Ikinalugod ng Christians for National Liberation (CNL)-Northern Negros, grupo ng mga rebolusyonaryong Kristyano, ang pagtindig ni Bacolod City Bishop Patricio Buzon laban sa desisyon ng Korte Suprema na nagpahintulot ng komersyal na pangingisda sa municipal waters. Naglabas ng mensahe ni Bishop Buzon noong nakaraang linggo para ipagtanggol ang kabuhayan ng maliliit na mangingisda.
Nanawagan si Fr. Antonio L. Marasigan, tagapagsalita ng CNL-Northern Negros, sa mga mananampalatayang Katoliko na isabuhay ang mensaheng ito ni Bishop Buzon sa pamamagitan ng sama-samamg pagsisikap para magtayo ng malapad na paglaban sa desisyon ng Korte Suprema.
Noong Disyembre 2024, naglabas ng hatol ang Korte Suprema na pinahihintulutang makapangisda ang malalaking kumpanya at negosyo sa municipal waters (karagatang saklaw ng 15 kilometro mula sa baybay). Pipinsalain ng desisyong ito ang kabuhayan ng nasa 2 milyong mamamalakaya.
Hindi kayang makipagkumpetisyon ng maliliit na mangingisda na gumagamit ng tradisyunal at manwal na mga pamamamaraan ng paghuli ng isda sa mga abante, at kadalasan ay mapaminsala, na mga kagamitan at teknolohiya ng komersyal na mangingisda, anito. Dahil sa abanteng kagamitan, mabilis na nasasaid ng malalaking barkong pangisda ang lahat ng klase ng yamang-dagat.
Ayon kay Bishop Buzon, tungkulin ng simbahan na ipagtanggol ang mga nakakaranas ng paniniil higit na kung kabilang sila sa pinakamahihirap na sektor ng lipunan. “Para sa mga taong ito, ang pangingisda ay hindi lamang simpleng kabuhayan kundi ang tanging paraan nila para mabuhay. Kaya naman, ang pagsasapanganib sa kanilang akses sa karagatan ay nagsasapanganib din sa kanilang buhay at hinaharap,” ayon sa mensahe ni Bishop Buzon.
Apela ni Bishop Buzon sa mga Chaplain, parokya, mambabatas at relihiyosong organisasyon sa napapaligirang bayan ng katubigan na palakasin ang paninindigan laban sa patakaran upang mapigilan ang pagpapatupad nito.
Ayon sa CNL-Northern Negros, bago pa man ang desisyon ay dinarambong na ng mga dayuhan at lokal na komersyal na pangisada ang mga karagatan sa Pilipinas at dati nang pinanghihimasukan ang municipal waters, ngunit tiyak na titindi ito sa ilalim ng desisyon. Sa isla ng Negros, kabilang sa mga kumpanyang sumisira sa karagatan ang CHL Fishing Industry, Inc., Asia Pacific Allied Fishing Ventures Corp., E&L Fishing Corp. at iba pa, ayon sa CNL-Northern Negros.
Binatikos ng grupo ang kainutilan ng Fisheries Code of the Philippines na protektahan at ipagtangogl ang kagalingan ng mga mangingisda. “[Nag-uugat] ang mga suliraning kinahaharap ng mga mangingisda hindi lamang sa mga batas…kundi sa masamang sistema na tumatangkilik sa hindi masukat na kasakiman ng iilang naghaharing-uri na nabubuhay sa pagsasamantala at pang-aapi sa mga mahihirap at nasasantabing uri sa lipunan,” ayon pa sa CNL-Northern Negros.
Itinuro nito bilang pangunahing dahilan ng pagdurusa at kasuklam-suklam na kalagayan ng mamamayan ang kasalukuyang malakolonyal at malapyudal na naghaharing sistema. “Kaya naman, ang laban para ipagtanggol ang buhay at kabuhayan ng mga maliliit na mangingisda ay nakaugnay sa mas malawak na pakikibaka para sa pambansang kalayaan at demokrasya,” anang rebolusyonaryong grupo ng mga Kristyano.
Nanawagan ang grupo sa mga layko at kleriko na makiisa sa mga mangingisda at ipagtanggol ang kanilang mga karapatan. “Isang moral na tungkulin ng bawat Kristyano na ipagtanggol ang adhikain ng mga mahihirap, makibaka para sa kanilang paglaya at durugin ang mga nang-aapi sa kanila,” ayon sa CNL-Northern Negros.