Kumahaharap sa banta ng pagpapalayas ang mga magsasaka sa 21 ektarya at 79 ektaryang lupang kanilang binubungkal sa Hacienda Chiquita sa E.B. Magalona, Negros Occidental. Itinakdang ipamamahagi ang lupa sa ilalim ng bogus na Comprehensive Agrarian Reform Program Extension with Reforms (CARPER), pero ngayon ay muling inaagaw ang lupa mula sa kanila.
Nakatira at nagbubungkal ang mga pamilya ng mga magsasaka at residente sa Hacienda Chiquita na nasa saklaw ng Barangay Tuburan at Barangay Poblacion 1 mula pa 1952. Maaapektuhan ng pangangamkam sa lupa ang higit 120 manggagawang-bukid at posibleng magpalayas sa 300 sambahayan o 1,500 indibidwal.
Noong 2012, hinikayat ng Department of Agrarian Reform (DAR) ang mga magsasaka na magsumite ng aplikasyon para masaklaw ng CARPER ang 21 ektaryang lupa. Isinumite nila ang kanilang mga dokumento sa tulong ng National Federation of Sugar Workers (NFSW). Upisyal na napatituluhan ang lupa noong 2019.
Naantala ang pagpwesto sa lupa dahil sa pagtutol ng mga panginoong maylupa at bagal ng pagproseso ng mga dokumento at papeles noong panahon ng pandemyang Covid-19. Liban pa, tinarget ng pagpaslang at panggigipit ng noo’y rehimeng Duterte ang mga lider-magsasaka at grupong tumutulong sa mga apektadong magsasaka.
Imbes na ituloy, kinansela ng DAR ang ipinamahagi nang Certificate of Land Ownership Award (CLOA) noong 2022. Ipinabatid lamang ito sa mga magsasaka noong 2023. Inapela ng mga magsasaka ang pagbawi sa sumunod na taon.
Habang ipinuproseso ang apela, nagsimula ang konstruksyon ng isang kalsada noong Disyembre 2024 na humagip sa apat na ektarya ng 21 ektaryang lupa.
Nangangamba ang mga magsasaka na bahagi ito ng pagdedeklara ng pagpapalit-gamit sa lupa na karaniwang taktika para ipawalambisa ang mga CLOA at distribusyon. Naiulat rin na inihahanda ang lupa para maging sentro ng komersyo.
Samantala, ang katabi nitong 79 ektaryang lupa ay nanganganib ding agawin. Dahil katiting na lamang ang pondo para sa CARPER sa ilalim ng rehimeng Duterte at Marcos, naging mabagal ang usad ng mga kaso at petisyon kaugnay dito. Sa kasalukuyan, itinakda ang lupa para sa reklasipikasyon. Plano itong ilaan sa isang proyektong pabahay para sa mga napalayas ng mga proyekto sa mga baybayin sa kalapit na mga barangay.
Noong Hulyo 9, nagprotesta ang mga magsasaka sa palengke ng E.B. Magalona, malapit sa upisina ng DAR, para igiit ang kanilang karapatan sa lupa.
Huwad na reporma sa lupa sa ilalim ni Marcos
Sa ilalim ng rehimeng Marcos, walang bagong lupa ang sinaklaw ng reporma at pamamahagi. Sa ipinamahagi ng DAR na 195,000 CLOA mula Hulyo 2022 hanggang Enero 2025, 68% o 132,000 nito ay mula sa dati nang hawak ng mga magsasaka na kolektibong CLOA na pinaghiwa-hiwalay sa ilalim ng programang SPLIT ng World Bank. Instrumento ang SPLIT para tilad-tilarin ang pag-aari ng malalaking parsela ng lupa at isalang ito sa market valuation (pagtatakda ng halaga) para sa pagbubuwis, pagbebenta at kalauna’y pagpapalit-gamit.
Sa ilalim naman ng New Agrarian Emancipation Act (NAEA), pinalalabas ni Marcos na “pinatatawad” ang hindi nabayarang amortisasyon ng mga benepisyaryo ng CARP. Katunayan, kakarampot na halaga lamang ng lumang mga utang ang pinalampas nito at hindi kabilang ang bagong utang ng mga benepisyaryo. Nasa 14% lamang ng target ng benepisyaryo at 6% ng mga magsasaka ang nasaklaw nito. Gayundin, hindi binura ng NAEA ang dambuhalang kumpensasyon na ipinagkakaloob ng CARP sa mga panginoong maylupa, at ipinasa lamang sa taumbayan ang pagbabayad dito. Ngayong taon, iniutos ng Court of Appeals ang pagbabayad ng estado ng tumataginting na ₱28 bilyon sa pamilyang Aquino-Cojuangco para sa Hacienda Luisita.
Sa kaibuturan, ang SPLIT at NAEA ay dagdag lamang sa mahabang listahan na ng mga paraan para kamkamin at monopolyohin ang lupa ng mga panginoong maylupa at asendero, mga plantasyon at malalaking dayuhang kumpanya sa agribisnes, real estate at iba pa.