Paigtingin ang mga pakikibaka laban sa pahirap at traydor na rehimeng Marcos
Patuloy na lumalalim at lumalala ang pagdurusa ng sambayanang Pilipino dahil sa mga programa at patakaran ng rehimeng Marcos na kontra-mahirap, kontra-mamamayan at pabor sa malalaking kapitalistang dayuhan at mga lokal nilang ahente, mga panginoong maylupa at burukratang kapitalista.
Nagpapakasasa ang pamilyang Marcos, mga kroni at alipures sa pondo at pribilehiyo ng gubyerno, habagn sumasadsad ang buhay ng mayorya ng mga Pilipino. Kayod-kalabaw ang mga manggagawa at masang anakpawis. Kulang na kulang ang sahod at sweldo sa harap ng patuloy na pagsirit ng presyo at mga singilin. Milyun-milyon ang walang trabaho. Kakarampot na kinikitang dumadaplis lamang sa palad ng masang nagdarahop. Paparami ang kumakapit sa patalim para lamang may maipakain sa kanilang mga anak.
Suklam na suklam ang mamamayan sa rehimeng Marcos sa kawalan nito ng malasakit sa masang sadlak sa paghihirap, at sa pagpapalala nito ng krisis sa kabuhayan at paghihirap ng taumbayan. Nagtetengang-kawali si Marcos sa malawak na mga panawagan ng mamamayan. Binabalewala niya ang sigaw ng malawak na masa para sa nakabubuhay na sahod at sweldo, trabaho, tunay na reporma sa lupa, karapatan sa katubigan, pagpapalaki ng badyet para sa libreng serbisyong panlipunan at para palawakin ang lokal na produksyon, at iba pang mahigpit na kahingian.
Sa halip, abala si Marcos sa mga pakitang-taong palabas na walang hatid na ginhawa sa taumbayan, tulad ng malaking drama ng pagbalasa sa gabinete (na tatatlo lamang naman ang pinalitan), pamamarali sa ₱20 kada kilong bigas (na bukod sa iilan lang ang nakinabang ay panandalian pa), libreng sakay sa LRT (na apat na araw lamang) at kung anu-anong pang hungkag na gimik. Para bilugin ang ulo ng mamamayan, naglalabas si Marcos at mga upisyal niya ng mga estadistika para pagtakpan ang patuloy na paglala ng krisis sa ekonomya, pagtaas sa presyo ng mga bilihin, at lalong pagkasadlak sa kahirapan ng milyun-milyong Pilipino.
Sagad-sagaran ang pagyurak ng rehimeng Marcos sa karapatan at kabuhayan ng masang anakpawis. Para akitin ang mga dayuhang kapitalistang mamumuhunan, pinapako ni Marcos ang sahod ng mga manggagawa upang pagsamantalahan ang kanilang murang lakas-paggawa. Sa kanayunan, ginagamit ni Marcos ang pasistang militar para bigyang-daan ang malawakang pangangamkam ng lupa para sa mga plantasyon at operasyong pagmimina, na nagpapalayas sa daan-daan libong magsasaka at mga katutubong mamamayan sa kanilang lupa. Inaagawan ng kabuhayan ang mamamalakaya, mga drayber ng dyip, at iba pang maliliit na naghahanapbuhay. Sa ngalan ng pagtitipid, balak ni Marcos bawasan ang kawani ng pamahalaan na lalong magpapasama sa serbisyong pampubliko.
Pahirap na sa bayan, patuloy pang inilalagay ni Marcos sa panganib ang kaligtasan ng bansa, dahil sa bulag niyang pagsunod sa mga dikta ng kanyang imperyalistang among US. Nagpapakakasangkapan si Marcos sa Indo-Pacific Strategy ng US para palibutan at sagkaan ang paglakas ng China. Parami nang parami ang mga base militar at pasilidad ng US sa Pilipinas para mag-istasyon ng libu-libong tropang Amerikano sa iba’t ibang panig bansa. Ipinakakaladkad ni Marcos ang Pilipinas sa digmaang gustong pasiklabin ng US, sa walang patlang na pagdaraos ng mga pagsasanay at paghahanda sa gera, at pag-iimbak ng parami nang paraming malalakas na sandatang pandigma ng US na inaasinta sa karibal nitong China.
Dahil sa pagpapahirap at pagtatraydor sa bayan, lalong nahihiwalay ang naghaharing rehimen sa sambayanang Pilipino. Iwinawasiwas ni Marcos ang Memorandum Circular No 83 para buong-lupit na ihasik ang pasistang lagim para supilin ang paglaban ng bayan. Subalit hindi mapipigilan ni Marcos ang pagsulong ng militanteng kilusang masa dahil nasa likod nito ang laksang mamamayan determinadong wakasan ang gutom at pagkasupil.
Kinokonsolida ni Marcos ang kanyang poder sa paghirang ng mahigit 200 heneral sa AFP at pagtatalaka ng mga bagong tauhan sa mga kumpanyang hawak ng gubyerno, habang niyuyugyog ito ng pampulitikang krisis sa harap ng nagpapatuloy at tumitinding bangayan ng mga nagriribalang pangkatin.
Sa hangaring mapanatili sa poder ang kanilang pamilya, nais ni Marcos na tuluyang durugin ang mga Duterte upang sagkaan ang balak ng kanyang karibal na makapanumbalik sa poder sa 2028. Subalit mistulang pinaglalaruan niya ang mamamayan sa pag-uurong-sulong ng kanyang mga alipures sa Senado ang paglilitis ng kasong impeachment kontra kay Vice President Sara Duterte, pahiwatig ng pag-aaregluhan ng mga bulok na reaksyunaryong pangkatin. Mabilis na kumakalat ang apoy ng galit ng taumbayan sa mga tangkang pigilan ang paglilitis at panagutin si Sara Duterte sa paglulustay ng pera ng bayan at iba pang mabibigat na kasalanan sa mamamayan.
Walang ihahatid na ginhawa ang burukratang kapitalista, pasista at papet na rehimeng Marcos sa buhay ng sambayanang Pilipino. Sa gitna ng tumatalim na krisis, walang ibang mapagpipilian ang masang hirap at api kundi ang makibaka. Itinutulak ng sitwasyon ang mga manggagawa, magsasaka, mala-proletaryado at iba pang aping uri at sektor na magbuklod upang ipaglaban ang kanilang mga kabuhayan at mga demokratikong karapatan, at ituon ang kanilang galit at protesta sa rehimeng Marcos, sa imperyalismong US at mga pasistang galamay nito.
Sa mga pabrika, paaralan, sa mga pamayanan, sa iba’t ibang bayan at prubinsya, tukuyin ang kagyat na mga suliranin at panawagan ng masa. Sa batayan nito, buuin ang solidong lakas ng masa sa anyo ng mga unyon at mga samahan, at itaas ang kanilang kamulatan. Magmartsa o magrali para ipamalas ang malawakan nilang pagkakaisa at paalingawngawin ang kanilang sigaw. Palakasin o itayo ang mga sangay ng Partido at mga lihim na rebolusyonaryong organisasyong masa upang magsilbing bakal na gulugod ng malawak na masa. Gabayan sila sa kanilang mga pakikibaka at iangat ang mga iyon sa paglaban sa naghaharing rehimeng Marcos.
Dapat magpunyagi sa pagpapalakas at pagpapalawak ng Bagong Hukbong Bayan bilang sandata ng sambayanan para ganap na wakasan ang sistemang umaapi at nagsasamantala sa kanila. Rekrutin ang pinakamaraming manggagawa, magsasaka, mala-proletaryado, mangingisda, mga petiburges na intelektwal para magsilbing mga Pulang mandirigma at mga kumander ng Bagong Hukbong Bayan.
Sa harap ng todong kalupitan at brutalidad ng naghaharing rehimen, matibay ang paninindigan ng BHB na ipaglaban ang kabutihan at karapatan ng masa, at ang kanilang makatarungan at pangmatagalan hangarin at interes. Hindi nalilinlang ni Marcos ang mga rebolusyonaryong pwersa kahit pa magsuot ng maskarang “kapayapaan” para itago ang pasistang pangil. Mahigpit na tatanganan ng mga Pulang mandirigma ang kanilang mga armas. Handa silang lumaban para sa bayan hanggang may dugong ititigis. Determinado silang isulong ang digmang bayan hanggang sa tagumpay.