Palabas na ₱20/kilo bigas ni Marcos sa Cavite, binatikos

Binatikos ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan)-Cavite at Katipunan ng mga Samahang Magbubukid sa Timog Katagalugan (Kasama TK) ang palabas na ₱20/kilo bigas ni Ferdinand Marcos Jr sa Bacoor City noong Hulyo 2. Nagpunta mismo si Marcos sa Zapote-Bacoor Public Market sa syudad para pasinayaan ang programang “Benteng Bigas, Meron Na!”.

Sa araw na iyon, tanging 500 sakong bigas lamang ang maibebenta ng rehimen sa halagang ₱20/kilo. Lubhang limitado ang ibinebentang bigas at 2,500 residente lamang ang makakabili ng 10 kilo kada isa.

“Tanging isang hibang, lalo na ang tulad ni Marcos, ang naniniwalang maloloko niya ang mga tao sa pamamagitan ng palabas na inisyatibang ₱20/kilo bigas at Kadiwa Market,” ayon sa Bayan-Cavite. Anang grupo, batid ng mamamayan na palabas lamang ito laluna sa harap ng nagtataasang presyo ng bilihin, lumiliit na halaga ng sahod at agresibong pagpapalit-gamit sa produktibong lupa.

Anila, sa halip na ibigay ang tunay na solusyon, pilit na pinaiikot ni Marcos ng publiko sa mga band-aid na solusyon. “Walang pondo para sa subsidyo ng produksyon, walang tunay na reporma sa lupa, at hindi maipagbili nang tama ang palay ng mga magsasaka dahil sobrang baba ng presyo,” pahayag ng Kasama-TK.

Pinuna rin ng grupo ang pinatinding importasyon ng bigas ng rehimeng Marcos at bungkos ng mga neoliberal na patakaran nito na nagpapahirap sa mga magsasaka. Kasabay ng patakarang ito ang talamak na mga demolisyon, pang-aagaw sa kabuhayan at malawakang pagpapalayas sa ngalan ng mga “proyektong pangkaunlaran.”

Ayon sa Kasama-TK, habang nilulunod sa peke at maliit na tulong ang mga maralita, patuloy naman ang demolisyon ng mga komunidad ng mangingisda at maralitang lungsod para bigyang daan ang mga proyektong gaya ng Cavite-Laguna Expressway, LRT-1 Cavite Extension, Bacoor at Diamond Reclamation Project ng Frabelle Fishing Corporation, at mga malalawak na subdibisyon gaya ng mga Camella Homes ng pamilya Villar sa Imus, Dasmariñas, General Trias, at Bacoor.

Tinawag ng dalawang grupo na “malaking insulto” para sa masang Caviteño ang palabas na programa ng rehimeng Marcos. “Hindi kami maloloko ng bigas sa entablado. Hindi kami mabubusog ng Kadiwa. Ang panawagan ng mamamayan ng Cavite ay hindi limos, kundi makatarungang sahod, pagkain sa hapag, subsidyo sa produksyon, at seguridad sa paninirahan,” pagdidiin ng Kasama-TK.

Source link