Nagpiket ang mga grupo sa karapatang-tao sa Quezon noong Hunyo 16 para ipanawagan ang pagpapalaya sa mga bilanggong pulitikal sa prubinsya. Isinagawa ang piket sa Lucena City at sa bayan ng Pagbilao sa pangunguna ng Tanggol Quezon.
Sa bayan ng Pagibilao, inilunsad ng grupo, mga paralegal at pamilya ng mga detinidong pulitikal ang piket sa harap ng Quezon District Jail. Nanawagan ang grupo na itrato nang maayo ang mga bilanggong pulitikal sa loob ng piitan at kagyat na ibasura ang mga kasong isinampa sa kanila para makalaya.
“Sa araw-araw na nasa loob ng piitan ang walong detinidong pulitikal, walang humpay na terror-tagging ang kanilang nararanasan. Pinaghihigpitan ang kanilang karapatang mabisita at matawagan ng kanilang mga pamilya at paralegal,” pahayag ni Paul Tagle, tagapagsalita ng Tanggol Quezon.
Dagdag dito, wala rin umanong maayos na suplay ng tubig at kapos ang pagkain. Binatikos ng grupo ang kapabayaan ng administrasyon ng piitan at pagkakait sa batayang mga karapatan ng mga bilanggo.
Sa Lucena City, naglunsad ng piket ang Tanggol Batangan sa Lucena Regional Trial Court (RTC) kasabay ng pagdinig sa mga kasong isinampa laban kina Lino Baez at Willy Capareño. Panawagan ng grupo na ibasura ang kasong illegal posession of firearms and explosives na isinampa sa kanila ng mga pwersa ng estado.
Sina Baez at Capareño, kapwa tubong Batangas, ay inaresto at tinaniman ng baril at bomba sa Sariaya, Quezon noong Oktubre 6, 2021. Halos apat na taon na ang nakalipas nang sila ay inaresto ng mga pulis habang naghahanda para sa isang konsultasyon sa mga magsasaka. Nakapiit ang dalawa sa Quezon District Jail.
Ang ibang bilanggong pulitikal na nakapiit sa Quezon District Jail ay sina Gavino Panganiban, George Agudez, Reynante de Leon, Darwin Palo at Rico Endrinal.