Pahayag ng Makabayang Kilusan ng Bagong Kababaihan (MAKIBAKA) sa ika-54 taong Anibersaryo nito

Limampu’t-apat na taon, buwan ng Marso, buhat nang unang isinagawa ang Pangkalahatang Asembliya ng MAKIBAKA, nagpapatuloy ang militante at rebolusyonaryong diwa ng libu-libong kababaihang kumakawala sa pyudal-patriyarkal na sistemang pilit nagkakahon sa kanila sa maliit na espasyo ng tahanan at nagdidiktang dapat silang manatiling kimi, tahimik, at sunod-sunuran. Sa iba’t ibang larangan, buhay na buhay ang pakikibaka ng kababaihang anakpawis para sa kanilang karapatan——sa mga pagawaan at sakahan, sa loob ng pamilya hanggang sa komunidad, at higit sa lahat, sa kanayunan kung saan aktibong lumalahok at namumuno ang kababaihan sa armadong pakikibaka. Sa ilalim ng kurakot at pasistang rehimeng US-Marcos, malinaw na walang ibang landas na dapat tahakin ang kababaihan kundi ang puspusang pakikibaka.

Walang-kaparis na paghihirap ang kinakaharap ng mamamayang Pilipino, na higit na mabigat na pinapasan ng kababaihan—walang-tigil na pagtaas ng presyo ng pagkain at iba pang batayang pangangailangan at serbisyo, kawalan ng trabaho, napakababang pasahod, malawakang pangangamkam at palit-gamit ng lupa, at tumataas na bilang at lumalalang ng kaso ng karahasan at seksuwal na pang-aabuso sa kababaihan at bata. Maihahalintulad ang umiiral na kondisyon ngayon sa kalagayang nagluwal sa pagkakatatag ng MAKIBAKA noong dekada sitenta. Pinagtitibay lamang nito ang mga batayan sa patuloy na pag-iral ng rebolusyonaryong kilusan ng kababaihan at ang pagsikad ng mga militanteng pakikibakang inilulunsad at nilalahukan ng kababaihang Pilipino.

Pagpupugay ang ipinaaabot ng MAKIBAKA sa kababaihang manggagawa na nakikipaglaban para sa nakabubuhay na sahod, regular na trabaho, at karapatang mag-unyon. Bilang isang bansang mala-kolonyal at mala-pyudal, pinakamasahol na pagsasamantala ang dinaranas ng kababaihang manggagawa sa bansa dahil sa iskemang pleksibilisasyon sa paggawa sa todo-todong pagpiga ng kita at tubo ng mga dayuhang kapitalista.

Kung kaya, ang militanteng pagsusulong ng kababaihang manggagawa ng kanilang demokratikong interes ay malakas na pagbangga sa pambubusabos ng dayuhan at malalaking kapitalista sa bansa na pinoprotektahan ng reaksyonaryong gubyerno na ngayon ay pinangungunahan ng rehimen ni Marcos Jr. Mula sa dating pakikibaka para mabuhay, mapagpasyang sumusulong ang kababaihang manggagawa para lagutin ang pumapatay sa kanilang kabuhayan, kalayaan, at karapatan—ang kapitalistang pagsasamantala at imperyalistang pandarambong sa lakas at rekursong yaman ng Inang Bayan.

Pinagpupugayan din ng MAKIBAKA ang lahat ng kababaihang malakas na yumayanig sa namamayaning sistemang pyudal na nagkakait sa kababaihan ng kanilang demokratikong karapatang magsaka ng sariling lupa. Mula sa pagkakasa ng mga bungkalan hanggang sa malawakang pagpapatupad ng rebolusyong agraryo, susi ang partisipasyon ng pesanteng kababaihan, kasama ang pambansang minorya, sa pagkamit sa aspirasyon ng mamamayang Pilipinong wasakin ang pyudalismo sa bansa. Magsisilbi rin itong salalayan para itayo ang isang Sosyalistang bayan na may maunlad na produksyong agrikultural at industriyal na pakinabangan ng nakararaming mamamayan at hindi lang para sa iilan.

Nais ding pagpugayan ng MAKIBAKA ang libu-libong Pilipinong nakikipaglaban para sa hustisya mula sa nagdaan at kasalukuyang rehimen. Habang tumitindi ang awayan sa pagitan ng mga naghaharing-uri—higit lalo sa panahon ngayon ng eleksyon—humahakot naman ng mga panimulang tagumpay ang kababaihan at mamamayang Pilipino sa laban ng pagpapanagot at hustisya. Nauna nang sumulong ang impeachment case laban kay Sara Duterte bunsod ng galit ng mamamayan sa pangungurakot at pagwawaldas niya ng bilyones na confidential at intelligence fund. Sinundan nitong mga nakaraang araw ng pag-abante sa kaso na crimes against humanity ni Rodrigo Duterte sa madugong gera nito laban sa mahihirap—sa porma ng pekeng drug war at programang kontra-insurhensya. Ito ay malalakas na bigwas ng kilusang masa sa mga nasa kapangyarihan, na unti-unting bumabasag sa kultura ng impunidad sa bansa at nagpapalakas sa kapasyahan ng mamamayang panagutin ang lahat ng tiraniko at kurakot na opisyal ng gobyerno—lalong lalo na si Marcos Jr at ang pamilya nitong deka-dekada ang krimen sa mamamayan. Kailangan pang paigtingin ang paniningil at pagpapanagot natin kay Duterte sa kasalanan nya sa kababaihan nang iutos nya ang pansasalaula sa mga nabibihag na mga babaeng bahagi ng Bagong Hukbong Bayan nang iutos nya ang “shoot them in the vagina.” Kailangan din nyang pagbayaran ang kanyang pananagutan sa pagpapalaganap ng anti-kababaihang kaisipan at gawi na nagpalala at nagnormalisa ng panggagahasa at sexual harassment sa mga kababaihan at mga bata.

Panghuli, pinakamataas na pagpupugay ang ipinaaabot ng MAKIBAKA sa lahat ng kababaihang tumangan ng armas at buong-pagpapasyang sumapi sa Bagong Hukbong Bayan para mag-ambag sa pag-abante ng pambansa demokratikong rebolusyon na may sosyalistang perspektiba. Sila ang hukbo ng mamamayan laban sa marahas na sistemang mala-kolonyal at mala-pyudal sa bansa at laban sa mapanupil na reaksyonaryong estadong pinamumunuan ng papet na rehimeng US-Marcos. Kasama sa ating pinagpupugayan ang mga namartir na kababaihang mandirigma, mga kababaihang mahigpit na tinanganan ang pinakamataas na porma ng pakikibaka at nag-alay ng kanilang buhay para sa mithiin nating hustisya, kalayaan, at tunay na pagkakapantay-pantay.

Ang lumalakas na pakikibaka ng kababaihan at mamamayan ay malaking banta sa sistemang pinaghaharian ng imperyalistang US, mga burukrata-kapitalista, at mga panginoong maylupa at malalaking burgesya komprador. Kaya’t sa pagkukumahog ng naghaharing uri na mapanatili ang kasalukuyang kaayusang paborable sa kanila, nagpapakawala ito ng papatinding pasismo, laluna sa kanayunan. Laganap sa iba’t ibang probinsya ang militarisasyon at paghahasik ng lagim hindi lamang ng mga pwersa ng AFP at PNP, ngunit pati na rin ng mga tropang Kano na malayang nakakapagoperasyon sa teritoryo ng Pilipinas. Pangunahing biktima nito ang kababaihan at mga bata sa komunidad. Gayundin, patuloy ang pagkampo ng mga militar sa mga komunidad sa kalunsuran at panghaharas sa mga residente nito; dumadami ang mga batang nagiging biktima ng rape, sexual harassment, prostitusyon, at panloloko ng mga pasistang AFP, CAFGU, at PNP sa mga komunidad.

Ang ganitong matinding krisis at malupit na panunupil ay lalo lamang nagbibigay-katuwiran sa kababaihang anakpawis na makibaka. Malaking hamon kung gayon sa kababaihang Pilipino ang pagpapaigting ng ating mga laban at ubos-lakas na mag-ambag sa pambansa demokratikong rebolusyon, bilang natatangin sagot sa bulok na sistemang pyudal-patriyarkal sa Pilipinas. Lansagin ang kadena ng kaapihan at pagsasamantala sa kababaihan at buong masang anakpawis!

MAKIBAKA! Huwag matakot!
Mabuhay ang kababaihan!
Mabuhay ang sambayanang nakikibaka!