakas na sandata ng sambayanang Pilipino para labanan ang papet na rehimeng Marcos, pigilan ang pakana nitong kaladkarin ang bansa sa digmaang pinasisiklab ng among imperyalista, at ipaglaban ang tunay na kalayaan ng bansa,” anito.