Tinuligsa ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan)-Australia at Filipino Australians for Justice, Accountability, and Peace (FAJAP) ang pagpunta ni Vice President Sara Duterte sa Australia noong Hunyo 18 hanggang Hunyo 24. Nagmartsa sila mula sa Parliament Steps tungong State Library sa Melbourne, Australia noong Hunyo 22, alas-4 ng hapon, bilang protesta.
Nagtungo si Duterte sa Australia para maglamyerda at dumalo sa “pambansang pagkilos” ng mga taga-suporta ng mga Duterte sa Melbourne noong Hunyo 22. Panawagan ng pagkilos na palayain si Rodrigo Duterte mula sa detensyon ng International Criminal Court sa the Netherlands na nakakulong dahil sa kinahaharap niyang kaso ng krimen laban sa sangkatauhan.
“Dapat tuligsain ng mamamayang Pilipino ang mga mandarambong na ito at mga lumalabag sa karapatang-tao,” pahayag ng Bayan-Australia. Dagdag ng grupo, dapat ring manindigan ang gubyerno ng Australia laban sa pagpasok ng mga katulad ni Duterte sa kanilang bansa.
Si Duterte rin mismo ay kumakaharap sa isang paglilitis sa Pilipinas kaugnay ng kasong impeachment laban sa kanya. Binatikos ng mga grupo ang maniobra ng mga kampon ni Duterte sa Senado para iantala at tahasang ibasura ang paglilitis.
Sa martsa, malinaw ang panawagan ng mga grupo para panagutin at hatulang maysala si Duterte sa pandarambong sa pondo ng mamamayang Pilipino at iba pa niyang mga krimen.
“Dapat lang talagang ikulong si Rodrigo Duterte at panagutan ang kanyang mga krimen laban sa mamamayang Pilipino. Ipinababatid rin natin na managot ang kanyang anak na si Sara Duterte sa pagnanakaw at pangungurakot,” pahayag ng tagapangulo ng Anakbayan-Melbourne.