Walang-tigil ang paghahasik ng lagim ng mga sundalo ng 62nd IB sa mga bayan at syudad sa Central Negros. Sa kasagsagan ng mga operasyong kombat ng mga sundalo, naitala ang mga kaso ng pamamaril, pangraransak sa mga bahay at pananakot sa mga sibilyan.
Noong Hunyo 23 nang gabi, walang patumanggang nagpaputok ng baril ng mga “trigger happy” na sundalo ng 62nd IB sa Sityo Putat, Barangay Humay-humay sa Guihulngan City, Negros Oriental. Labis na takot at pagkaaligaga ang idinulot nito sa nagpapahingang mga residente.
Sa sumunod na araw, sapilitang pinasok ng mga sundalo ang bahay ni Bobby Gemodo sa Sityo Laos, Barangay Binobohan sa syudad. Iniulat na 10 sundalo ng 62nd IB na nagbihis sibilyan ang nagpunta sa bahay ng biktima para sindakin at pagbantaan siyang papatayin.
Pinuntahan rin ng mga sundalo ang bahay ni Mario Noyad sa Sityo Natae, Barangay Binalbagan, Canlaon City. Pinagalitan ng mga sundalo ang biktima dahil sa pagpapa-blotter sa mga pulis kaugnay ng ginawa nilang pambubugbog sa kanya ilang araw na ang nakalipas.
Matatandaang sinugod ng apat na nakasibilyang sundalo ng 62nd IB ang bahay ni Noyad at binugbog siya ng mga ito noong Hunyo 19. Pinararatangan siyang tagasuporta ng Bagong Hukbong Bayan (BHB). Pinilit siya ng mga berdugo na makipagtulungan sa 62nd IB sa pamamagitan ng pagtuturo sa mga myembro ng BHB sa kanilang lugar. Kung tatanggi, binantaan siyang papatayin.
Liban sa mga kasong ito, naitala rin ang patuloy na pagsakop at militarisasyon ng 62nd IB sa mga kalapit na barangay at komunidad.