Libu-libong mamamayan ang nagprotesta sa harap ng Senado sa Pasay City noong Hunyo 11 para itulak ang paglilitis kay Vice President Sara Duterte sa kaso niyang ng impeachment. Disyamado ang mamamayan sa tila pagprotekta ng Senado, na tumatayong impeachment court, kay Duterte sa ginawa nitong mga taktika ng sadyang pag-antala sa paglilitis.
Binatikos ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) at ibang grupo ang mga maniobra ng mga maka-Duterteng senador at maging ni Senate President Francis Escudero. Unang itinakda ang petsa ng pormal na pagbubukas ng impeachment court noong Hunyo 2, matapos ang apat na buwan nang pag-antala, ngunit inilipat ito ng Hunyo 11, huling araw ng sesyon ng senado.
Sa tulak ng ilang mga senador, napilitan si Escudero na tipunin na ang impeachment court noong Hunyo 10. Sa araw na iyon, itinulak ni Sen. Bato dela Rosa na ibasura ang kasong impeachment. Hindi sumang-ayon ang mga senador dito ngunit bumoto ang mayorya (18 senador) pabor sa pag-remand o pagbabalik ng reklamo sa House of Representatives.
Ibinalik ito sa mababang kapulungan para kumpirmahin umano kung sumunod sa konstitusyon ang proseso ng impeachment ng mga kongresista laban kay Duterte. Binatikos ng mga grupo ang hakbang na ito at sinabi ng maraming abugado at eksperto sa batas na labag ito sa konstitusyon.
Noong Hunyo 11, nagkaroon din ng mga protesta sa Iloilo City at Bacolod City. Naglunsad naman ang mga kasaping organisasyon ng Bayan ng demonstrasyon noong Hunyo 12 sa Cebu City at noong Hunyo 13 sa Baguio City at La Union laban sa mga maniobrang ito.
Kumilos din ang ibang mga grupo at alyansa laban sa pag-antala sa paglilitis kay Sara Duterte.