Sa ika-60 taong anibersaryo ng Kabataang Makabayan, marapat lamang itong bigyang pugay bilang natatanging rebolusyonaryong organisasyon ng kabataang Pilipino. Dapat ring kilalanin ang lahat ng rebolusyonaryong hinubog at inialay nito sa pagsusulong ng pambansa-demokratikong rebolusyon sa kanayunan at kalunsuran sa nakaraang anim na dekada.
Isa rito si Ernesto Jude Rimando Jr, kilala bilang Bogs/Talong sa kanyang mga kaibigan at pinamunuang kabataan, at Ka Dante sa malawak na masang manggagawa at magsasaka sa Cebu, Bohol at Negros. Siya rin si Felipe Marcial, tagapangulo ng Kabataang Makabayan sa panahon ng Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto (IDKP), pangingibabaw sa malawakang disoryentasyon sa kilusang estudyante, paglaban sa paksyunalismo, at pagbwelo ng kilusang pag-aaral at pagpapasigla ng kilusang protesta noong dekada 1990.
Mahigit dalawang dekadang kumilos sa sektor ng kabataan-estudyante si Jude. Dito, nakilala siya bilang isang masipag at matiyagang organisador. Humanga sa kanya ang kanyang mga guro sa Philippine Science High School, na sa una’y nag-akalang “bulakbol” dahil madalas siyang lumiban sa klase, iyon pala ay dahil sa kanyang gawaing pag-oorganisa. Pumasok siya sa University of the Philippines (UP) at nag-aral ng Mechanical Engineering para ipagpatuloy ang kanyang mga tungkulin. Hindi niya ito tinapos.
Sa panahong nasa unibersidad siya, tinutukan ng kanyang kolektib ang pagpapabwelo ng kilusan laban sa panukalang pagtaas ng matrikula. Di nagtagal, tumangan siya ng mas malalaking tungkulin sa mga komite ng Partido na nangangasiwa sa lihim na kilusang kabataan-estudyante, hanggang sa antas-pambansa.
Sa gawaing ito siya inabutan ng IDKP. Bagaman naging bahagi siya sa konserbatismo at barkadismo ng kilusang kabataan-estudyante, ipinagmalaki ni Jude na hindi siya nagpatangay sa taksil na mga grupo na noo’y nagbalandra ng “alternatibong pulitika” na kunwa’y “pag-unlad” sa mga prinsipyo ng pambansang demokrasya. Pinanghawakan niya ang disiplina ng Partido habang hinaharap ang mga puna sa mga kahinaang bumabayo noon sa kilusang kabataan-estudyante. Pinangunahan niya ang pagbigo sa likidasyunismo sa pamumuno ng Partido ng mga paksyunalista noon sa UP Diliman.
Kasama siya sa nanguna sa kilusang pagwawasto laban sa tumuligsa sa prinsipyong dalawang-yugtong rebolusyon at pakikibakang pambansang demokratiko. Bilang tagapangulo ng KM, naging daluyan siya ng pagsusuri at mga patakaran para pagtibayin ang hanay ng kabataan laban sa mga mananabotahe ng kilusan. Sa ilalim ng kanyang pamumuno, muling pinalakas ang mga balangay ng KM sa hanay ng kabataan.
Pinamunuan niya ang komiteng naglagom ng karanasan ng sektor noong 1994. “Para sa akin, mapagpasyang aktitud ito sa pagwawasto dahil ang pinakamalaking ambag sa rektipikasyon ay ilahad ang mga karanasan at kritikal na suriin ito,” aniya.
Sa personal, nakaramdam si Jude ng hiya dahil sa tagal ng kanyang pananatili sa sektor ng kabataan-estudyante. “Dyina-justify (sinasabi) ko na lamang na valid naman ang aking mga nai-ambag,” kwento niya. Kalaunan, tumugon siya sa panawagan ng Partido para sa pagpapadala ng mga proletaryadong kadre sa ibang rehiyon. Kasama ang kanyang unang asawa ay nagpalipat siya sa Central Visayas. Mula 1998 hanggang 2016, kumilos si Jude sa Cebu kung saan itinilaga siya bilang kagawad ng kalihiman ng panrehiyong komite ng Partido sa Central Visayas. Mahigpit niyang sinubaybayan ang kilusang manggagawa sa isla, kabilang ang malawakang welga ng mga manggagawa ng Sulpicio Shipping noong 2002. Taong 2017-2019, kumilos si Jude sa Negros kung saan gumanap siya bilang kagawad ng komiteng tagapagpaganap ng Partido sa isla. Pinamunuan niya ang mga pakikibaka ng mga manggagawang bukid sa tubuhan, kabilang ang paggigiit ng karapatan sa kolektibong pagbubungkal ng lupa para sa pagkain.
“Buong puso niyang pinanghawakan ang mga responsibilidad na ibinigay sa kanya. Matiyaga siya sa pananaliksik sa mga usaping masalimuot laluna sa pagsusulong sa kontra-pyudal na pakikibaka para sa lupa,” pahayag ng Pambansang Katipunan ng mga Magbubukid-Negros. “Para sa kanya, ang sakripisyo at hirap kasama ang masang magsasaka ay normal na pangyayari sa buhay ng isang rebolusyonaryo.”
Enero 2021, iligal na inaresto si Jude ng mga pwersa ng estado sa gawa-gawang kaso habang nagpapagamot sa Metro Manila. Huli na nang binigyan siya ng atensyong medikal at umabot sa stage 4 cancer ang sakit niya sa atay. Kahit nakaratay, lagi pa ring nasa isip niya ang mga naiwan niyang gawain.
Sa huling panayam sa kanya, isinalaysay niya ang magagandang aral na natutunan niya sa kanyang deka-dekadang pakikibaka. Kritikal niya ring sinuri ang mga naging ambag niya. “Ang diyalektika sa rebolusyonaryong buhay ay ganoon talaga kasigla. May ligaya sa mga pagsulong at mayroon ding kahirapan. Mas malalim ang kaligayahan kapag nalagay ka sa isang napakahirap na sitwasyon pero nakayanan mo,” pagsusuma niya.
Aniya, inakala niyang alam niya na ang lahat noong maaga siyang nagsimulang magpultaym sa kanyang kabataan. “Pero ang dami pa palang dapat matutunan. Kaya kailangan ang tuluy-tuloy na pag-aaral sa mga prinsipyo at patakaran,” aniya.
“Siguro yung dimension (aspeto) na mas nakilala ko sa mahabang panahon ay, magkakaroon ng maraming pagkakataon na mag-iisip ka na nakapalimitado o halos walang mapagpipilian, o parang hindi na mareresolba ang mga bagay-bagay. Pero ang pinaka-importante kong natutunan ay papaanong maging mas mahusay, maging mas kritikal sa sarili. Aminin talaga ‘yung sariling pagkukulang, mga kahinaan. Ikalawa, yung malalim na tiwala. Kasi sa pinakamahirap na sitwasyon, ang aktwal na usapin ay kung handa ang lahat na magtulung-tulungan para igpawan ang pinakamahihirap na usapin,” aniya.
Pumanaw si Jude sa edad na 58 sa sakit na liver cancer at iba pang karamdaman noong Hulyo 23 sa Philippine General Hospital kung saan siya naratay simula pa noong Mayo. Namatay siya sa ilalim ng detensyon at nilalabanan ang walong gawa-gawang kaso ng militar sa ilalim ng imbentong pangalang “Allan Morales.” Pinarangalan siya ng rebolusyonaryong kilusan at kinilala ang kanyang husay, talino at sipag na iniambag sa rebolusyon.
Hanggang sa kanyang huling hininga, huwaran ng katapatan si Jude sa adhikain at tiyak na tagumpay ng rebolusyong pambansa-demokratiko.