Opisyal na Pahayag ng Pagpupugay at Pakikiramay ng Kaguruang Makabayan (KAGUMA) sa Pagpanaw ni Fidel Agcaoili, Taga-pangulo ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) Negotiating Panel
Ika-7 ng Agosto 2020
Isang mapula at militanteng pagpupugay ang ipinaaabot ng KAGUMA at lahat ng mga rebolusyonaryong guro sa pagpanaw ng aming kasamang rebolusyonaryong si Fidel Agcaoili, taga-Pangulo ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) Negotiating Panel. Lubos ang aming paghanga sa pagiging militante, matapat at respetadong kasapi na si Ka Fidel sa Partido, sa NDFP, at sa masang Pilipino. Sa kanyang pakikilahok sa armadong pakikibaka, sa kanyang pagkakakulong, sa kanyang hindi matatawarang gawain para sa international solidarity, at sa pagsusulong ng usapang pangkapayapaan, ay makikita ang kanyang walang humpay na pagpupunyagi upang isulong ang Pambansa-demokratikong rebolusyon na may sosyalistang perspektiba.
Labis ang pagdadalamhati ng aming hanay at mga guro sa pagpanaw ng isang rebolusyonaryong ang buong buhay ay inalay sa pagpapalaya ng ating sambayanan. Ang kanyang buhay ay magsisilbing bukas na aklat na maaaring paghalawan ng mga makasaysayang aral at prinsipyo sa pagkamit ng kapayapaang nakabatay sa hustisyang panlipunan. Ang buhay nya ay batis ng karunungan sa mga gurong nagtuturo ng mapagpalayang edukasyon at maka-masang kamalayan.
Ang buhay ni Ka Fidel ay nagtuturo sa atin na tayo ay mga rebolusyonaryo higit at lagpas pa sa pagiging mga guro. Hindi lamang tayo mga guro ng bayan, bagkus tayo ay mga rebolusyonaryong guro na naninindigan na sa armadong pakikibaka lamang kasama ang pinagsasamantalahang masa sa gabay ng Partido makakamit ang tunay na Kalayaan! Ang buhayni Ka Fidel ay nagtuturo rin sa atin na malaki ang papel ng international solidarity sa pagsusulong ng kapayapaan.
Mabigat ang pagkawala ni Ka Fidel. Nagluluksa ang aming hanay kasama na ang sambayang pinagsasamantalahan. Ang mga kaaway naman ay nagbubunyi. Ang mga pasistang berdugo ng rehimeng US-Duterte ay nagpipiging. Pero hindi magmamaliw ang pakikibaka ng sambayanan. Ang pagpanaw ng mga kumprador, ang pagkamatay ng mga berdugong pasista ay mas magaan pa sa balahibo ng ibon. Ngunit ang pagpanaw ni Ka Fidel ay mas mabigat pa sa bundok ng Banahaw. Kaya naman magsisilbing modelo si Ka Fidel sampu ng kanyang buhay sa aming mga guro upang pag-ibayuhin ang aming ‘di makasariling paglilingkod sa bayan.
Dapat maikintal sa mga guro at kabataan ang mga prinsipyong tinanganan ni Ka Fidel hanggang sa kanyang huling hininga. Ang buhay ni Ka Fidel ay isang halimbawa ng tunay na dedikasyon sa paglilingkod sa rebolusyon sa harap ng nakakahalinang ambisyon na magpayaman at maging tanyag sa merkado ng karerismo.
Paalam, Ka Fidel! Mabuhay ang NDFP!
Mabuhay ang Partido Komunista ng Pilipinas!
Isulong ang Pambansa-Demokratikong Rebolusyon!
Hanggang sa Tagumpay ng Sambayanan!