Sa ginanap na Mindanao-wide Peace Conference noong Hunyo 24 sa Cagayan De Oro City, nagtipun-tipon ang iba’t ibang mga sektor, kabilang ang mga Lumad, para suportahan ang prosesong pangkapayapaan na tutugon sa kawalang hustisya na siyang nasa ugat ng armadong pakikibaka sa bansa.
Kabilang sa mga dumalo si Julieta Gomez, lider Manobo at dating bilanggong pulitikal. Myembro siya ng Kahugpungan sa mga Lumadnong Organisasyon sa Caraga at ng Konseho ng Katribu Kalipunan ng Katutubong Mamamayan ng Pilipinas.
Aniya, ang pakikipag-usapang pangkapayapaan ng Gubyerno ng Republika ng Pilipinas (GRP) sa National Democratice Front of the Philippines (NDFP) ay dapat nakabatay sa hustisya. “Malinaw ang aming suporta sa panawagang ituloy ang tunay na usapang pangkapayapaan. Ngunit hindi ito dapat maging pakitang-tao lamang na hindi tinatalakay ang mga tunay na ugat ng tunggalian,” paliwanag ni Gomez.
Sa kumperensya, binalikan ang mahahalagang kasunduan na nabuo nuong panahon ng usapang pangkapayapaan tulad ng GRP at NDFP Joint Statement noong Nobyembre 23, 2023 sa Oslo, Norway na kumikilala sa malalim na mga karaingan ng mamamayan sa ekonomya, lipunan at pulitika.
Sa kabila ng positibong pagsisimula, naging tahimik ang rehimeng US-Marcos sa kasunduan sa Oslo at sa halip ay pinaigting pa ang konstra-insurhensyangg estratehiya sa ilalim ng NTF-ELCAC.
Nakukwestyon kung seryoso sa usapang kapayapaan ng GRP dahil habang nagsasabi ito na nais bumalik sa negosasyon ay inaaresto nito ang mga personel ng NDFP sa usapang pangkapayaan.
“Nagpatuloy ang iligal na pag-aresto kabilang ang kaso ni Simon Naogsan, lider katutubo at NDFP consultant, patuloy na pagkakakulong ng mga NDFP consultant na si Loida Magpatoc at sapilitang pagkawala kay James Jazmines, kapatid ng NDFP consultant,” ayon sa Katribu.
Ang kumperensya ay ikatlo sa serye ng pangrehiyong “listening summit” ng Council of Leaders for Peace Initiatives (CLPI) kasunod ng parehong pagtitipon sa Luzon at Visayas. Diniin ng CLPI ang natatanging pusisyon ng Mindanao sa proseso ng pangkapayapaan. Sa kumplikado nitong kasaysayan ng armadong pakikibaka, pakikibaka para sa lupang ninuno at nagpapatuloy na transisyon sa ilalim ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao, maraming aral na makukuha mula sa karanasan sa isla kaugnay ng usapang pangkapayapaan.
Inulit ng mga kalahok sa kumperensya ang kanilang suporta para sa Comprehensive Agreement on Social and Economic Reforms (CASER), na binuo mula sa pakikipagkonsultahan sa mga mamamayan, kabilang ang mga Lumad at komunidad ng mga Moro.
Sa isang sesyon, ipinaliwanag ni Gomez na ang laban para sa lupang ninuno, abot-kayang edukasyon, pagpapalayas sa militar sa mga komunidad, at tunay na karapatan sa sariling-pagpapasya ay mga usapin na dapat talakayin at pagkasunduan, bilang bahagi ng pangmatagalang solusyon sa armadong pakikibaka.
Muling nanawagan ang CLPI at Katribu para muling ituloy ang usapang pangkapayapaan ng GRP at NDFP na nakabatay sa una nang mga nagpagkasunduan at balangkas.
Idiniin ng CLPI ang prosesong pangkapayapaan ay hindi nakabatay sa pagsuko o pagkatalo, kundi sa pagtugon sa mga istruktural na mga usapin na nag-aanak ng sigalot tulad ng kawalan ng lupa, pagsasamantala, at kasaysayan ng pang-aapi sa mga katutubo.