Nagpahayag ng pagkabahala ang grupong Bahaghari sa nababalita kamakailan na 500% pagdami ng mga kaso ng Human Immunodeficiency Virus (HIV) sa Pilipinas. Pinakamataas ito sa Western Pacific Region.
“Ang pagtaas ng kaso ng HIV at papalaking bilang ng mga kabataan na nagkakaroon ng ganitong sakit ay malakas na paalaala na palakasin, imbes na kaltasan, ang pondo at programa para sa kalusugan,” pahayag ni Reyna Valmores Salinas, tagapangulo ng Bahaghari.
Anito, bagamat totoo na dumarami ang naitatalang positibo sa bayrus dahil sa kampanya para sa pagpapasuri, magiging iresponsable kung babalewalain ang katotohanan na dumarami ang nahahawaan ng HIV sa hanay ng kabataan.
Noong Hunyo 3, inulat ng Department of Health (DoH) na umabot sa 150,433 ang mga pasyente na may HIV para sa buwan ng Abril ngayong taon. Tinatayang nasa 57 na pasyente ang natutuklasang positibo sa HIV kada araw. Ang 33% sa mga bagong kaso ay mula sa edad 15 hangang 25. Ang pinakabatang pasyente na may HIV ay isang 12-anyos na bata.
Ayon sa Bahaghari, dapat maglaan ang rehimeng Marcos at ang DoH ng mas malaking pondo ang mga programa sa HIV at magbigay ng edukasyon hinggil sa sekswalidad na angkop sa bawat edad.
“Ngayon at higit kailanman, kailangan din palakasin ang usapan para sa Comprehensive Sexuality Education. Malaking bahagi ng pagpigil sa transmisyon ng HIV sa mga bata ay ang mabigyan ng wastong kaalaman hinggil sa HIV, sa halip na tingnan ito bilang ‘taboo’ o katakot-takot pag-usapan na bagay,” dagdag ni Valmores-Salinas.
Nanawagan naman ang Joint United Nations Program on HIV/AIDS (UNAIDS) Philippines para sa agaran at pinalakas na aksyon upang mabigyan ng solusyon ang mabilis na pagkalat ng HIV. Sinusuportahan din nila ang panawagan na ideklara ang HIV bilang kagyat na usapin sa pampublikong kalusugan na kailangan ng pambansang tugon.
Ayon sa Bahaghari, kailangang dagdagan ang pondo para sa mga programa sa HIV sa Pilipinas at palawakin ang edukasyon sa kabataan hinggil sa kanilang karapatan at kalusugan para maiwasan ang pagdami ng kaso ng HIV habang sinusuportahan ang mga People Living with HIV na magkaroon ng makabuluhang buhay.