Tagumpay ang CBA sa Daiwa Seiko Philippines. Isang araw matapos nag-anunsyo ng planong welga ang mga manggagawa ng Daiwa Seiko Philippines Corporation, kaagad nakipagkasundo ang kapitalista ng kumpanya sa Malayang Unyon ng DSPC-OLALIA-KMU sa isang bagong collective bargaining agreement (CBA) na naunang inantala at binarat ng kumpanya. Bumoto pabor sa welga ang unyon noong Nobyembre 12 at pinirmahan ang CBA noong Nobyembre 13.
Bagong CBA sa Philippine Span Asia Carrier Corp. Matapos ang isang taon, naipanalo ng Samahan ng Manggagawa sa PSACC-NAFLU-KMU ang bagong CBA noong Oktubre. Nakakuha ang unyon ng dagdag-sahod, karagdagang mga bayad tulad ng longevity pay at iba pang mga benepisyo. Sa kabila ng iba’t ibang tangka ng maneydsment na idiskaril ang negosasyon, naigiit ng mga manggagawa ang kanilang karapatan.
Protesta sa paglabag ng CBA sa PhilFoods. Nagprotesta noong Nobyembre 11 ang mga manggagawa ng Philfoods Fresh Baked Product Inc sa Laguna International Industrial Park sa Biñan, Laguna. Nanawagan ang unyon sa kapitalista na tuparin ang napagkasunduang mga probisyon sa kasalukuyang CBA kabilang ang pagbibigay ng alawans sa pagkain at retroactivity.
Laban ng unyon sa Golden Zone Garments. Binatikos ng mga manggagawa ng Golden Zone Garments and Accessories Inc (GZGAI) ang DOLE sa pagtanggi nitong kilalanin ang kanilang unyon na Nagkakaisang Manggagawa ng GZGAI bilang sole and exclusive bargaining agent (SEBA) sa kumpanya. Nakuha ng unyon ang mayoryang boto ng pagsang-ayon ng mga manggagawa para maging SEBA, gayunman, itinulak ng DOLE ang prosesong “validation” sa loob ng pabrika kahit pa kumpleto na ang dokumentong isinimute ng unyon.
Protesta laban sa panunupil sa mga manggagawa. Nagprotesta ang mga grupo sa paggawa sa Quezon City noong Nobyembre 16 para gunitain ang International Day Against Trade Union Repression. Nagsindi sila ng kandila bilang panawagan ng hustisya sa mga manggagawa at unyonistang pinaslang ng mga pwersa ng estado sa nagdaang taon. Nananatiling isa sa pinakamapanganib na bansa para sa mga manggagawa ang Pilipinas sa taong 2024.