Suportahan ang armadong pakikibaka sa kanayunan!
Panawagan sa Kabataang Makabayan
Mula sa Pangkalahatang Kalihiman
Pebrero 2017
Patuloy na nagpupunyagi sa matatag na pagsusulong ng pambansa demokratikong pakikibaka ang mamamayang Pilipino sa gitna ng papatinding krisis pambansa at pandaigdigan.
Hindi makawala sa krisis ang mga kapitalistang bansa dulot ng labis na produksyon ng pandaigdigang sistemang kapitalista. Samantala, ang atrasadong mga bansa tulad ng Pilipinas ay patuloy na nilalamon ng kumunoy ng papalaking utang panlabas, depisito sa kalakalan, tumataas na presyo ng bilihin at batayang pangangailangan, dayuhang pandarambong, at mga sakuna. Nagdurusa ang mamamayan sa buong daigdig sa matinding kawalan ng trabaho.
Sa kabila ng naunang positibong mga pahayag ng rehimeng Duterte, malinaw na patuloy na kinokontrol ng imperyalistang U.S., malaking burgesya komprador, at panginoong may-lupa ang buong estado upang tiyakin ang malakolonyal at malapyudal na paghahari nito at ipasa ang krisis sa masang manggagawa at malawak na mamamayang inaapi.
Pinasasahol nila gamit ang mga neoliberal na patakaran ang kalagayan ng manggagawang Pilipino. Patuloy ang atake sa sahod sa pagpapatupad ng rehiyunalisasyon at pagsusulong ng two-tiered wage system. Malaganap din ang pagpapatupad ng kontraktuwalisasyon at iba pang iskema ng pleksibleng paggawa.
Nais linlangin ng rehimen ang masang manggagawa na tatapusin nito ang kontraktwalisasyon sa pamamagitan ng D.O. 168 na tinawag pang “win-win solution”. Sa totoo, palalawakin at bibigyang-katuwiran lamang nito ang pleksibleng paggawa sa pamamagitan ng hiring sa agencies at hindi sa kumpanya. Magdudulot din ito ng tanggalan sa trabaho at lalong pagpapababa ng sahod ng manggagawa. Inaatake nito ang kilusang welga upang lalong tanggalan ng kakayanan ang masang manggagawa na lumaban.
Samantala, patuloy pa ring kinokontrol ng iilang malalaking panginoong maylupa ang mga hasyenda at lupaing agrikultural sa bansa. Pinatitindi naman ng monopolyo kapitalista at burgesya komprador ang pang-aagaw ng lupa para sa operasyon ng mga plantasyon at minahan. Binubuhusan ng tropang militar ng AFP ang mga komunidad ng pambansang minorya at maralitang magsasaka upang tiyakin ang interes ng malalaking kumpanya, minahan, plantasyon, asendero, at iba pang nangangamkam ng lupa.
Patuloy ang pamamaslang at paglabag sa karapatang pantao sa ngalan ng “gera kontra droga” habang inilalatag ang kundisyon para sa mas matinding pasistang atake laban sa masang-api. Pangunahing biktima ng mga ito ang maralita na matagal nang nagdurusa sa ilalim ng bulok na sistema.
Ipagpapatuloy lamang ng Oplan Kapayapaan ang kontra-insurhensiyang operasyon ng paniniktik, saywar, at operasyong pangkombat. Tiyak na pasasahulin lamang nito ang mga paglabag sa karapatang pantao ng mamamayan.
Samantala, lalong ipinagkakait sa kabataan at sa mamamayan ang kanilang karapatan sa serbisyong panlipunan tulad ng libreng edukasyon at serbisyong pangkalusugan.
Malinaw na walang pundamental na pagbabago sa ilalim ng bagong rehimen. Lugmok pa rin sa krisis at sa kahirapan ang mamamayan. Sakmal pa rin ng dayuhang kapangyarihan ang Inang Bayan.
Kontrolado pa rin ng imperyalismong U.S. at lokal na papet nito ang ekonomiya, pulitika, at kultura ng bansa. Sa pamamagitan ng AFP, sinabotahe nito ang usapang pangkapayapaan sa pagitan ng gobyerno ng Pilipinas at CPP-NPA-NDF. Pinanatili ang patakaran tulad ng EDCA at VFA na nagbibigay katwiran sa presensya ng mga dayuhang tropa sa bansa. Sa pagkapanalo ni Trump, tiyak na ibayong isusulong ang mga di-pantay na kasunduan pabor sa imperyalismong U.S. Samantala, tumitindi ang kontradiksyon ng mga imperyalistang bansa na mangangahulugan ng mas lalong krisis para sa mga kolonya at malakolonya.
Hinog ang sitwasyon para sa rebolusyon. Nananatiling wasto at nararapat na ibagsak ang salot na imperyalismo, burukrata-kapitalismo, at pyudalismo. Patampukin natin ang panawagan para pambansa-demokratikong rebolusyon na magwawakas sa malakolonyal at malapyudal na lipunan. Ipalaganap natin ang pangangailangan na itatag ang estadong nasa pamumuno ng uring proletaryado at iba pang mga demokratikong sektor at uri para sa pagbubuo ng isang sosyalistang lipunan.
Tungkulin ng Kabataang Makabayan

Mahalaga para sa pagtatagumpay ng pambansa demokratikong rebolusyon ang patuloy na paglahok ng mga kabataang taglay ang militanteng diwa ng pagiging makabayan at kahandaang maglingkod sa sambayanan.
1. Panghawakan natin ang oryentasyon ng rebolusyunaryong kabataan sa kanayunan at kalunsuran!
Itatag at palakasin ang Kabataang Makabayan bilang batayang organisasyong masa ng kabataan sa kanayunan! Tungkulin natin na sumanib at kumilos sa kilusang magsasaka upang lutasin ang kawalan ng lupa at magsilbi sa demokratikong rebolusyong bayan. Gamitin ang ating kasiglahan upang gampanan ang gawaing propaganda at ipalaganap ng pambansa-demokratikong mithiin ng mamamayan. Masiglang lumahok, sumuporta, at magsulong ng armadong pakikibaka at magsilbing malalim na balon na pinanggagalingan ng Pulang mandirigma ng BHB.
Palawakin at palakasin ang kilusang lihim sa hanay ng rebolusyunaryong kilusang-kabataang-estudyante sa kalunsuran!
Katuwang ng Partido, magsisilbi itong matibay na gulugod ng kilusang masa sa harap ng panlilinlang at pasistang atake ng kaaway. Maramihang magpasapi sa KM, magpalawak, at buuin ang mga balangay nito sa mga organisasyong masa.
Dapat likhain ang kilusang kabataang-estudyante na nagmumulat, nag-oorganisa, at nagpapakilos ng milyon-milyong kabataan para sa pambansa demokratikong rebolusyon. Kilusan ito na mahigpit na sumasanib sa pakikibaka ng masang manggagawa at magsasaka. Layunin nitong pagbuklurin ang mga kabataan para ibagsak ang imperyalismo, pyudalismo, at burukrata-kapitalismo.
Malinaw sa kilusan ng kabataan-estudyante na hindi nito kayang baguhin ang lipunan kung hindi isasanib ang kaniyang lakas sa lakas ng uring anakpawis. Tungkulin ng bawat Kabataang Makabayan na patuloy na lumubog sa batayang masa, magpanibagong-hubog, pandayin ang sarili bilang mga rebolusyunaryong proletaryado, at suportahan ang armadong pakikibaka sa kanayunan.
2. Pandayin ang sarili at pataasin ang kamulatang rebolusyunaryo!
Tungkulin ng KM na puspusang mag-aral ng teorya at praktika ng rebolusyon. Dapat pag-aralan ang Lipunan at Rebolusyong Pilipino, Espesyal na Kursong Masa, at mga batayang prinsipyo ng Marxismo-Leninismo-Maoismo. Itulak ng balangay ng KM ang masiglang kilusang pag-aaral sa hanay ng kasapian at malawak na masa upang pataasin ang kakayanan nitong tanganan ang mga tungkulin sa pakikibaka at rebolusyon.
Sa selebrasyon ng senternaryo ng Rebolusyong Oktubre, ilapit natin sa malawak na masang kabataan ang pag-aaral ng mga batayang prinsipyo at turo ng mga Dakilang Guro. Sa ating hanay, pasiglahin ang pag-aaral ng mga klasikong sulatin at teorya ng MLM bilang tanglaw para sa lahat ng aping uri.

3. Paglingkuran ang sambayanan! Lumubog at maging malapit sa batayang masa!
Likhain natin ang isang makapangyarihang rebolusyunaryong pwersa sa pamamagitan ng pagsanib sa pakikibaka ng masang manggagawa at magsasaka.
Tumungo sa bukirin, pabrika, at komunidad ng maralitang lungsod upang magsagawa ng panlipunang pagsisiyasat. Magbigay-edukasyon at mag-organisa ng manggagawa, mala-manggagawa, at magsasaka para sa paglahok nila sa demokratikong rebolusyong bayan. Dalhin natin ang isyu ng masa sa entabladong pampulitika at pukawin ang malaking bilang ng kabataan at panggitnang pwersa upang suportahan ang kanilang pakikibaka. Higit sa lahat, buong panahon na kumilos sa kanilang hanay sa balangkas ng pambansa-demokratikong rebolusyon.
4. Ipalaganap ang rebolusyunaryong propaganda at kultura!
Tungkulin natin na ilantad ang mga kontra-mamamayan at kontra-rebolusyunaryong pakana ng imperyalismo, burukrata-kapitalismo, pyudalismo, at kaaway ng mamamayan. Ipalaganap sa iba’t ibang paraan at sa lahat ng pagkakataon ang pagsusuri, paninindigan, at programa ng pambansa-demokratikong rebolusyon. Isalarawan ang buhay at pakikibaka ng masa at pagpupunyagi nito upang itatag ang bagong lipunan.
5. Pakamahalin ang hukbong bayan at maramihang sumampa sa New People’s Army!
Kung wala ang hukbong bayan, walang kahit ano ang mamamayan. Dapat nating malakas na suportahan ang pangunahing porma ng pakikibaka ng kilusang rebolusyunaryo, ang armadong pakikibaka na inilulunsad ng BHB sa kanayunan sa gabay ng Partido. Ilunsad natin ang mga pulong ng mga balangay upang ikampanya ang pagpapadala ng suportang materyal at personel sa ating hukbo. Buuin ang programa ng eksposyur at integrasyon sa mga sonang gerilya para sa lahat ng kasapi. Ipanawagan sa lahat ng kabataan na tumungo sa kanayunan at sumapi sa BHB!
Tanging sa paglahok sa pakikibaka masang anakpawis at pagpapanday ng sarili bilang proletaryadong rebolusyunaryo mahuhubog ang rebolusyunaryong kabataan. Panghawakan natin ang makasaysayang papel ng kabataan sa pagpapabagsak ng bulok na sistema at pagtatatag ng bagong lipunan na tunay na malaya at walang pagsasamantala.
Maria Malaya Guerrero