Lubhang mahirap at delikado ang hanapbuhay na “pagraraha” o pagkuha ng kahoy-panggatong para ibenta. Sa kabila nito, ito lamang ang hanapbuhay ng maraming katutubong Manobo na pinalayas ng militar sa kanilang mga komunidad sa Surigao del Sur mula 2019. Hindi sila makabalik sa kanilang lupang ninuno, na okupado ng militar at inagaw ng mga kumpanya ng malakihang pagmimina at komersyal na plantasyon.
Sa pagraraha, pinuputol ang kahoy na gagawing panggatong gamit ang chainsaw. Hinahakot ito pauwi sa mga bahay kung saan ito sisibakin at isasalansan. Sa paghahakot, laluna kung malayo sa patag, kailangan itong pagulungin (bardown) sa dalisdis at pasanin (bar-up) kung walang kalabaw na magagamit sa transportasyon.
“Delikado na, kulang na kulang pa ang kita,” ayon kay Anie, isang Manobo na nabubuhay sa pagraraha. Minsan nang nadaganan ng malaking bato si Anie habang pababa tungo sa kinaroroonan ng mga ipinagulong niyang kahoy. Ilang beses na siyang nagpagulong-gulong pababa. Minsang nasugatan siya sa ulo at halos mawalan ng malay.
Sa pagsisibak ng kahoy, kailangan nilang sundin ang istandard na 22 pulgadang haba at sukat ng kahon-posporo sa bawat tipak. Itatali ang mga ito nang taglilima at pagsasama-samahin hanggang umabot sa 50 tali na katumbas sa tinatawag nilang isang “payl.” Ibinebenta nila ang isang payl sa halagang ₱100-₱300, depende sa klase ng kahoy. Pinakamahal ang kahoy na Kulipapa o Dangula.
Binibili ng komersyante sa halagang ₱6/tali ang panggatong na Kulipapa at ibinibenta ito sa presyong ₱12/tali sa mga konsyumer. Sagot ng magraraha ang ₱500 pag-upa ng chainsaw, tatlong litro ng gasolina, isang bote ng guide bar oil at 2T oil, at isang kilong “tiebox” (pantaling straw nang hanggang 40 payl). Sa halagang ito, nakagagawa ang mga magraraha ng 48 putol ng mga trosong may 10 pulgadang dayametro.
Ayon kay Anie, 10 ang myembro ng kanilang pamilya at lima rito ay nag-aaral. Ang kinikita niyang ₱3,000 kada linggo ay kulang na kulang para sa kanilang pangangailangan. Bigas pa lamang, hindi na ito kasya. Nasa tatlong ganta (1 ganta=2.5 kilo) kada araw ang nakokonsumo nilang mag-anak, sa halagang ₱145/ganta o ₱435/araw.
Tulad ni Anie, maraming Manobo, laluna ang matatanda, ang taimtim na nagnanais na makabalik sa kanilang kinagisnang komunidad kung saan libre silang nakikinabang sa biyaya ng kalikasan. Doon, may mga pagkaing hindi nila kailangang bilhin. Malaya silang makakatanim ng pangkonsumo at pangmatagalang pananim para sa kabuhayan. Sa kinalalagyan nila ngayon, lahat ng pagkain ay binibili sa napakataas na presyo. Wala silang natanggap na suporta mula sa alinmang ahensya ng reaksyunaryong gubyerno. Sila’y mga walang lupang masasaka, na napwersang pumasok sa trabahong katulad ng pagraraha at iba pang maliliit na mapagkakakitaan.