Pinaatras ng mga kawani ng gubyerno ang inaprubahan ng bicameral committee na panukalang Government Optimization Act o National Government Rightsizing Program, isang panukala na magsasabatas sa malawakang tanggalan sa mga kawani ng gubyerno sa ngalan ng “efficiency.” Ang batas na ito na malaon nang prayoridad ng rehimeng Marcos Jr ay banta sa mga trabaho ng 2.9 milyong kawani at nangaganib na magdudulot ng dagdag pang hindi pagkapantay-pantay sa kanilang hanay.
Lumusot ang panukala sa bicameral committee noong Hunyo 3, at ngayon ay naghihintay na lamang ng pirma ng presidente para maging batas. Pahihintulutan nito ang pagtatanggal, pagsasanib at pag-deactivate ng mga ahensya at pusisyon.
“Magdudulot ito ng mga tanggalan sa trabaho at kawalan ng hanapbuhay,” ayon sa pederasyong Courage. Hindi magiging sapat ang mga insentibang iniaalok ng gubyerno para lutasin ang magiging matagalang impact sa disempleyo ng nakaparaming kawani, anito.
Pinasinungalingan ng grupo ang pagdadahilang kailangan ng rightsizing o pagtatama ng dami ng kawani, para diumano magbawas ng gastos ang gubyerno. Anito, kung pagtitipid lamang ang dahilan, bakit hindi ginagalaw ang napakalalaking mga badyet para sa pagbabayad ng utang, gastos militar at confidential at intelligence funds.
“Kung gusto talaga ng gubyerno na ayusin ang paggastos nito, dapat tingnan nito kung saan napupunta ang pondo, at hindi sa pamamagitan ng pagtanggal ng mga trabaho,” ayon sa mga kawani.
Sa datos ng International Labor Organization, hindi sapat ang bilang ng mga kawani na nagbibigay ng pampublikong serbisyo. Sa halip na palakasin ang pampublikong sektor, pinaliliit pa ito ng rehimen. Magreresulta ito sa sobra-sobrang pagpapatrabaho sa mga empleyado, na mapipilitang gumampan ng iba’t ibang papel sa burukrasya. Lalo itong magdudulot ng pagkapagod, mababang moral, at sa kalaunan, hindi episyenteng serbisyo.
Hindi rin ito magreresulta sa modernisasyon ng burukrasya, ayon sa Courage.
“Ang mga pagsisikap na paunlarin ang gubyerno ay dapat nagsisimula sa katiyakan sa trabaho, transparency at sapat na tauhan para matugunan ang mga pangangailangan ng publiko,” anito. Kung wala ito, pinahihina lamang ng gubyerno ang serbisyo nito sa mamamayan.
Panawagan ng mga kawani, ibasura ang panukalang rightsizing.
“Nakakadismaya na inuuna pa ito ng administasyong Marcos at ng Kongreso, imbes na harapin ang mga isyu ng korapsyon (sa gubyerno)–tulad ng kasong impeachment laban kay VP Sara Duterte,” anila.