Sa una, at nag-iisang, beses na nakausap ko si Ka Joma nang harap-harapan ay nahirapan kaming magkarinigan. Bilang kabataang environmental activist, marami akong inihandang tanong para sa kanya tungkol sa pananaw niya sa kasalukuyang krisis sa klima at kalikasan. Yun nga lang, medyo mahina na pala ang pandinig niya sa puntong iyon. Kahit sa pagpapakilala pa lang, medyo nagkahirapan na kami.
Kahit hindi ko na naihapag ang iba kong mga tanong, naging mayaman pa rin ang aming talakayan. Mula sa kaugnayan ng pagbabagong-klima sa imperyalismo, hanggang sa usapin ng internal migration sa kanayunan, naging malinaw sa akin na, kahit may edad na siya, marami pa ring tumatakbo sa isip ni Ka Joma at ang talas pa rin ng kanyang pagsusuri tungkol sa mga kasalukuyang isyung panlipunan.
Kalahating-araw lang kami nagkasama. Pero hindi doon natapos ang aming usapan tungkol sa krisis sa klima. Sa mga sumunod na buwan, naglabas ng ilang artikulo at interbyu si Ka Joma na nagpapaliwanag sa kanyang pagsusuri sa pag-init ng mundo, sa mga proseso ng United Nations sa pagharap sa pagbabagong-klima, at marami pang iba. Pinanghawakan niya ang climate imperialism, o imperyalismo sa klima, bilang gulugod ng kanyang pagsusuri—na bilang mga rebolusyonaryo ay kailangan nating ugatin ang krisis sa klima sa imperyalismo.
Pumanaw si Ka Joma noong Disyembre 2022. Ngunit para sa akin — at sa marami pang ibang aktibista’t rebolusyonaryo — hindi doon natapos ang usapan. Sa relatibong maikling panahon sa dulo ng kanyang buhay, maraming iniwan na konseptual na sandata si Ka Joma na maaring gamitin natin para harapin ang kasalukuyang krisis sa klima. Sa kabila ng kanyang pagpanaw, umaalingawngaw ang kanyang diwa sa pananaw at pagkilos ng mga rebolusyonaryong kumikilos para sa isang makatarungan at sustenableng kinabukasan.
Pamana sa kabataan
“Maraming kabataang Pilipino ang nababahala sa pagbabagong-klima,” sabi Ka Sinag, isang kabataang aktibista. “Dahil sa krisis sa klima, nakikita rin ng mga kabataan na hindi sapat ang indibidwal na aksyon. Kailangan talaga natin ang sama-samang pagkilos,” dagdag niya.
Isa sa mga naghatak kay Ka Sinag palapit sa rebolusyonaryong kilusan ay ang napanood niyang interbyu kay Ka Joma. Dito naging interesado si Sinag sa Marxismo, at paano ito nailalapat sa konteksto ng Pilipinas. Ngayon, bilang isang aktibistang kumikilos sa hanay ng kabataang estudyante at miyembro ng Liga ng Agham para sa Bayan (LAB), nakikita niya ang kabuluhan ng mga isinulat ni Ka Joma sa gawaing pulitikal, maging sa pagpapakilos tungkol sa krisis sa klima.
“Hindi ko pa nababasa mismo ang mga sulatin ni Ka Joma tungkol rito, pero marami sa mga pag-aaral namin ngayon, nakabase sa kanyang mga akda,” sabi ni Ka Sinag. “Siguro ang kagandahan kay Ka Joma, malinaw kung sino o ano ang nasa likod ng krisis — ang imperyalismo, ang mga lokal na papet nito sa Pilipinas, kaya sila ang kailangan nating singilin hanggang sa pabagsakin.”
Nagmula naman si Ka Ellie sa isang rebolusyonaryong pamilya, kung saan madalas banggitin sa bahay ang mga quotable quotes at pagsususuri ni Ka Joma sa mga napapanahong isyung panlipunan. Nang lumaki na siya at naging kasapi ng Kabataang Makabayan (KM), nabasa niya ang ilang mga akda ni Ka Joma, kasama ang mga sulatin niya ukol sa krisis sa klima.
Ngayon, natutuwa siya na sa ilang taon na niyang pagkilos sa pambansa-demokratikong kilusan, nakita niya ang pag-abante ng pag-unawa ng iba’t ibang sektor sa usapin ng krisis sa klima. Aniya, malaki ang naging ambag ni Ka Joma rito.
“Sa tingin ko, napalalim talaga ang talakayan ukol sa krisis sa klima sa loob ng kilusan dahil kay Ka Joma,” sabi ni Ka Ellie. “Para sa amin na ilang taon na ring nakapokus sa isyu ng climate change, nakatulong si Ka Joma sa connecting the dots, mula sa imperyalismo, hanggang sa pagbabagong-klima, hanggang sa sitwasyon ng malakolonyal at malapyudal na lipunang Pilipino.”
Kung tatanungin naman si Ka Ellie kung ano ang pinakamalaking ambag ni Ka Joma sa pagtugon ng kilusan sa krisis sa klima, ang sagot niya ay ang muling pagtayo at pagsulong ng isang armadong rebolusyon sa Pilipinas sa pamumuno ng Communist Party of the Philippines.
“Minsan tinatanong kami, bilang kabataan, hindi ba kami natatakot para sa aming kinabukasan dahil sa pagbabagong-klima? Para sa akin, wala akong kinatatakutan dahil alam ko na ginagawa ng mamamayan ang lahat ng kaya niya para tugunan ang krisis na ito, hanggang sa armadong pakikibaka ng ating Hukbo,” aniya. “Malaki ang naging papel ni Ka Joma sa pag-unlad nito, kaya malaki ang ambag ni Ka Joma sa pangkabuuang kilusan laban sa krisis sa klima.”
Sa sulok ng kanayunan
Ilang buwan mula noong pumanaw si Ka Joma, nahanap ko ang sarili ko sa kasukalan ng kanayunan, sa isang yunit ng New People’s Army. Medyo masikip ang mga botang pinahiram sa akin, kaya dahan-dahan ang aking pagmaniobra papunta sa kabilang kubo. Naghihintay na nakaupo at naninigarilyo si Ka Megan, ang pampulitikang gabay ng aming NPA unit.
Pinatay ni Ka Megan ang kanyang yosi nang nakaupo na ako, at nagsimula ang aming usapan. Isa sa mga hiling niya—makatulong ako sa pagtapos ng kanilang praymer ukol sa krisis sa klima.
“Grabe yung epekto ngayon ng mga bagyo at tagtuyot sa magsasaka rito,” sabi ni Ka Megan. “Di ba sabi nga ni Ka Joma na mas malala pa ang banta ng climate change sa gerang nukleyar?” Tulak ng lumalalang sitwasyon ng magsasaka sa kinikilusang erya, mga memo ng Partido ukol sa kalamidad, at mga sulatin ni Ka Joma, nagsikap ang yunit na gawin ang praymer para makatulong sa pagpukaw at pag-organisa ng masang apektado ng pagbabagong-klima.
Doon nagsimula ang aming paghahanda para sa ilang internal na talakayan sa yunit ukol sa krisis sa klima. Nang makapagbigay na ako ng komento sa binuo nilang inisyal na burador, sinubukan naming gawing mas simple ang mga salita para mas madaling intindihin.
Nagsisimula ang praymer sa ilang mga lokal na karanasan sa pagbabagong-klima—mula sa pagbago ng panahon hanggang sa mga kwento ng matitinding bagyo at tagtuyot. Kabilang dito ang patuloy na pagbabago ng pattern ng ulan. Dahil dito, hindi na masundan ng mga magsasaka ang nakasanayang praktika ng pagtatanim at pagkakaingin.
Nilaman din ng praymer ang maikli at simpleng paliwanag kung bakit nangyayari ang pagbabagong-klima, na nakaugat sa labis na pagbuga ng carbon dioxide ng mga imperyalistang bansa. Idinidiin sa talakayan na ang nasa likod ng pagbabagong-klima ay walang iba kundi ang imperyalismong US at iba pang imperyalista.
Para maging kaakit-akit ang pagbasa ng praymer na ito, nagsikap ang yunit na maglagay ng artwork na gawa ng isang kasamang kabataan. Gumawa rin kami ng isang kanta—acapella lang muna—ukol sa krisis sa klima para makatulong sa talakayan sa masa.
Sa buong panahon ng paghahanda namin, tumatak ang dalawang bagay sa isip ko. Una, seryoso talaga ang rebolusyonaryong kilusan na aralin at tugunan ang nagbabagong kalagayan ng masang api. Pangalawa, hanggang sa kasuluk-sulukan ng kanayunan, umaabot ang salita at diwang rebolusyonaryo ni Ka Joma. (Artikulo at artwork ni Cassandra Bigwas)