Pagtitipon ng mga taong-simbahan para sa kapayapaan sa Pilipinas, ginanap sa Rome

Ginanap sa Rome, Italy noong Hunyo 27-28 ang Pagtatanim: Sowing Seeds of Faith Solidarity for the Filipino People’s Struggle for Peace (Paghahasik ng Punla ng Nagkakaisang Pananalig para sa sa Pakikibaka ng Sambayanang Pilipino para sa Kapayapaan), isang pagtitipon ng higit 70 kinatawan ng iba’t ibang pananampalataya at mga grupo sa karapatang-tao mula sa 13 mga bansa. Pinangunahan ang pagtitipon ng International Coalition for Human Rights in the Philippines (ICHRP), International Interfaith Network ng ICHRP, at ng Ecumenical Voice for Human Rights and Peace in the Philippines. Isinagawa ang pagtitipon sa harap ng kagyat na pangangailangan para sa pagkakaisa sa hanay ng taong simbahan para suportahan ang pakikibaka ng mga Pilipino para sa kapayapaan.

Binuksan ang pagtitipon sa pagbibigay-pugay ni ICHRP Vice Chairperson Rev. Patricia Lisson kay Ka Louie Jalandoni, ang punong negosyador ng National Democratic Front of the Philippines sa mahabang panahon.

“Hindi lamang nanawagan si Ka Louie ng kapayapaan, iginiit niya ang makatarungang kapayapaan. Hindi siya nanahimik sa mga pakitang-taong reporma. Ang iginiit niya’y kapayapaan ng kapangyarihan ng mamamayan,” ani Rev. Lisson.

Sa keynote ni Bishop Gerardo Alminaza, bise-presidente ng organisasyong Caritas, idiniin niya ang tungkulin ng simbahan para “samahan ang mga pinagbabantaan, ang mga detenidong pulitikal, mga biktima ng sapilitang pagkawala, at ang pagtataguyod sa usapang pangkapayapaan, at hindi ng pagsuko.” Humalaw siya ng inspirasyon sa Jubilee Year ng simbahang Katolika, na may temang “Pag-asa,” kung saan dapat tanganan ng simbahan ang “pagtatanim ng mga binhi ng hustisya” kahit sa marahas na kapaligiran.

Binigyan-diin ng pagtitipon ang nagaganap na mga paglabag sa karapatang-tao sa Pilipinas, kabilang ang libu-libong ekstrahudisyal na pamamaslang sa ngalan ng “gera kontra-droga” sa ilalim ng dating rehimeng Duterte, pandarambong sa lupa at mga rekurso ng Pilipinas sa ilalim ng rehimeng Marcos at ang panunupil sa mga aktbistang pangkalikasan at taong-simbahan. Tinawag ni Charmane Maranan, aktibista sa karapatang-tao sa Southern Tagalog, ang kulturang ito bilang “unpeace” o kabaligtaran ng kapayapaan, na kinatatangian ng pangigipit, normalisasyon ng karahasan, pagsupil sa kritikal na pag-iisip at kriminalisasyon ng paglaban. Inilarawan din niya ito sa pagsalakay ng US sa Pilipinas sa mga tabing ng “kaunlaran” at “pagtatanggol mula sa China.”

Samantala, ikinwento ni Coni Ledesma, myembro ng NDFP Negotiating Panel, ang pagkabalam ng negosasyong pangkapayapaan, at sinabing ginagamit ng GRP ang lahat ng pagkakataon para “pigilan, isuspendi, o tapusin ang lahat na pagsisikap para isulong ang proseso.”

Susing tema ang intenasyunal na pagkakaisa sa mga pahayag ng mga tagapagtaguyod ng kapayapaan mula sa Catalonia, Indonesia, Hong Kong, Australia, at US. Pinagtibay nila ang kanilang suporta sa pakikibaka ng mamamayang Pilipino laban sa mga balakid sa kapayapaan. Nangako silang maglulunsad ng mga pagkilos, igiit ang pagtatapos ng ayudang militar na ginagamit sa panunupil, samahan ang mga bulnerableng komunidad at mga tagapagtanggol sa karapatang-tao, ipanawagan ang pagpapalaya sa mga bilanggong pulitikal, lumahok sa mga kampanya para ipagtanggol ang inaapi at itigil ang Red-tagging, at suportahan ang mga pamilyang biktima ng “gera kontra-droga.”

Nagsilbi ang Pagtatanim bilang larangan para “itanim ang binhi ng hustisya at pagkakaisa sa pananampalataya,” na may layuning payabungin at anihin ang kapayapaan sa pamamagitan ng pagresolba sa ugat ng tunggalian at kawalang kapayapaan sa Pilipinas.

Source link