Pagpapalaya ng France sa bilanggong pulitikal na si Abdallah, tagumpay ng mamamayan

Ipinagdiwang ng mga organisasyon sa ilalim ng International League of Peoples’ Struggles ang paglaya ni Georges Ibrahim Abdallah, isang mandirigmang Lebanese, mula sa kulungan ng France. Myembro siya kapwa ng Popular Front for the Liberation of Palestine (PFLP) at Lebanese Revolutionary Armed Factions (LRAF). Inaresto siya noong 1984 dahil sa pagkakasangkot diumano niya sa pagpatay sa mga ahente ng US at Israel sa Paris. Pinatawan siya ng parusang habambuhay na pagkakabilanggo noong 1984.

Matapos ng 41 taong pagpiit sa kanya ng reaksyunaryong estadong French, kasabwat ang imperyalistang US at Zionistang Israel, nakalaya siya dala ng walang pagod at militanteng paggigiit ng mamamayan sa kanyang mga karapatan at hustisya.

“Ang kanyang paglaya ay hindi regalo ng mang-aapi—ito ay tagumpay na sinakmit mula sa bunganga ng imperyalistang paghihigante sa pamamagitan ng deka-dekadang pakikibaka, pagkakaisa at paglaban,” pahayang ng ILPS at ILPS People’s Rights Commissio noong Hulyo 28.

Lumaya si Abdallah noong Hulyo 25, matapos ilabas ng Court of Appeals sa Paris ang pinal na desisyon sa ilang dekadang ligal na pakikibaka ng kanyang mga abugado at tagasuporta.

“Si Georges Abdallah ay hindi lamang isang dating bilanggo pulitikal—siya ay isang buhay na simbolo ng rebolusyonaryong katatagan, walang sinusukuang pasensya, at prinsipyadong paninindigan para sa karapatan ng mamamayan sa kalayaan, demokrasya, dignidad, at pambansang kasarinlan,” ayon sa ILPS.

Napalaya si Abdallah sa gitna ng lumalawak na protesta at kundenasyon ng mamamayan sa buong mundo laban sa tumitinding henosidyo ng US at Israel sa Gaza.

Sa pagbalik niya sa Lebanon, sinalubong siya ng mga “mga kamaong nakakuyom at yakap,” mga Pulang bandila, balatenggang Palestino at rebolusyonaryong mga kanta.

Panawagan ng ILPS sa lahat ng mamamayan higit pang palakasin ang pandaigdigang paglaban para sa pagpapalaya ng lahat ng mga bilanggong pulitikal at sa lahat ng porma ng imperyalismo.

Source link