Pagpapalayas ng San Miguel Corporation sa mga katutubo sa timog Palawan

Nakiisa ang National Democratic Front (NDF)-Palawan sa pagtatanggol sa lupang ninuno ng mga pambansang minoryang Molbog at Palaw’an sa Barangay Bugsuk, Balabac, Palawan na inaagaw ng San Miguel Corporation (SMC) ni Ramon Ang. Pinalalayas ang mga katutubo sa lupain para sa pagtatayo ng negosyong ekoturismo ng SMC.

Pangangamkam ng lupa para sa ekoturismo

Kinakamkam ng SMC ang lupa para bigyang daan ang pagtatayo ng Bugsuk Island Resort, isang proyektong ekoturismo na sumasaklaw ng mahigit 5,500 ektarya. Kinasabwat ng SMC ang lokal na mga ahensya at upisyal upang itulak ang engrandeng proyekto nito sa kapinsalaan ng mga katutubo.

Tinanggal ng Department of Agrarian Reform ang 10,821 ektaryang lupain sa Barangay Bugsuk at Pandanan sa saklaw ng programa sa repormang agraryo para bigyang daan ang konstruksyon ng resort. Ipinabatid lamang ang desisyong ito sa mga residente at kaakibat na demolisyon ng kanilang komunidad noong Hunyo 27.

Naglabas ng resolusyon ang Sangguniang Bayan ng Balabac para suportahan ang proyekto. Kasunod nito, naglabas ang Department of Environment and Natural Resources ng Environmental Compliance Certificate (ECC) na nagpahintulot sa pagtatayo ng resort.

Para sa sa mga residente ng Bugsuk, bangungot na nauulit sa rehimen ng anak ng diktador ang kasalukuyang banta. Una na silang pinalayas ng rehimeng Marcos Sr mula sa Bugsuk noong 1974, 50 taon na ang nakararaan, upang ibigay sa kroni nitong si Eduardo Conjuangco Jr ang lupain para paburan ang negosyong taniman ng hybrid na niyog. Si Cojuangco ang dating may-ari ng SMC.

Ang kaso ng Barangay Bugsuk ay patunay ng kabulukan ng Comprehensive Agrarian Reform Program Extension with Reforms (CARPER) ng reaksyunaryong gubyerno. Ni hindi rin nakatulong sa pagtatanggol at pagkilala sa kanilang lupang ninuno ang Indigenous Peoples’ Rights Act at ang nakapailalim dito na Certificate of Ancestral Domain Title.

“Dapat patuloy na ipaglaban ng mamamayan ng Bugsuk ang kanilang karapatan sa lupaing ninuno, kabuhayan at panirikan sa iba’t ibang paraan,” pahayag ng NDF-Palawan.

Iba pang pagpapalayas sa Balabac

Liban sa kaso ng Barangay Bugsuk, humaharap din sa pagpapalayas at pang-aapi ang mga pambansang minorya sa bayan ng Balabac sa Palawan dahil sa pagtatayo ng mga base at pasilidad militar ng US sa prubinsya. Desperado ang imperyalismong US na palayasin ang mga residente ng Balabac upang malaya nitong gamitin ang isla bilang estratehikong base at pasilidad militar nito sa nilulutong digma laban sa China.

Isa ang isla ng Balabac sa siyam na “pinagkasunduang lokasyon” sa ilalim ng EDCA. Ang naturang isla ang pinakamalaki sa mga isla na nakapaloob sa bayan ng Balabac. Nasa timog silangan ito ng isla ng Bugsuk.

Sa kasalukuyan, malapit nang matapos ang konstruksyon ng Balabac Military Runway at isang command and control center. Minamadali rin ang pagpapalawak at pagpapalalim ng daungan sa kabilang bahagi ng Balabac Island para gawing himpilan ng malalaking barkong pandigma ng US. Ang itinatayong base sa Balabac ang pinakamalapit sa pinag-aagawang Mischief Reef, kung saan nagtayo ang China ng artipisyal na isla na may mga pasilidad at instalasyong militar.

Ayon sa NDF-Palawan, sa harap ng pangangamkam ay makatarungan lamang na ipagtanggol ng mga katutubo ang kanilang lupaing ninuno sa iba’t ibang larangan ng pakikibaka, mula ligal, malaligal, armado at di-armado upang pigilan ang pangangamkam ng mga burgesyang kumprador at panghihimasok ng imperyalismong US dito.