Pagtanggal ng Sun Ace Polymer sa 31 manggagawa, kinundena

Nagpiket ang mga manggagawa ng Sun Ace Polymer Manufacturing Corporation sa harap ng Department of Labor and Employment (DOLE)-National Capital Region noong Hunyo 10 para igiit ang agarang pagbabalik sa trabaho ng tinanggal na mga manggagawa nito. Ang piket ng mga manggagawa ay isinabay nila sa araw ng pagdinig ng kanilang kasong isinampa sa panrehiyong ahensya ng DOLE.

Iligal na tinanggal ng kumpanya ang 31 manggagawa matapos nilang ireklamo ang labor-only contracting (LOC) at mga pag-abuso sa trabaho. Ang Sun Ace ay nasa Valenzuela City at gumagawa ng plastic sando bag.

Karamihan sa mga tinanggal ay mahigit 10 taon nang nagtatrabaho sa Sun Ace. Sinisante sila kasunod ng pagrereklamo at pagrekwes ng inspeksyon ng DOLE sa Sun Ace. Nakipag-ugnayan at nakipagtulungan ang mga manggagawa sa Alliance of Nationalist and Genuine Labor Organizations-Kilusang Mayo Uno (ANGLO KMU).

Ayon sa mga manggagawa, ilang ulit silang inililipat sa pangangasiwa ng iba’t ibang manpower agency kahit matagal na sila sa kumpanya. Ang huling ahensyang humawak sa kanila ay ang Luxor Manpower Services na kanilang inirereklamo dahil sa walang paliwanag na kaltas sa sahod, hindi pagbabayad ng overtime at holiday pay, at biglaang suspensyon.

Matapos ang inspeksyon, ikinadismaya ng mga manggagawa ang pagpanig ng DOLE sa kapitalista. Kasunod nito, tinakot at pinagbanataan ng Sun Ace ang mga manggagawa noong Pebrero. Inalok sila ng maneydsment ng kabayaran para sa 25 araw kada taon kapalit ng pananahimik. Sinabihan din silang hindi sila gagawing regular para sagkaan ang planong pagtatayo ng unyon. Binantaan rin silang sasampahan ng mga kasong kriminal.

“Kapag inaabuso ang mga manggagawa, pupunta kaming Department of Labor pero wala naman kaming makukuhang hustisya, kami pa ang talo… saan kami tatakbo para magsumbong at sabihin na nilalapastangan kami ng harap-harapan ng mga kumpanya sa Pilipinas?” pahayag ni Jerome Adonis, pangkalahatang kalihim ng KMU.

Nakiisa sa piket ng mga manggagawa ng Sun Ace ang ANGLO at KMU, Kilos Na Manggagawa, Labor Alliance for National Development (LAND), at mga empleyado mula sa BPO Industry Employees Network. Ipinahayag nila na patuloy silang kikilos para sa kanilang regularisasyon at para wakasan ang kontrakwalisasyon sa bansa.

Source link