Nagpahayag ng galit ang grupong Gabriela sa nakabibinging katahimikan ng rehimeng US-Marcos sa kagyat na usapin hinggil sa clemency ni Mary Jane Veloso.
Anim na buwan na mula makabalik sa Pilipinas mula sa Indonesia si Veloso, resulta ng ilang taong pagkakampanya ng mga grupo ng kababaihan at tagapagtaguyod ng karapatang-tao sa loob at labas ng bansa. Sa kabila nito, nananatili siyang nakakulong.
“Nagdusa si Mary Jane Veloso nang 15 taon, una sa death row sa Indonesia, at sa kabila ng pagpapauwi sa kanya, nakakulong pa rin siya Pilipinas. Patunay ang kanyang kaso sa kabiguan ng sistema na patuloy na nambibiktima sa mga bulnerableng Pilpinong migranteng mangagawa, na pinagkaitan ng dignidad, kalayaan, at ng kanilang mismong buhay,” pahayag ni Clarise Palce, pangkalahatang tagapangulo ng Gabriela.
Nagpahayag rin ng pagkadismaya ang abogado ni Veloso na si Atty. Edre Olalia hinggil sa kanyang sitwasyon. “Isang kabalitunaan na nakakulong siya sa kanyang sariling bansa kung saan wala naman siyang ginawang krimen. Walang ligal, pulitikal at moral na rason para hindi gamitin ni Marcos ang kanyang kapangyarihan para bigyan ng clemency ang isang dating domestic worker na nakulong ng 14 taon sa death row sa Indonesia.”
Ayon sa gubyerno ng Indonesia, ang usapin ng rehabilitasyon, pagpapatawad o clemency ay responisbilidad na ng gubyerno ng Pilipinas.
“Ang tanong namin sa presidente, ano ba ang hinihintay mo? Imoral at hindi makatao na hayaang magdusa sa kulungan ang isang malinaw na biktima ng human trafficking, habang ang mga salarin, na kinasuhan rin ng parehong krimen laban sa mga biktima, ay nakatakas sa kanilang pananagutan,” giit ni Palce.
Nananawagan ang Gabriela kay Marcos Jr. na gamitin niya ang kanyang kapangyarihan para mabigyan ng absolute clemency si Veloso. Nanawagan rin ang grupo sa lahat ng kababaihan at nagtataguyod ng karapatang-tao, mga organisasyon ng migrante at mamamayan, na makiisa para sa pagpapalaya kay Mary Jane.