Nanawagan ang Makabayang Kilusan ng Bagong Kababaihan (Makibaka) sa masang LGBT+ at mamamayang Pilipino na maging mapagbantay sa pananabotahe at panlalansi ng imperyalismo at lahat ng reaksyon sa pakikibaka ng LGBT+ at pagdiriwag sa buwan ng Pride tuwing Hunyo. Anang grupo, nilalabusaw ng imperyalismo ang pagdiriwang para ilayo ang LGBT+ sa pakikibaka laban sa diskriminasyon, at pambansang pang-aapi at pagsasamantala.
Sa nagdaang mga Pride, dumadagsa ang malalaking korporasyon at mga pulitiko para magposturang sumusuporta sa pakikibaka ng sektor. “Huwag nating hayaang mabulag tayo ng makukulay na pyesta na inilalako ng malalaking korporasyon at mga lokal na kasapakat nilang pulitiko,” anang grupo.
Ayon sa Makibaka, habang ipinatutupad ng imperyalismo, mga korporasyon at gubyerno ang mala-pyestang Pride, patuloy ang pagpapanatili ng mga batas at pakataran sa ekonomya at pulitika na lalong nagbabaon sa masang LGBT+ sa kumunoy ng kawalan ng hanapbuhay o disenteng trabaho at nagtutulak sa kanila sa mga anti-sosyal na mga aktibidad upang mabuhay.
“Walang sinlupit ang imperyalista, gamit ang mga mapagpanggap na mga non-government agency (NGO) at ahensya ng gobyerno na kunong nagsusulong ng karapatan ng LGBT+, subalit nagbubulag-bulagan sa mga paglabag sa karapatan ng mga LGBT+ at ipinagkakait ang mga karampatang serbisyong ipinaglalaban ng komunidad,” dagdag ng grupo.
Isang aspeto ng ganitong padron ang tinatawag na “rainbow washing” o “rainbow capitalism.” Nangangahulugan ito ng paggamit sa mga simbolo at wika ng sektor ng LGBT+ para kumita ng mas malaki ang mga korporasyon. Tusong nagpapanggap ang mga ito habang walang tunay na suporta sa pakikibaka ng sektor.
Sa Pilipinas, na itinuturing bilang isa sa mga “mapagkaibigang bansa” para sa LGBT+, patung-patong ang kinahaharap na pahirap ng LGBT+ sa harap ng mahina hanggang kawalan ng mga patakarang puprotekta sa kanila.
Lumitaw sa isang kamakailang pag-aaral ng mga guro ng University of the Philippines (UP)-Diliman na dalawang beses na mas mataas ang posibilidad na walang makuhang trabaho ang Pilipinong LGBT+ habang tatlong beses na mas mataas ang posibilidad na sila ay nasa “bulnerableng trabaho.” Ayon sa pag-aaral, ang “bulnerableng trabaho” ay nangangahulugan ng self-employment o pumapasok sa walang bayad na trabaho.
Nalaman din sa pag-aaral na tatlong beses na mas mataas ang posibilidad na dumanas ang sektor ng diskriminasyon at karahasan sa trabaho. “Pinaka-una dito ‘yung pinagsasalitaan ng masama ng katrabaho o supervisor […] Common din doon sa aming mga participants sa pag-aaral na binabantayan sila ng kanilang katrabaho o supervisor sa kanilang itsura o paraan ng pagkilos,” ayon kay UP School of Statistics Assistant Professor Xavier Javines Bilon, isa sa mga tagapanaliksik.
Liban dito, nanawagan din ang grupo na maging kritikal ang Pilipinong LGBT+ sa pangkulturang opensiba ng imperyalista sa kaisipan at gawi ng masa. “Kinukulayan at pinababango ang mga burges-dekadenteng kultura tulad ng maling pamantayan ng kagandahan at iba pang ‘pamantayan ng pagiging LGBT+,” anang Makibaka. Dagdag nito, nagpapalaganap ang mga ito ng indibidwalismo at hypersexuality at inililigaw ang landas ng kilusan para sa tunay na paglaya.
Ayon sa Makibaka, sa harap ng ganitong mga pagtatangka ay dapat palakasin ang pagkakaisa ng LGBT+ at balikan ang kasaysayan ng kilusang LGBT+ sa Pilipinas na nagmula sa Stonewall Manila noong Hunyo 26, 1994. Pinangunahan ang militanteng martsa at mitsa ng ilang dekadang pakikibaka ng LGBT+ ng Progressive Organization of Gays in the Philippines (ProGay), katuwang ang Metropolitan Community Church (MCC).
“Ang paggigiit ng LGBT+ ng kanilang malayang pag-iral ay matapang na pagbangga sa pyudal-patriyarkal na lipunan. Ngunit tanging sa pakikipagkaisa at direktang paglahok sa pambansa-demokratikong rebolusyon, tunay at tuluyang mahahawan ang landas para sa ganap na paglaya ng LGBTQIA+ kasama ang mamamayang api’t pinagsasamantalahan,” ayon sa grupo.