Lantarang pagyurak sa karapatang-tao ang sabik na sabik na ipagmalaki ni 8th Infantry Division chief Maj. Gen. Ariel Orio na “nakamit” diumano ng kanyang mga pasistang tropa laban sa rebolusyonaryong kilusan sa unang hati ng 2025.
Gaya ng nakagawian ng militar, pinalalabas ni Orio na “napaslang sa armadong engkwentro” ang hindi bababa sa anim na ordinaryo at di-armadong magsasaka, gaya ng mag-amang Renato at Raymart Gabac sa Paranas, Samar noong Pebrero 5; mga magsasakang sina Noel Lebico Sr, Arnel Aquino at Nonoy Norcio sa Catubig, Northern Samar noong Hulyo 5; at menor de edad na si Jason Padullo sa Borongan, Eastern Samar noong Hulyo 15.
Ipinagmamayabang din ni Orio ang pagyurak ng kanyang mga tropa sa internasyunal na makataong batas, gaya ng pagmasaker sa mga pasyenteng Pulang mandirigmang sina Juanito Selleca Jr (Ka Tibor) at Sadam Paclita (Ka Dimple), kasama ang Pulang medik na si Lino Delante (Ka Dodong) sa Carigara, Leyte noong Hunyo 18.
Itinuturing niyang “tagumpay” ang “pagpapasuko” sa 27 indibidwal, matapos silang hindi tantanan ng pananakot, pambabanta, panunuhol at panghaharas ng mga pasistang tropang nagkakampo at naghahamlet sa daan-daang barangay sa kanayunan ng rehiyon. Ang sinasabi ni Orio na “pakikipagtulungan sa mga LGU” sa katunayan ay paghaharing militar, habang ang “suporta mula sa mga sibilyan” ay panunuhol ng barya sa mga taksil. Ang mga baryong sinasabi niyang “insurgency-free” ay iyong marahas na binuwag ang mga samahang magsasaka, sinupil ang pakikibaka para sa tunay na repormang agraryo, at pinagkalatan nila ng sugal, intriga, at pang-aabuso sa kababaihan at kabataan.
Sabik siyang magpakitang-gilas dahil hindi pa siya nakukuntento sa lumalaking nakaw mula sa E-CLIP, SBDP, at iba pang huwad na programang kontra-insurhensya. Dagdag ang mga ito sa nabubulsang kikbak mula sa mga proyektong imprastruktura, pagtotroso, dambuhalang pagmimina, at iba pang mapanirang pandarambong sa kalikasan na kanilang binibigyang-daan.
Gayon na lamang ang pagkukumahog ni Orio na ipakita sa kanyang hepeng si Bongbong Marcos gaano siya kahusay sa pagiging sunud-sunuran sa pasista, pahirap, at papet nitong rehimen. Dapat niyang ipakitang siya’y masugid na tagasupil ng mamamayang lumalaban at naggigiit ng tunay na kalayaan, katarungan at kaunlaran. Kailangan niyang patunayang mahusay siyang tagapagtanggol ng mga lokal at dayuhang naghaharing-uring dumadambong sa bayan.
Kaya anumang pagmamalaki o pagsisinungaling ni Orio, tuwing dumarating ang mga tropa ng 8th ID sa mga baryo ay kinasusuklaman pa rin sila ng masa. Hindi sila pinagkakatiwalaan, dahil alam ng masa na dagdag na pagpapahirap lang ang hatid nila. At habang tumitindi ang todo-gera sa kanayunan at nadadagdagan ang utang na dugo ng pasistang rehimen, lalong nakukumbinsi ang masang magsasaka na sa pamamagitan lang ng pagtatagumpay ng digmang bayan tunay na makakamit ang hustisya laban sa berdugong militar.
Sa kabilang banda, ang magigiting na kasapi ng BHB na nabuwal sa pagsusulong ng armadong pakikibaka ay labis na minamahal at sinasaluduhan ng masa. Bagama’t naghihinagpis sa pagkawala ng mga bayaning Pulang mandirigma, na kanila ring naging kaibigan at kasangga sa pagbigo sa terorismo ng estado, buo pa rin ang kapasyahan nilang ipagpatuloy ang makatarungang armadong pakikibaka, at sumapi sa BHB kasama ang paparami pang namumulat na mamamayan.
The post Paglapastangan sa karapatang-tao, ipinagmamalaki ng 8th ID appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.