Pagprotekta sa karapatan ng mga bilanggo, isinulong ng iba’t ibang organisasyon

Sa buong mundo, ginugunita ang Hulyo 18 bilang pandaigdigang araw ni Nelson Mandela, isang anti-apartheid na aktibista at dating bilanggong pulitikal na nakulong ng 27 taon sa bilangguang may di-makataong kundisyon. Siya rin ang pinakaunang Itim na presidente ng South Africa.

Sa araw na ito, naghain ng panukalang batas ang mga kinatawan ng Kabataan Party-list na si Renee Co at ng Act Teachers Party-list na si Antonio Tinio ng House Bill no. 2066 o ang Antonio Molina Bill na na naglalayong amyendahan ang Recognizance Law of 2012. Dito,ipapabilang ang pagkakaroon ng malubhang sakit, pagtanda, pagiging buntis at nagpapasusong ina bilang batayan sa pagpapalaya ng mga bilanggo.

Pinangalan ang panukalang batas kay Antonio Molina, isang matandang magsasaka at bilanggong pulitikal sinampahan ng gawa-gawang kaso at kalaunan ay namatay sa kulungan dahil sa advanced stomach cancer.

Ayon sa datos ng Karapatan, hindi bababa sa 100 maysakit at 102 matatanda na bilanggong pulitikal ang nakakulong ngayon sa iba’t ibang kulungan at pasilidad na hindi makatao ang kundisyon.

Kasama sa naghain ng panukalang batas ang mga myembro ng Karapatan at si Prudencio Calubid Jr., isang 81 taong gulang at dating manggagawa, na ikinulong nang anim na buwan dahil sa maling pagkakakilanlan. Sa kabila ng pagbasura ng kaso laban kay Calubid ay nag-apela ang Office of Solicitor General para ibalik siya sa kulungan.

Naglunsad naman ng kampanyang Bantay Bilangguan ang Commission on Human Rights (CHR) na naglalayong patatagin ang National Prevention Mechanism (NPM), isang pambansang mekanismong nagnanais na pigilan ang tortyur at iba pang malupit, di-makatao, o mapang-abusong pagtrato o parusa sa loob ng mga piitan at mental na institusyon. Layunin din ng kampanya na makakuha ng suporta mula sa publiko at institusyon para sa mabilis na pagsasabatas ng panukalang National Preventive Mechanism (NPM) Bill.

Nagpahayag ng pagsuporta ang grupong Kapatid, organisasyon ng mga kaibigan at kamag-anak ng mga bilanggong pulitikal sa kampanya ng CHR.

Ayon kay Fides Lim, tagapagsalita ng Kapatid, ang arbitraryo pagbabawal sa kanya sa lahat ng pasilidad ng Bureau of Correction (BuCor) ay nagpapakita ng matinding pangangailangan sa NPM. “Ginagamit na armas ng BuCor ang alituntunin sa seguridad upang patahimikin ang mga tumutuligsa, harangin ang mga makataong ayuda at pagtakpan ang impunidad sa loob ng kulungan.”

Aniya, ipinapakita ng kanyang karanasan kung bakit dapat may independyente, walang takot, at hindi takot na panagutin ang mga nasa estado na lumalabag sa mismong prinsipyo na gustong itaguyod ng NPM. Maaaring gamitin ng independyenteng grupo ang NPM para sa regular na sorpresang mga inspeksyon sa mga kulungan para makapaglabas ng rekomendasyon batay sa ebidensya at lumikha ng ugnayan sa mahahalagang ahensya upang maiwasan ang tortyur at iba pang pang-aabuso.

Ang United Nations Standard Minimum Rules for the Treatment of Prisoners, ay isang listahan ng internasyunal na alituntunin na nagbabalangkas ng minimum na pamantayan sa pagtrato sa mga preso o persons deprived of liberty (PDLs) na nagbibigay diin sa pagrespeto sa dignidad at halaga, pagbabawal sa tortyur at iba pang malupit at di makataong pagtrato ay tinawag na Nelson Mandela Rules.

Source link