Pagpatay sa panukalang batas para sa pagtaas ng sahod, kinundena ng mamamayan

Mariing kinundena ng mga pambansang demokratikong grupo ang pagpatay ng rehimeng US-Marcos at mga alipures nito sa panukalang dagdagan ng ₱200 ang sahod ng mga manggagawa.

Matatandaang idinahilan ng senador na si Chiz Escudero na “wala nang panahon” at “walang sapat na pag-aaral” para talakayin ang panukalang batas. Aniya, masyadong matagal bago nakaabot sa kanila ang bersyon ng panukalang batas ng mababang kapulungan. Dahil dito, walang naganap na bicameral conference kung saan maaari sanang talakayin kasama ang mataas na kapulungan ang panukalang sahod.

Anang Kilusan Mayo Uno, tinutulan ni BBM ang legislated wage hike bilang walang kahihiyang tuta ng mga lokal na burgesyang kumprador at dayuhang monopolyo kapitalista. “Sa kanyang utos, at sa pagpapatumpik-tumpik ng Senado, ipinagkait sa manggagawang Pilipino ang sana’y kauna-unahang pambansang dagdag-sahod sa loob ng 36 na taon,” pahayag ng grupo.

“Ambilis nilang magpasa ng mga makasariling programa at panukala na bulnerable sa korapsyon pero kapag dagdag sahod para sa ordinaryong Pilipino, ang sagot ni Marcos Jr: di mainam, imposible. Malinaw. Pag gusto may paraan. Pag ayaw, maraming dahilan. Ito ang tatak-Marcos na pamumuno. Matapobre. Manhid. Makasarili,” pahayag ng Kabataan Party-list.

Giit naman ni Arlene Brosas, kinatawan ng Gabriela Women’s Party, dapat kumilos ang parehong kapulungan sa susunod na Kongreso para hindi mauwi sa wala ang pinaghirapang laban ng taumabayan. “Hindi pwedeng hayaan na manaig ang pulitikang makasarili sa halip na tunay na hustisya at kapakanan ng masa,” aniya.

“Nanawagan kami sa lahat ng manggagawang Pilipino: ipakita natin ang ating matinding galit sa kataksilang ito! Ang laban para sa nakabubuhay na sahod ay hindi nagtatapos sa loob ng bulwagan ng Kongreso. Ipakita natin sa lansangan ang ating galit! Sumandig tayo sa lakas ng ating pagkakaisa!” panawagan ng KMU.

Source link